Linggo, Hulyo 1, 2012

Gunita ni Lolo


First time kong pumunta sa sementeryo na hindi undas at hindi makipaglibing. Nagpasya kami:ako at dalawa sa mga nakakatanda kong kapatid na dalawin sina lolo at lola. Ito na yung tamang pagkakataon na maipakita ko sa kanila(kung makita man nila) na hindi at hinding-hindi ko sila nakakalimutan. Hiningi lang ng pagkakataon kaya hindi ako nakuhang umuwi sa kanilang mga burol. Unang rason, mahal ang pamasahe. Pangalawa, kailangan ako sa trabaho at hindi ako pwede mag-leave ng matagal.

Una naming pinuntahan ang netso ni Lolo. Halata na kailan lang siya ipinasok dito. Malinis pa ang takip at readable pa ang nakasulat. Ibang-iba talaga si Lolo, pangalan palang. Sunod kong napansin, mali ang spelling ng kanyang pangalan. Gusto akong magreklamo pero kanino? At ito ba ay nararapat? Ang pangalan niya isinulat lang gamit, na sa hula ko ay hibla ng walis tingting. Isinulat ito habang basa pa ang semento. Oo, ganun lang. Ganun lang ka-simple. Pinili naming maging simple hindi dahil simple kami mag-isip. Ang totoong dahilan wala kaming pera. Hindi namin kaya ang lapida na ang pangalan ay nakasulat sa kulay silver na letra(minsan may kulay gold) at meron pang picture na pwede pang profile photo sa FB. Tiningnan ko kanyang mga katabi, ganda ng mga lapida. Dun ko na-realize na hindi totoo na ang may pera at wala ay pantay-pantay kung mamatay. Dahil hindi. Sa catholic public cemetery ay makita mo ang pinagkaiba sa may kaya at wala. Base sa lapida, mahulaan mo ang katayuan sa buhay ng namatay. O kung hindi man siya, malamang ang mga kamag-anak ang may kaya.
May napansin ako. "Rest in Peace". Sa ibaba, "From your beloved children and grandchildren". Seguro ang may kaya ang mga kamag-anak lang nito. Mukha kasing mahirap ang nasa picture.


Ang buhay ay isang kwento. Ang alaala ay ang aklat at tayo naman mismo ang manunulat. Habang ang ating bawat desisyon ay ang tenta na bumubuo sa ating bawat storya.
Wala na si Lolo pero hangga't buhay ang mga taong nakakilala sa kanya, siya ay manatiling buhay. Tapos na ang kanyang kwento pero nag-iwan ito ng libro sa kanyang mga nakasalamuha. Kasalukuyan ko ngayong binubuklat ang mga pahina ng kanyang buhay. Ayaw kong husgahan kung siya ba ay naging magaling na manunulat o hindi. Isa lang ang masasabi ko, siya ay naging mabait kong Lolo. At hindi ko yun makakalimutan. Seguro kung may matutunan man ako sa kwento niya ay ang tungkol sa kanyang pagiging babaero. Lumaki ako sa mga kwento na aking narinig na siya ay matinik sa mga babae.. Aaminin ko, hangang-hanga ako sa kanyang abilidad noong mga panahon kung saan ako’y nagsimula palang dumidi sa emosyon na nagpaikot sa boung mundo. Na tinatawag nilang LOVE. Ano kaya ang kanyang sekreto? Hindi naman siya guwapo.

Pero noon yun, iba na ngayon. Maraming taon na ang nakalipas. 25 years old na ako. Nagbago na ang tingin ko sa mundo. Bilog na ito at hindi na patag. Nagbago narin ang tigin ko kay Lolo. Ang paghanga ay napalitan ng awa. Saksi ako kung paano siya unti-unting humihina habang tumatagal ang panahon. Mula sa pagkalabo ng paningin, sa pagkawala ng lakas hanggang sa pagpurol ng memorya. Hindi pala siya naiiba sa kabila ng dami ng kanyang mga babae. Gaya ng normal na tao, siya ay tumatanda at humihina. 

Napag-isip isip ko, totoo nga seguro ang kasabihang nothing in this life is free. Walang libre. Laging may kapalit. Kung gusto mo ng kabutihan, gumawa ka ng kabutihan. Kung may nais kang may marating sa buhay, kailangan bayaran mo ito ng pagsisikap. Kung may gusto kang makuha at maangkin, kailangang merong bagay kang pamalit.
Sa kwento niya, respeto ng mga anak ang naging kapalit para sa kanyang mga babae. Pero, kahit hanggang sa huli ng kanyang buhay, wala namang napatunayan. Pinili ang panandaliang kasiyahan kapalit sa pangmatagalan. Not a good barter, isn't it?

Kahit kailan hindi sukatan ang dami ng babae para tawaging dakila o tunay na lalaki. Dahil ang tunay na lalaki ay matatag. Kapag sinabi kong matatag ibig sabihin may sapat na tatag para labanan ang tukso. Dakila? Ang totoong dakila ay ang mga taong inuuna ang pamilya kaysa pansariling kasiyahan.

May gusto kabang makuha o maangkin? Mag-isip isip muna. Maging wais. Sayang naman ang ginto kung i-trade mo lang sa kinakalawang na bakal.
Itaga mo sa semento, instant happiness is a fake happiness. Parang Lucky Me! Instant noodles beef flavor lang yan. Madaling lutuin, mura, ok ang lasa pero artificial ang flavor, walang baka, kulang sa sustansiya at hindi maganda sa katawan. Pero kung nais mo ang mas angat na ulam, maglaga ka ng baka. Kaso mahal, matagal lutuin pero mas masarap at mas masustansiya. Higit sa lahat, totoong baka. Tandaan, there is no shortcut for real happiness. Kung gusto mo ng mas masarap, wag ka sa instant. Dun ka sa totoo. Maglaga ka.