Sabado, Oktubre 15, 2011

Astig


Ang totoong  astig ay wala sa panlabas na kaanyuan.  Para sa akin, sila ang mga totoong astig:


·        Ang astig ay si Gen. Gregorio del Pilar na lumaban sa mga mananakop na dayuhan sa labanang 1:10.

·        Ang astig ay si Emilio Jacinto na sumulat sa astig na kartilya at editor sa astig na pahayagang “kalayaan”.  Kung ang mga kabataan natin ngayon ay abala sa paglalaro ng dota, hithit ng mariwana o adik-adik, at planking?, siya ay sumapi sa katipunan sa edad na 18. Batang-bata.

·        Ang astig ay si Mother Teresa na  bago namatay ay nag-iwan ng 610 missions sa 123 countries. Tinutulungan niya ang mga mahihirap, inaaruga ang mga may sakit, at nagpatayo ng mga orphanage at schools.  Hindi nakapagtatakang binansagan siyang one of the greatest persons in century. Take note, hindi decade kundi century. Astig.

·        Ang astig ay si Levi Celerio na makapagpatugtog  ng humigit 2000 na  magandang musika gamit lang ang dahon . Sabi ng guiness book of records, the only leaf player in the world is in the Philippines. Astig!

Masyado atang antigo ang mga binanggit ko, dun tayo sa medyo bagu-bago.

·        Ang astig ay si Manny Pacquiao, na hindi nakapagtapos ng high school at nilalait ang kanyang ingles pero pinairal ang pagiging edukado at hindi pinatulan ang pambabastos ni Mayweather sa internet.

·        Ang astig ay ang napabalitang binatilyo na tinulungan ang mga kapitbahay na maka-evacuate sa safety na lugar kahit masyadong mapanganib. Gaano kapanganib? Buhay niya ang naging kabayaran  kapalit sa maraming buhay na kanyang nailigtas sa bagyong Ondoy.

·        Ang astig ay ang ating mga board passer na nurses na nagpasyang manatili at maglingkod dito sa ating bansa sa kabila ng malaking kaibahan sa sweldong  dolyar at peso.

·        Ang astig ay ang mga may-asawa na nasa ibayong sulok ng mundo na patuloy nilabanan ang temptation  alang-alang sa sakramento ng kasal at pagtupad sa binitawang salita sa altar.

·        Ang astig ay mga pagod na tatay pero nagtratrabaho parin at hindi pinalampas ang overtime dahil may babayaran na tuition at para may  pambili ng gatas ni bunso.

·        Ang astig ay ang mga sundalong nasa bakbakan at ibinuwis ang buhay habang ang kanilang sir  general ay nasa komportable at  malamig na opisina kinukorakot ang pondo.

·        Ang astig ay ang trapik officer na piniling maulanan at mainitan maging maayos lang ang daloy ng trapiko.

·        Ang astig ay ang mga nanay na nagdala-dala sa atin ng 9 months sa loob ng tiyan, bumabangon ng hating –gabi para magtimpla ng gatas, nagturo sa atin paano magclose-open at  maglakad, at hindi naubusan ng payo dahil sa kanyang sobrang pagmamahal . Pero ngayon sinasagot mo lang dahil laging nakikialam sa tuwing ikaw ay may lakad.
·        Ang astig ay ang mga OFW na tiniis ang homesick, binalewala ang mga pangmamaltrato at mura ng amo, at  patuloy nakibaka sa hirap ng buhay abroad, may maipadala lang sa Pinas.

·        Ang astig ay ang mga matiyagang titser na umaakyat sa bundok lunes hanggang biyernes   para magampanan ang napiling propesyon.

·        Ang astig ay ang mga naglilingkod sa gobyerno ng tapat at hindi nagpalamon sa bulok na sistema.

Ikaw, ano ba sa ‘yo ang pagiging astig?
Magpaahit sa kilay kagaya kay Victor Neri sa ex-con? Magpa-tattoo ng abstract sa bisig, agila sa dibdib at ahas sa braso? Gayahin ang gupit ni apl ng black-eyed peas? Lagyan ng hikaw ang ilong, kilay at dila? Ipa-dreadlock ang buhok? Gawing idol si Justin Bieber? Hindi na mag-aral at maglaro nalang ng internet games para maipagmayabang na astig dahil ganito na ang character mo? Mambugbog ng asawa? Magpaiyak ng mga babae?Ubusin ang pera sa alak? Magpa-picture hawak ang bote ng alak at sigarilyo? Hithitin ang sigarilyo, tumingala  at dahan-dahang ibuga pataas ang usok? Mag-planking? Kulayan ang buhok? Mag-manicure ng kulay itim? Mag-shades kahit tag-ulan? O di kaya mag-adik adik nalang?

Sige na nga, wag kana magalit. Sabi nga nila, walang pakialaman. Kanya-kanyang trip. Kaya, go lang ng go. Sige lang ng sige. Hindi naman masama yun bukod nalang sa pag-adik adik at pambugbog ng asawa. Pero tandaan: iba ang kagagohan at katarantadohan sa pagiging astig. Ulitin ko, wala sa panlabas na kaanyuan ang pagiging astig. Hindi ito pinapakita kundi ginagawa.


Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.