Linggo, Marso 11, 2012

Kasiyahan at Tagumpay


Here comes the sun (doo doo doo doo)
Here comes the sun, and I say
It's all right

Little darling, it's been a long cold lonely winter
Little darling, it feels like years since it's been here
Here comes the sun
Here comes the sun, and I say
It's all right
Kinanta ko sa mahinahong tono ang Here Comes the Sun habang nakadungaw sa bintana dito sa dormitoryo.
Maganda ang panahon.Tanaw ko mula sa bintana ang bagong sikat ng araw. Kumikinang ang mga dahon ng puno tuwing tinamataan ng sinag. Parang naglalambing ang araw sa magandang umaga. Malamig din ang hangin. Banayad ang ihip nito. Masarap ang pakiramdam sa balat.

Sayang naman kung igugol ko lang ang day-off sa pagtulog. Medyo kumakapal ng ang taba sa tiyan. Kailangan na atang tapyasan sa paraang alam ng lahat, exercise.
Kinuha ko ang aking kamera at nagdesisyong maglakad-lakad sa gilid ng ilog. Magandang exercise to. Hindi heavy at relaxing.

Naaaliw akong kunan ng picture ang mga ibong nanghuhuli ng isda sa ilog. Napakaamo nila. Isang bagay nagpamangha sa akin ay ang kanilang pagiging pasensiyoso sa paghahanap ng pagkain. Hindi sila nagmamadali. Dinadaan lagi sa tamang timing. Naghihintay. Hindi nabahala. Para bang ninamnam ang bawat segundo ng kanilang buhay.
Sana ganyan din ang tao. Sana ganyan din ako.

Bukas, trabaho na naman. Balik sa totoong mundo.
Ano ang totoong mundo?
Totoong mundo-kailangang maghanapbuhay para mabuhay.
Tapos na ang kabanata sa tatlong sunod na araw na day-off . Kung sa teleserye pa, tapos na ang patalastas at balik na sa nagbabagang eksena. Magtitiis ang bida at dumaan sa matinding pagsubok. Hahagupitin ng problema. Nilalamon ng kalungkutan. Nag-iisa. Parang one against the world. Boring.
Minsan naisip ko na ang teleserye ay hindi nalalayo sa buhay OFW. Oo, ang magtrabaho sa ibang bansa ay parang isang walang kwentang teleserye mapanood gabi-gabi.
May report pa akong hindi natapos. Ang daming nakalinyang trabahong kailangang tapusin bukas. Naririndi na ako sa utos. Allergic na para sa akin ang salitang urgent. Dagdagan pa ng  deadline, nakaka-pressure. Ang liit ng sweldo. Hirap ng trabaho. Kakasawa na. Sana naging ibon nalang ako.
Biglang dumilim ang langit. Nakipag-duet ang panahon sa aking emosyon. Hindi na akma ang "Here Comes The Sun". Dapat "Ulan" by aegis.

Umupo ako sa damuhan. Inilapag ang kamera at nag-isip. Ayon sa huling survey estimated 2.9 milyong Pilipino ang walang trabaho kasama na dun sa bilang ang mga nag-aapply palang. Bawat taon nadagdagan ang dami ng mga unemployed dahil sa mga bagong graduate.
Biglang nag-shift ang aking isip. Parang pirated na dvd na tumalon at napunta sa ibang scenes.
Naalala ko ang mga sinalanta ng baha sa Cagayan de Oro. Nawalan na nga ng bahay, missing pa ang mga mahal sa buhay. Kaawa-awa. Pero kung kaawa-awa lang din naman ang pag-uusapan, gusto kung isali dito ang mga pamilyang natulog at tumira lang sa kariton, mga batang nagpakilimos sa Baclaran at ang napanood ko sa documentary program na mga minor de edad na babae ibenenta ang katawan may makain lang.
Nakuha pa kaya nilang mangarap sa kanilang kalagayan? Kung may Diyos pa sila, ano kaya ang kanilang laging dasal?

Tinitingnan ko ang umaagos na tubig sa ibaba. Nakita ko sa reflection ang aking hitsura sa tubig. Tumataba na ako. Pero higit pa sa anyo ko ang aking nakita. Katulad sa janitor fish,  biglang somulpot ang reyalidad na hindi ko nakita dati. Reklamo ako ng reklamo. Pilit kong hinanap ang wala.
Para akong sinampal na hindi ko alam kung sino o saan galing. Mas swerte parin pala ako kung tutuusin kumpara sa kanila. Andito na ako sa Taiwan habang ang iba nag-aapply palang. Kumakain ako ng anim na beses sa isang araw(tama yang binasa mo, anim beses), nakakain ng matino at desenteng pagkain, nakatulog ng maayos, may komportableng tinetirhan, nakapag-facebook. Nakatawag at nakapag-text. Maliit nga lang ang sweldo pero seguradong buwan-buwan may pera ako.

Dinampot ko ang kamera. Nagdesisyong tumayo at maglakad-lakad muli. Malinaw na wala sa sitwasyon ko ang problema kundi nasa ugali. Nasa ugali ko. Tama nga na ang contentment ay may kinalaman sa kasiyahan. Hindi ako nakontento. Hinahanap ko ang wala. Sa sobrang busy sa paghahanap ng wala, nakaligtaan kong tingnan kung anong meron ako. Marahil dahil minsan kinumpara ko ang sarili sa iba. Sa mga kakilala kong may narating na sa buhay. Meron silang magagandang trabaho at malalaking sweldo. Nakalimutan kong iba sila at iba ako. Sa parehong dahilan na iba ang gusto ko, iba din ang gusto nila. Ang simpleng pag-iisip ay naging isang magaling na eskultor na nag-ukit ng problemang hindi naman nag-exist.Wala na atang iba pang mas importante para sa tao bukod sa pagkain ay ang bigyan ng kahulugan ang salitang TAGUMPAY. Dapat may sarili akong depinesyon sa tagumpay.

Na-realize ko na ang totoong kasiyahan ay wala naman sa mga material na bagay o sa pera. Wala din itong kinalaman sa uri ng trabaho o laki ng sweldo. Ang ngiti at tawa ng mga squatters na nakatira sa barong-barong ay walang pinagka-iba sa ngiti at tawa ni Bill Gates. Malinaw na ang totoong kasiyahan ay walang kinalaman sa ari-arian.

Sabi nga ni Father Mar Sobrejuanite, "Maganda ang mayroon ka(mga luhong bagay) pero kung ang tuwa at value mo ay nakasalalay sa mga ganung bagay, kaawa-awa ang dating mo."

Pagbalik ko sa dorm, ito ang mga bagay ang natutunan ko:
1. Ang mga reklamador na tao ay ang mga hindi marunong makontento.
2. Ang mga hindi marunong makontento ay walang pangmatagalang kasiyahan.
3.Pwede palang mangarap as well as matutong makontento. Mangarap para ikaunlad sa sarili(skills or character) at makontento sa mga material na bagay na naging bunga ng mga pangarap.
4.Ito ang pinaka-importante, wag ikompara ang sarili sa iba. Papayag man tayo o hindi, meron talagang isinilang sa mundo na mas magaling pa sa atin.


2 komento:

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.