Sabado, Disyembre 31, 2011

PAMPASUWERTE DAW SA NEW YEAR

Mag-New Year na naman. I am sure abala ngayon ang mga tao sa paghahanda ng pampasuwerte.
Anong handa mo? Sa dalawampu’t isang taon kong pananalagi sa mundong ibabaw, ito ang mga napansin kong kaugaliang pampaswerte daw para sa bagong taon. 

1.   Wag magpagupit ng buhok kung bagong taon. Mapuputol daw kasi ang swerte ng tao. Iwan ko lang kung sino ang addict ang nagpauso nito. 
2.   Maghanda ng labindalawang uri ng bilog na prutas. Pero may narinig akong dapat daw labintatlo. Kung ilan ang totoo, ewan.
Pero hindi biro ang kaugaliang ito. Ang hirap kayang maghanap ng labindalawang uri ng prutas lalo pa’t bilog. Kaya kung wala kana talagang mahanap, isama mo nalang ang repolyo at kalabasa. Isipin mo nalang prutas yan!
3.   Maghagis ng barya sa loob ng kuwarto pagsapit ng bagong taon. Kontra ako sa ganitong gawain. Sabi ng nanay ko buwisit ang magtapon ng pera.
4.   Ang isuot na kulay ng damit kapag new year ay dapat naaayon sa taon kung kailan ka ipinanganak. Halimbawa kung ipinanganak ka sa year of the chicken este rooster, dapat kulay pula o puti ang isuot para hindi malasin. Kung wala kang ganyang kulay na damit, dapat bumili ka. Kung wala ka namang perang pambili, mangutang ka muna ng 5-6 sa Bombay. Ayos lang kung makautang-utang basta lang swertehin.
5.   Huwag maghanda ng manok sa bagong taon. Ang manok daw kasi malas. Kakha-tuka.
Ewan ko anong koneksyon dun. Seguro kung bukod sa kainin ay gawin mong idol ang manok, malas nga.
6.   Magpaputok pagsapit ng alas dose para pantaboy ng malas. Kaya kung may baril ka sige paputukin mo. Kung may rebentador ka, sige sindihan mo. Ok lang kung may matamaan sa ligaw nabala. Ayos lang kung maputol ang daliri sa kamay total may daliri kapa naman sa paa. Nosi balasi! Gagawin mo yan lahat para lang sa swerte.
7.   At marami pang iba...

Hindi ko alam kung sino ang nagpasimula at kung kailan nagsimula ang kaugaliang halos pina-practice sa lahat ng Pilipino. Minsan nga naitanong ko sa sarili, “May ganyan din kaya kung magbagong taon ang mga sinaunang Pilipino? Nagpaputok din kaya ang kababayan kong si Lapu-lapu?”

Deritsuhin ko na kayo, hindi ako sang-ayon sa ganitong mga paniniwala. Isipin mo, kung totoo pa ito, hindi sana naghihirap ang Pilipinas. Sa tagal na nating pina-practice ang ganito, pero third-world country parin tayo. Linawin ko, hindi ako kontra sa paghahanda. Tama yan. Magprepara ng mga masasarap ng pagkain para sa pamilya at mga kaibigan. Magandang bonding at pasasalamat narin dahil nalampasan ang mga pagsubok sa nakaraang taon. Pero kung haluan mo ng kaletsehan ang paghahanda, ibang usapan na yan.

Ang malas at suwerte ay wala naman sa sitwasyon o sa panahon. Nasa tao lang yan-nasa ugali. Kung gusto mong suwertehin, magsikap ka, tigilan mo na ang iyong mga bisyo, itigil mo na rin ang iyong pambabae o panlalaki, mahalin at bigyang panahon ang pamilya, wag gawing komplikado ang buhay, hindi dapat gawing batayan ang nabasa mong novel o napanood mong pelikula para sa iyong relasyon dahil bunga lang yun sa hindi makatulog na writer, maging honest sa BF or GF kung wala kapang asawa, gumawa ng kabutihan para sa kapwa, mamuhay ng tahimik at marangal(huwag gayahin ang mga politician at pulis), at higit sa lahat magdasal at lumapit sa Diyos.
Ngayon kung ako ang tanungin mo kung ano ang malas?
Ang pagiging tamad, yan ang malas!  





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na. Mga 3 years ago.

Huwebes, Disyembre 8, 2011

DESISYON


Boss: When can you give me the report?
Tiningnan ko ang aking relo.
Ako: Maybe before 12 o’clock, sir. Because I have to do this first...and modify this...then...etc.
Boss: What time is it now?
Ako: Already 9:10a.m.
Boss: Okay. Give me the report at 10:00a.m.

Sabay alis.
Para akong sinubuan ng bahaw pagkatapos binatukan. Hindi ako nakaangal o makaimik man lang. Walang na ngang OT, marami pa ang dapat gawin at agad-agaran pang tapusin.
Naisip ko agad damputin ang nasa harap kong computer monitor at ihagis sa bintana. Sapat na seguro ang taas na apat na palapag para masira ko ang gusto kung sirain. Anak ng tikbalang! Ang layo sa estimasyon kung alas dose sa alas diyes. Pero wala akong magagawa. Ang boss ay laging boss. Dapat sundin.

Lahat ay nakasalalay sa aking desisyon. Pwede naman akong mag-resign at umuwi nalang  ng Pilipinas. Laki ako sa hirap. Hindi naman ako mamamatay sa gutom dun. Marunong akong mag-araro, gumawa ng mga handicrafts at mag-ayos ng sapatos. Kaya kung igapang ang sarili para mabuhay. Kahit maliit lang ang  kita pero marangal yun. Hindi dapat ikahiya.
May naisip na ako paano ko simulan ang aking resignation letter.

Ang bawat desisyon ay ang humohulma sa ating itinatayong mga pangarap. Malamang hindi natin pansin pero ito ang totoo. Bawat pagkakamali, nakakaapekto ito sa tibay o kundi man sa duration ng pagtatayo.
Para din itong pangguhit. Ito ang nagdo-drawing sa ating magiging bukas. Nagkamali ka? Gaya ng paguhit, pwede mong burahin. Yun nga lang, andun parin ang bakas ng pagkakamali. Depende sa laki ng nagawang mali.
Mahalintulad din ito sa isang domino na nakalinya ng maayos. Kunting tulak lang sa isa, apektado na lahat. Series of reaction kumbaga. Sunod-sunod, damay-damay.
In every decision, action will follow. And in every action, there should be consequences.

Kung mag-resign ako, para ko naring tinutulak ang unahang parte ng dominong nakalinya.
Kawawa naman sila mama at papa. Alam kong hindi sila umaasa sa akin. Pero seguradong malaking apekto sa kanila kung hindi na ako makapagpadala buwan-buwan. Sa point ngayon ng buhay ko, sila ang pinakamahalaga. Obligasyon ko ang ibigay sa kanila ang suporta ng isang anak.

Kung mag-resign ako, paano na ang aking mga pangarap? Oo, pwede ako umuwi ng Pinas para mag-apply uli sa ibang company. Pero hindi yun ganun kadali. Marami akong kakilala na umuwi pero hanggang ngayon ay nag-aapply parin.
At katulad sa nauna kong nabanggit, pwede din akong magsaka nalang. Magtanim ng kamote, mais at saging. Tapos, mag-sideline sa pagawa ng handicrafts at pag-aayos ng sapatos. Pwede na seguro yun.
Pero naisip ko ang pinagkaiba ng eroplano at barko. Ang pangarap ay parang isang destinasyon. Di hamak na mas mabilis ang eroplano sa barko. Kung magsaka ako, para narin akong nagbabarko. Sa pagtatanim ng saging, mais at kamote ay walang amo. Walang magdedekta. Ako ang masunod. Walang pressure. Walang deadline. Pero may bagyo! Paano kong may bagyo? Sira ang pananim.
Taob ang barko.

Sabi ni Bo Sanchez, “If you cannot change the situation, then change your attitude.”
Para itong sibat na tumama sa aking sentido. Sapul.
Seguro nga, masyado lang akong reklamador. Gusto ko lagi ang magaan at madaling trabaho. Kung tutuusin, wala naman talagang madaling trabaho.
Ginaya ko ang napanood ko sa pelikulang “The 3 Idiots”. Tinatapik ko ang aking kaliwang dibdib sabay sabi ng “Aal izz well. Aal izz well”. Paulit-ulit yun.

Quarter to 10:00a.m., lumapit ang Boss ko.
Ako: Sir, have you received my e-mail? Is my report okay?


Hindi siya sumagot. Pero bago paman, inihanda ko na ang aking tenga kung sakali sigawan ako. Napansin kong inangat niya ang kanyang kanang kamay. Dahil idol ko si Bruce Lee, balak ko yun salangin at baliin. Buti nalang naisip ko na ang pelikula ay walang kinalaman sa totoong buhay. Kaya hindi ko yun ginawa.
Hinayaan ko nalang na dumapo iyon sa aking balikat. Tapos, sabi niya,“It is okay. Good!”

Hmmm...mag-resign paba ako?