Huwebes, Disyembre 8, 2011

DESISYON


Boss: When can you give me the report?
Tiningnan ko ang aking relo.
Ako: Maybe before 12 o’clock, sir. Because I have to do this first...and modify this...then...etc.
Boss: What time is it now?
Ako: Already 9:10a.m.
Boss: Okay. Give me the report at 10:00a.m.

Sabay alis.
Para akong sinubuan ng bahaw pagkatapos binatukan. Hindi ako nakaangal o makaimik man lang. Walang na ngang OT, marami pa ang dapat gawin at agad-agaran pang tapusin.
Naisip ko agad damputin ang nasa harap kong computer monitor at ihagis sa bintana. Sapat na seguro ang taas na apat na palapag para masira ko ang gusto kung sirain. Anak ng tikbalang! Ang layo sa estimasyon kung alas dose sa alas diyes. Pero wala akong magagawa. Ang boss ay laging boss. Dapat sundin.

Lahat ay nakasalalay sa aking desisyon. Pwede naman akong mag-resign at umuwi nalang  ng Pilipinas. Laki ako sa hirap. Hindi naman ako mamamatay sa gutom dun. Marunong akong mag-araro, gumawa ng mga handicrafts at mag-ayos ng sapatos. Kaya kung igapang ang sarili para mabuhay. Kahit maliit lang ang  kita pero marangal yun. Hindi dapat ikahiya.
May naisip na ako paano ko simulan ang aking resignation letter.

Ang bawat desisyon ay ang humohulma sa ating itinatayong mga pangarap. Malamang hindi natin pansin pero ito ang totoo. Bawat pagkakamali, nakakaapekto ito sa tibay o kundi man sa duration ng pagtatayo.
Para din itong pangguhit. Ito ang nagdo-drawing sa ating magiging bukas. Nagkamali ka? Gaya ng paguhit, pwede mong burahin. Yun nga lang, andun parin ang bakas ng pagkakamali. Depende sa laki ng nagawang mali.
Mahalintulad din ito sa isang domino na nakalinya ng maayos. Kunting tulak lang sa isa, apektado na lahat. Series of reaction kumbaga. Sunod-sunod, damay-damay.
In every decision, action will follow. And in every action, there should be consequences.

Kung mag-resign ako, para ko naring tinutulak ang unahang parte ng dominong nakalinya.
Kawawa naman sila mama at papa. Alam kong hindi sila umaasa sa akin. Pero seguradong malaking apekto sa kanila kung hindi na ako makapagpadala buwan-buwan. Sa point ngayon ng buhay ko, sila ang pinakamahalaga. Obligasyon ko ang ibigay sa kanila ang suporta ng isang anak.

Kung mag-resign ako, paano na ang aking mga pangarap? Oo, pwede ako umuwi ng Pinas para mag-apply uli sa ibang company. Pero hindi yun ganun kadali. Marami akong kakilala na umuwi pero hanggang ngayon ay nag-aapply parin.
At katulad sa nauna kong nabanggit, pwede din akong magsaka nalang. Magtanim ng kamote, mais at saging. Tapos, mag-sideline sa pagawa ng handicrafts at pag-aayos ng sapatos. Pwede na seguro yun.
Pero naisip ko ang pinagkaiba ng eroplano at barko. Ang pangarap ay parang isang destinasyon. Di hamak na mas mabilis ang eroplano sa barko. Kung magsaka ako, para narin akong nagbabarko. Sa pagtatanim ng saging, mais at kamote ay walang amo. Walang magdedekta. Ako ang masunod. Walang pressure. Walang deadline. Pero may bagyo! Paano kong may bagyo? Sira ang pananim.
Taob ang barko.

Sabi ni Bo Sanchez, “If you cannot change the situation, then change your attitude.”
Para itong sibat na tumama sa aking sentido. Sapul.
Seguro nga, masyado lang akong reklamador. Gusto ko lagi ang magaan at madaling trabaho. Kung tutuusin, wala naman talagang madaling trabaho.
Ginaya ko ang napanood ko sa pelikulang “The 3 Idiots”. Tinatapik ko ang aking kaliwang dibdib sabay sabi ng “Aal izz well. Aal izz well”. Paulit-ulit yun.

Quarter to 10:00a.m., lumapit ang Boss ko.
Ako: Sir, have you received my e-mail? Is my report okay?


Hindi siya sumagot. Pero bago paman, inihanda ko na ang aking tenga kung sakali sigawan ako. Napansin kong inangat niya ang kanyang kanang kamay. Dahil idol ko si Bruce Lee, balak ko yun salangin at baliin. Buti nalang naisip ko na ang pelikula ay walang kinalaman sa totoong buhay. Kaya hindi ko yun ginawa.
Hinayaan ko nalang na dumapo iyon sa aking balikat. Tapos, sabi niya,“It is okay. Good!”

Hmmm...mag-resign paba ako?

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.