Sabado, Enero 21, 2012

25 Years Old



Mga linggo na ang nakalipas mula nang mag-celebrate ako ng birthday. Mali pala. Hindi pala ako nag-celebrate. 
Ayaw kong ipagdiriwang ang araw na dahilan ng aking pagtanda. Dati komportable at proud kong sabihing 24 kung may magtanong sa aking edad. Ngayon, baka secret nalang ang sagot.

25 years old? Ang bilis ng panahon. Hindi ko man lang namalayan ang aking pagtanda. Hindi ko nakuhang makisabay sa takbo ng panahon. Pakiramdam ko parang kailan lang ako tinuli. Ma-describe ko parin hanggang sa ngayon ang sakit ng anaesthesia. Hindi totoo na parang kagat lang ng langgam. Seguro kung parang langgam man baka fire ant. Ayaw ko nga sana magpatuli kung hindi lang ako tinakot na hindi ako pwedeng mag-asawa kapag hindi yun mahiwa.

25 years old? Parang kahapon nga lang ako nag-aral sa elementarya. Na-memorize ko parin nga hanggang sa ngayon ang poem na “Signs in School” at "Ang Gatas at Itlog". 
Rinig ko parin nga hanggang sa ngayon ang maliliit at maiingay na boses namin kapag mag-recite na sa poem na “All Things Bright and Beautiful”. Na-imagine ko parin at hindi ko maiwasang mapangiti sa reaksiyon sa mukha ni Mam. Para itong pinunit kapag marinig niya ang:

Each little flower that opens,
Each little bird that sings,
He made their glowing colors,
He made their tiny wings.

Lalo na ang part na:
The purple headed mountains,
The river running by,
The sunset and the morning
That brightens up the sky.

Sabi ni Mam mali daw ang pagka-recite namin. Hindi daw dapat pababa-pataas ang tono. Ewan ko nga ba anong hiwaga meron sa stanza na yun. Dahil simula sa each little flower that opens, bigla nalang mag-iba ang tono. Seguro na carried away lang sa ganda ng mensahe ng tula.

25 years old? Parang kailan nga lang ako nangarap ng pellet gun. 
Nung bata ako, makaramdam ako ng inggit tuwing makakita ako ng bata na may hawak na ganung laruan. Yun kasi ang pinaka-uso na laruan dati. Pero hindi ako kayang bilhan ng aking mga magulang. Naitindihan ko naman ang sitwasyon. Mas importante ang kakainin kaysa laruan. Kaya nagsikap akong kumita ng sariling pera at nag-ipon para makabili. Hanggang sa maging sapat na ito para ibili. I-short cut ko nalang ang estorya, sa huli, school bag na power ranger ang nabili ko at hindi pellet gun. Mas importante daw yun sabi ni Mama. Ang pellet gun ay nanatiling pangarap nalang.

25 years old? Ito na ako. Meron bang nagbago? Ewan. 
Ito na ako...
Tuli. Hindi ko na kailangang i-memorize ang "Signs In School". Natawa nalang ako kapag maisip ko ang tulang "Ang Gatas at Itlog". At kaya ko rin i-recite ang “All Things Bright and Beautiful” sa tamang tono pero wala ng silbi. Dahil patay na si Mam. Yumao na ang mabait kong titser.
Nawala na rin sa pangarap ko ang pellet gun. Patay na ang musmos na pangarap. Higit pa nun ang gusto ko.

Milya-milya na ang layo ko ngayon mula sa lugar saan ako galing. 
Ilang milya pa kaya ang kailangan kong tahakin para makita ang matagal ko ng hinahanap?
Dahil 25 years old na ako pero ganito parin ako.













Sabado, Enero 14, 2012

Tunay na Relihiyon


Sa kabuhuan, respeto na seguro ang isa sa mga simpleng bagay dito sa mundo ang mahirap ibigay. Simple ito katulad sa bato. Kasing mura ng asin. Mahalaga parang hangin.

Ang respeto ay general term. Isa sa mga sakop nito ang respeto sa kapwa. Respeto sa kanilang pinaniniwalaan. Katulad nalang sa relihiyon.
Sa kristiyanismo tayo.  Hindi ko alam kung ilang relihiyon na ang bumubuo nito. Isa lang ang diyos, si Kristo. Pero kanya-kanya ang batayan. Iba-iba ang paraan ng pagsamba. Hindi pare-pareho ang turo. Hindi magkasundo. Sa huling nabalitaan ko, my sector na nag-claim na sila na ang “right path of salvation.”Hmmmn?

Ang bibliya ay binubuo ng 66 books. Nahahati ito sa dalawang parte:old testament and new testament. Sinusulat ito ng iba’t-ibang uri ng tao. May pastol, doctor, pari, mangingisda at hari. Sari-sari ang kwento ang napaloob. Meron ding mga awit. Puno din ito ng aral. Sa kapal nito pero isa lang ang nais iparating na mensahe, ang PAG-IBIG. Pag-ibig ng Diyos. Pagmamahalan.

Isa lang ang Bibliya pero ang daming umaangking tama. Ewan ko kung ilang dekada na ang debatehan. Hanggang ngayon hindi parin natapos-tapos. Wala paring lumabas na panalo.
Napag-isip isip ko lang: Kailangan ba talaga ang magdebate?  Kailangan ba talagang sabihin ikaw ang mali at ako ang tama? Hindi ba pwedeng pairalin ang respeto at galangin ang pinaniniwalaan sa isa’t-isa. Paano isabuhay ang pag-ibig na nasa bibliya kung respeto nga hindi mo maibigay? Fake ang pag-ibig kong walang respeto. Walang pinagkaiba ito sa icetea na walang tea. Dapat seguro malaman ng bawat isa kung ano ang pinagkaiba ng “spreading the love of God” kaysa “promoting your religion”.

Siya nga pala, Ano bang relihiyon ang tunay?


May kwento ako....

Dahil tanghali at tirik ang araw, ang apat na magsasaka ng kape ay namamahinga sa lilim ng punongkahoy. Ang tatlo ay masayang nagkukwentuhan habang ang isa na pinakamatanda sa kanila ay dumistansiya ng kunti at nakasandal sa puno.

Gaya ng typical na usapang lalaki, ang topic ng tatlo ay tungkol sa kanilang mga pinagdaanan sa buhay. May tawanan. Nagbibiruan.

Hanggang sa ang usapan ay napunta sa relihiyon. Dahil parehong magkakaiba ang relihiyon, kanya-kanya ang depensa. Lahat ay may pinanghahawakan na siya nga ang tunay na relihiyon. Bawat isa ay gustong patunayan na ang kanya ang tama at sa kanila ay mali. Sabay bitiw ng quotes galing sa bible. Sasagutin naman ng isa. Galing sa bible uli. Walang katapusang debatehan. Medyo uminit ang eksena. Nagkaroon ng tensiyon.
Nawala na ang tawanan.
Normal na sitwasyon sa isang bible debate.

“Sipo, sa tingin mo, sino ba sa amin ang may totoong relihiyon”, tinanong ng isa ang matandang nakasandal sa puno na nakikinig lang sa kanila. 

Hindi nagsalita agad si Sipo(Sipo-hindi ito yung nasa magic temple). Ngiti ang initial reaksiyon nito tapos umiiling-iling. Hinipo-hipo ang kalbong ulo at nagsalita.

“Ang mamimili ng buto kape ay matatagpuan sa lugar na iyan”. 

May tinuturo siyang lugar na may kalayuan. Ang tatlo naman ay tahimik na nakikinig. Sabay din lumingon upang tingnan ang tinuturo ng matanda.
Inagaw ni Sipo ang eksena. Kung sa pelikula pa, nasa kanya nakatutok ang camera.

Dugtong niya,”May tatlong paraan para makapunta dun. 

Una, pwede ka dumaan sa bundok na iyan. Yan ang pinaka-shortcut. Kaso, delikado akyatin dahil matarik.
Pangalawa, pwede din dito sa kanan. Medyo malapit-lapit din kung dumaan ka dito. Kaso pangit ang daan. Lubak-lubak.
Dito naman sa kaliwa, ito ang pangatlo na pwede mong daanan. Maganda ang daan dito. Ang problema nga lang napakalayo.

Nasa iyong tatlo na yun kung saan kayo gustong dumaan. Aakyat sa bundok? Dito sa kanan? O dito sa kaliwa? Pero alam niyo pagdating niyo dun, hinding-hindi magtatanong ang mamimili ng kape kung saan kayo dumaan.
Isa lang ang tanong niya, GAANO BA KAGANDA ANG IYONG BUNGA?”
                                        >the end<

Gusto ko ang sinulat ni Bob Ong sa “Ang Paboritong Libro ni Hudas”. Sabi niya, "Ang pagtatalo kung sino ang may tamang paniniwala ay parang pagtatalo ng mga garapata sa kung sino ang nagmamay-ari ng aso."

Sa tanong sa itaas na, "Ano bang relihiyon ang tunay?", simple lang ang sagot ko. Depende yun sa iyo. Kung naging mabuti kang tao ka sa relihiyon na iyan at naging mapagmahal sa kapwa, ipagpatuloy mo lang. Ang importante ang “bunga” hindi ang “daan”.




Note: Pasensiya kung may nasagasaan ako.