Biyernes, Pebrero 17, 2012

Maboteng Usapan


Trip ko ngayon ang “maboteng” usapan. Kaya halina’t umupo para simulan ko ng itagay ang walang kwentang kwento para sa makabuluhang kwentuhan.

Pre, tagay na!

Alak. Kapag yan ang ating marinig, agad nating maikabit ang salitang inuman, tagayan, pulutan. Syempre kapag may inuman, kalasingan ang kasunod at pwede pang masundan ng away. O kung ano-ano pang hindi magandang mangyari.
Marami na ang nalulong sa besyong ito. Ewan ko kung anong meron nito para hanap-hanapin ng mga nakararami. Mga iilang pamilya narin ang nasira. May pangarap narin ang gumuho. May iba’t ibang storya narin ang aking naririnig na may nagbuntis ng wala sa oras dahil nalasing at pinagsamantalahan.

Sa mga nabanggit ko sa itaas, pwede kung tumalon sa conclusion na ang alak ay halos walang magandang maidulot. Pero nakakatuwang isipin na si Kristo, diyos ng kabutihan ay umiinom din. Gumawa pa nga siya ng himala at ang tubig ay naging alak. Interesante ding matawag na ang alak ay nag-exist bago pa isinilang si Kristo sa mundo. Mababasa din sa bibliya na si Noe or Noah ay nalasing. Sa kanta sa simbahan may linya na, “at alak na nagmula sa isang tangkay ng ubas, inuming nagbibigay lakas.”
Totoo ngang malayo-layo narin ang narating ng alak at malawak na ang impluwensya nito. Sino man ay pwedeng maging lasinggero/lasinggera.

Paabot nga ng baso na may yelo...

Dati, dala sa impluwensya ng barkada, sinubukan kong uminom. Sabi nga nila, there’s no harm in trying.
Sa una kong tikim mapait. Pero pinilit ko ang aking lalamunan para padaluyin ang likidong nagpaikot sa buong mundo. Pakikisama daw itong ginagawa ko. Kasiyahan kasama ang barkada. Bonding.
Sa pangalawang lagok, parang tolerable na ang lasa. Hindi ko na masyadong ramdam ang pait. Naging tuloy-tuloy ang pagtungga. Napansin ko nalang sa mesa, tatlong maliit na bote ng redhorse ang aking napataob. Hindi ako nalasing. Pero aminin kong hindi ako ok. Natamaan ako ng kunti.
Nasundan pa yun ng pangalawang pagkakataon. Inuman sesyon kasama na naman ang barkada. Anim na bote ang aking napatumba ko. Na-break ko ang una kong record na tatlo. Yun, kalasingan ang aking kinahantungan.
Pakiramdam ko ang bigat ng aking katawan. Ang hirap lumakad ng deretso. Gusto kong matulog pero ang hirap makatulog. Habang ako’y nakahiga, pakiramdam ko’y umikot at bumaliktad ang mundo kasabay sa pagbaliktad ng aking sikmura. Suka ako ng suka. Ang pinakaayaw ko pa naman ay ang sumuka. Ayaw na ayaw ko ang lasa ng likido galing sa aking tiyan. Ang asim.

Inumin muna yan. Nilalangaw na.

Kinabukasan, ang sakit ng ulo ko. Hangover.  Hindi lang ako literal na nagising mula sa pagkatulog. Nagising din ako sa katutuhanang naghila sa akin mula sa bangungot na paniniwala. Dun ko napag-isip isip ang mga bagay na aking nagawa o naging desisyon. Hindi totoo ang there’s no harm in trying because not all things are harmless. Some are harmful. Tama si Lolo. Sabi niya, ang pinakamabisang depensa ay ang pag-iwas.

Masisisi ko ba ang barkada dahil inimpluwensyahan ako kaya tuloy ako’y nalasing? Palagay ko hindi. Oo nga, andun na tayo sa pinilit nila ako para uminom pero nasa akin parin ang huling desisyon. Ika nga nasa akin ang alas.
Bale, hindi ko man control ang sitwasyon pero control ko ang mangyari. Kung aayaw ako, wala silang magagawa. Pero nagpadala ako at nalasing.

Manang, isang bote pa nga.

Pwede itong mahalintulad sa mga nangyari sa ating buhay. Hindi natin control ang sitwasyon pero control natin ang ating desisyon. Ayon sa golden rule 20/80, biyente porsyento sa buhay natin ay binubuo ng sitwasyon. Sitwasyon ibig sabihin wala natayong magagawa. At ang natirang malaking otseyenta porsyento ay ang desisyon. Yun ang control natin. May magagawa tayo.

Kaya hindi tamang sabihin na kung ano tayo ngayon ay dahil sa kapalaran natin. Kapag sinabi nating kapalaran, ibig sabihin nun ay God’s will. Ang Diyos natin ay Diyos ng awa, Diyos ng kabutihan. Kung ganun eh syempre ayaw nya may maging criminal, maging magnanakaw at segurado din ako ayaw  niyang may mabuntis ng walang aaming tatay at resulta sa pagkaletseletse ng buhay.
Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran.
Seguro hindi man natin ginusto ang mga nangyari pero hinayaan nating mangyari. Saying a simple word “NO” really matters a lot. It just about decision.

'Yoko ko na. Lasing na ako.

Teka lang, lumayo na tayo. Balik tayo sa alak. Palaisipan  parin para sa akin ngayon kung bakit may mga taong hindi makumpleto ang Linggo kung walang inuman. Ang daming makabuluhang bagay na pwedeng gawin kaysa pag-iinom. Kaysa mag-inuman ano kaya kung ipasyal nalang ang pamilya. Ang ibili ng alak ay ibili nalang ng pagkain para sa anak. Para naman sa mga dalaga at katulad kong binata, napakaraming paraan gumawa ng kasiyahan kaysa mag-iinuman.
Medyo nakakalito  tayo at nakakatuwa. Ayaw kumain ng ampalaya pero ang lakas uminom ng beer. Kung tutuusin mapait din. Katwiran naman sa iba, Si Kristo nga ay umiinom din. Linawin ko lang si Kristo ay hindi naglalasing.
Kung iinom man, iwasan ang malasing. Lahat ng sobra ay masama.  May nabasa akong karatula,“virgin pa ng malasing buntis na nang magising”. Nakakatuwa pero totoo. Sana maging aral to sa mga babae. 

Walang magandang maidulot ang inuman. Malasing ka at mahirap yan iwasan lalo pa kung nagkasarapan ang barkada. Suka kapa ng suka. Buwisit yan. Kinakain mo isusuka mo. Paggising mo sasakit pa ang ulo sa hang-over. At ito pa ang matindi, mawalan ka ng hiya. Ngiti ka ng ngiti, wala nman talagang nakakatuwa. Minsan nga naisip ko, hindi kaya kinikiliti lang sa espiritu ng Tanduay?
Inuman sesyon...Bonding? Pakikisama sa barkada? Pustahan pa, 2% lang sa barkada mo ang dadalaw sa ospital at ang 98% sa burol mo na.
Ang mga nag-iinom? Astig? Sila ang mga duwag na tao. Hindi kayang harapin ang masalimuot na mundo. Lunurin man ang sarili sa alak magdamag. Bukas, lulutang at lulutang parin ang problema. Useless.

Wag ka aalis. Susuka muna ako.

Para naman sa akin, pinangako ko na sa sarili na yun  na ang huling araw na ako'y malasing. Hawak ko ang buhay ko kaya hawak ko rin ang aking desisyon .Kapag sinabi kong tama na at hindi, ibig sabihin nun tama na at hindi.

Hindi ko na talaga kaya. Mga pare, uwi muna ako. Bukas naman uli.

Huwebes, Pebrero 9, 2012

Pag-ibig


February....love month.
Para mas masang-masa ang dating, gamitin natin ang term na buwan ng pag-ibig. Gawin pa nating mas baduy, buwan ng pagmamahalan. Sarap pakinggan. Pagmamahalan.
Pero masarap nga bang tikman ang tumutulong katas ng pag-ibig?
Bakit may estudyanteng piniling hindi gumawa ng assignment dahil hiniwalayan ng syota?
Lalaki naglason sa sarili.
Babae naglalasing dahil lang sa letseng LQ. Iyak ng iyak at mag-post sa facebook ng "love sucks". Nagmukmok sa kwarto at namumogto ang mga mata. Galit sa mundo at hindi maka-usap.

Marami naring pangarap ang gumuho. May mga ayaw ng mag-aral. Nawalan ng gana sa buhay. Sinuway ang magulang. Nalulong sa bisyo. Nakapatay. Nagpakamatay.
Ilang trahedya pa kaya ang ating mapanood at marinig dahil lang sa pag-ibig?

Ironically, masasabing pag-ibig na seguro ang pinakamagandang ibinigay ng Diyos sa tao. Sabi nga sa bibliya, ang Diyos ay pag-ibig. Makikita mo ito sa ginintuang butil na aanihin palang na palay. Mapapansin mo ito sa mga tumutubong bagong pananim. Maririnig mo ito sa iyak  ng bagong silang na sanggol. Ito ang buto at laman sa mga payo ni Tatay. Dahilan ng pag-aaruga ni Nanay. Tapik ng nagmamalasakit na kaibigan. Halik ng naglalambing na asawa. Yakap ng honest na girlfriend/boyfriend. Ngiti sa nakasalubong mo sa daan. Pinaramdam sa lamig ng umaga. Inaawit ng mga ibon. Sinasayaw ng mga berdeng dahon. Sinisigaw ng mga palaka.  Ipininta sa asul na kalawakan. Pinapakita ng mga ulap. Pinapahayag ng bagong sikat na araw. Dala ng ulan. Ihip ng hangin. Amoy ng bulaklak. Tamis ng honey. Agos ng ilog. Hampas ng alon. Puting buhangin. Lasa ng isda. Yan ang pag-ibig.

Ang pag-ibig ay isang malaking misteryo. Wala itong specific na depenasyon. Ayon kay Paolo Coelho sa kanyang aklat na The Alchemist, "One is loved because one is loved.” Parang ang labo noh? Dugtong pa niya, “No reason is needed for loving."
Ito pa,ang alam nating lahat na ang pag-ibig ay galing sa puso. Ito ang dahilan kung bakit puso ang sinimbolo ng pag-ibig. Pero kinontra ito ng siyensa. Walang kinalaman daw ang puso kung bakit nagmahal ang tao. Chemical reaction lang ito ng utak. Sa madaling sabi, ito'y galing sa utak at hindi sa puso. Pero ang saklap naman ata pakiggan kung sabihin kung mahal kita sabi ng utak ko. Pero na wala atang sasaklap pa kung gawing simbolo ang utak at instead puso. Teka lang, bakit nga ba ganito ang hugis ng puso?
Dahil kung tingnan at ikompara mo sa tunay, masyadong malayo ang pinag-kaiba. 
Diba? Seguro nga mesteryoso hindi lang ang pag-ibig kundi pati pa simbolo nito.

Ang pag-ibig ay parang barya. May dalawang mukha. Kasayahan at kalungkutan. Wala pa atang nakakaranas ng isa lang sa dalawa. Package kasi yun. Dalawa dapat. At wala na tayong magagawa. Sa pagmamahal kailangan masaktan dahil dun din tayo natututo.
Ang tanong, may natutunan nga ba? Sa babae tayo, ilan na bang boyfriend ang dumaan sa buhay mo at bakit biyernes santo parin lagi ang lovelife mo?
Mali ba lagi ang taong iyong minamahal? O baka naman ikaw mismo ang may mali?
Isingit ko nalang ‘to. Mga kadalasang dahilan bakit ang sarili mismo ang mali. Para to sa mga babae. Sila daw kasi ang usual na biktima. Biktima?:

1. Nalito ka lang kung ano ang pinagkaiba ng libog at pag-ibig-Biniyayaan tayo ng Diyos ng mga senses: Pandama, pang-amoy, paningin, pandinig at panlasa. Wag umaasa lagi sa paningin. Dahil minsan ang mata libog lang ang hatid nito sa utak.

2. Gusto mo lang punan ang malungkot mong buhay- Kung ang nais mo lang naman ay maging masaya, wag kang hahanap ng boyfriend para maging masaya. Kung hindi mo kayang maging masayang mag-isa, sento porsyento hindi ka rin maging masaya kapag may kapareha. Lalabas na nandamay ka lang sa iyong kalungkutan. Ang kasiyahang hinahanap mo ay nasa sarili at wala sa iba. Hindi mo kailangang sumisid sa dagat para maghanap ng alikabok. Kung may matuklap ka man galing sa iba ay panandalian kasiyahan lamang. Temporary pleasures sabi ni Nick Vujicic. Here today, gone tomorrow. Ganun lang kasimple. Pero kung trip mo ay instant kasiyahan, manood ka nalang ng Mr. Bean.

3.Kulang ka lang ng pagmamahal sa sarili- Ito ang matindi. Maraming ayaw aminin na kulang sila ng pagmamahal sa sarili. Empty love-tank daw ang tawag dun. Resulta nito ang maraming insecurities. Marahil dahil sa iyong mga nakaraang maling desisyong nagawa. O di kaya ang ugat ay ang mga ga-bagyong hirap na sumalanta sa iyong kahapon. Idagdag pa natin ang mga ga-lindol na problema na yumanig sa iyong pagkatao. Dinala ng bagyo. Nabiyak ang lupa at naglaho ang iyong pag-asa. Nawalan ka ng gana sa buhay. Bumaba ang tingin sa sarili. Kung ikut-ikotin natin ang sitwasyon, hindi naman talaga boyfriend ang kailangan mo kundi pagmamahal. Pagmamahal sa sarili. Ang gusto mo lang naman ay makarinig na may magsabi ng I love you. Uhaw ng pag-ibig ang tuyo mong kalooban. Boyfriend ang nahanap mong solusyon para ibuhos sa iyong empty love-tank. Walang pinagkaiba sa taong tanga uminom ng biogesic para gamutin ang kanyang diarrhea. May kasabihang, you cannot give what you do not have. Paano ka mamigay kung ikaw ay wala? Mahalin muna ang sarili bago maghanap ng mamahalin. Panahon na segurong patawarin ang sarili sa iyong mga nakaraang pagkakamali. Move on. Masyado kang malaki para maliitin ng problema. Ibalik ang tiwala sa sarili at mahalin.  Sabi nga, loving oneself is the foundation of loving others. Yung mga parang laging galit sa mundo, kulang lang yun ng pagmamahal sa sarili.

4.Kulang ka lang ng pagpapahalaga sa sarili-May koneksiyon to sa number 3. Ito ang dahilan kung bakit laging mali sa pagpili. Dahil kulang ka sa tinatawag nilang self-importance, hinahanap mo ito sa iba. Sagot ka lang ng sagot. Ayaw mong maging available. Takot kang mag-isa. Ayaw mo na walang mag-tetext o tatawag sa iyo. Sabi ni Bo Sanchez,"jumping one relationship to another...just like a drowning woman gasping for air." Busog ang iyong tiyan pero gutom ka sa pagkalinga. Naghanap ka ng dahilan para itapal upang magbago ang tingin sa sarili. Boyfriend ang nakita mong solusyon. Ibinigay mo ang lahat-lahat umaasang bigyan ka ng pagpapahalaga. Kapalit nito ang marinig mo na: ang ganda mo, ingat ka lagi, na-miss kita at I love you. Likas sa aming lalaki ang pagiging bolero kaya ang dali lang sabihin nito. Kung sa isda kapa, kahit paingan ka lang ng buto ng sampalok, kakagatin mo pa rin. Labo-labo na ang nangyari. Hindi mo na alam ang pinagkaiba ng tama at mali. Sa huli, hindi ka na nagmahal kundi nagpakilimos ng pag-ibig. Iba ang umiibig sa nagpakatanga. Pero hindi naman talaga boyfriend ang kailangan mo. Ang gusto mo lang naman ay may magparamdam sa iyo na may silbi kapa dito sa mundo.
Simpleng solusyon? Bigyan mo ng pagpahalaga ang sarili sa ganun malaman mo kung ano ang nakabubuti at hindi. Ang tanging naghiwalay sa totoo at hindi ay ang gawa. Marami ng babaeng naging tanga dahil sa pag-ibig. Kung gusto mong bawasan sila, wag ka ng dumagdag pa. Pahalagahan ang sarili.