Sabado, Hunyo 9, 2012

Bakasyon


Bakasyon.
Mag-relax. Pansamantalang iwanan ang masalimout na mundo. Pansamantalang kalimutan ang pagiging empleyado. Pero iba 'tong sitwasyon ko. Bakit? Basahin mo nalang hanggang sa ibaba. Ready?

Anim na araw ang ibinigay na vacation leave sa mabait kong Boss. Nung time na yun, pinaplano ko na kung paano ko siya i-murder sa malinis na paraan. Buti nadala pa ng pakiusap. Kinalimutan ko ang aking plano dahil ginawang sampu ang anim.

Hindi ako pupunta sa Bora o sa mga sikat na beach ng Pilipinas. Hindi rin ako pupunta sa ibang panig ng mundo para maglagalag. Pansamantala akong mawala sa Taiwan para umuwi sa lugar kung saan ako natutong bumasa, sumulat at tumai mag-isa. Kasal ng mahal kong kapatid pero aminin ko wala akong balak umattend dahil sa rasong pinansyal. "Isang beses lang ikasal ang kapatid mo kaya dapat andun ka sa mahalagang araw ng buhay niya", sabi ng barberong gumupit sa akin. Hindi quoted galing bible o galing sa mga sulat ni Shakespeare. Napaka-simple na mga salita pero matulis ang dating. Tinamaan ako. Dahilan para mag-isip ako ng malalim. Pinagpag ang mga buhok-buhok at nagdesisyong, UUWI AKo.

Excited ako at nalulungkot habang papalapit ang petsa ng aking flight. Uuwi ako sa amin. Makita ko na ang mga mahal ko sa buhay. Sina ate at kuya na laging sumuporta sa akin, sana ok sila. Kumusta na kaya sila Mama at Papa. Nung andun pa ako sa Luzon, napansin ko ang unti-unting pagdami ng kulubot sa kanilang mukha bawat taon na uuwi ako ng Cebu. Almost 3 years ko na silang hindi nakita, ano na kaya ang hitsura nila? Ang aking mga makukulit na pamangkin, gusto ko na silang makasama uli at makalaro. Nakaka-excite. Pero ang nakakalungkot na parte ay dahil hindi ko na inabot na buhay pa si Lolo. Kanina lang bago ko isulat itong binabasa mo, nag-message sa facebook si Kuya. Wala na daw si Lolo. Hindi ako umiyak. Matanda na si Lolo. Panahon na niya. Ang mahirap lang tanggapin ang hindi ko man lang siya nakita. Hindi niya inabot ang aking pag-uwi. At kahit balik-baliktarin ko man ang mundo, hindi ko na siya makita kailan man.
Oo na, segi na. Ako ay naging madrama. Bagay lang ang ganito sa MMK at hindi sa blogsite ni Dioscoro Kudor. Kaya itigil na natin ang kakornihan. Dahil hindi ko kailangan baliktarin ang mundo kung nais ko siyang makita. Hindi ko kailangang idamay ang mundo dahil takip lang ng nitso ang kailangan tanggalin. Pero seyempre katarantaduhan yun. Kailan man, hinding-hindi ko yun gagawin. Kaya Lolo, may you rest in peace! Sa bisaya pa, pahuway sa kalinaw.
Isa pang nakakalungkot... Kinukwenta-kwenta ko na ang aking perang gagastusin sa pag-uwi. Maubos ata ang aking kunting ipon. Pamasahi palang sa eroplano, halos sweldo ko na yun ng isang buwan nung andun pa ako nagtrabaho sa Pinas. At hindi lang basta sweldo. Isang buwang sweldo na may kasamang patayang overtime.
Kasal ng kapatid ko. Alangan naman hindi ako gagastos.
Uuwi ako, alangan naman katawan ko lang at problema ang dala. Seyempre expected nila ang pasalubong. Ang mahal pa naman ng chocolate. May cloud 9 at choey chooco kaya dito?

At dito ang lahat nagtatapos. The end.
Seguro nga napakawalang kwenta itong binabasa mo. Pero ang nais kung iparating kaya may binabasa ka ngayon ay gusto kong sabihin na lahat tayo ay maging katulad ni Lolo, mamamatay. Na lahat tayo ay maging katulad ni Mama at Papa papunta sa pagtanda. Na ang mga Boss ay kamag-anak ni Hitler. At panghuli, lahat ay mahal kung kulang ka sa budget. Dito nagkaroon ng malaking deperensiya ang pagiging mahirap at pagiging mayaman. Tama, ang pera ay hindi nakapagpasaya ng tao pero malaking instrumento ito para magpasaya ng tao. Parang ang labo noh? Pero kung hindi mo nakuha, wag mo pilitin. Wag mo nalang pansinin kung ikaw ay nalaboan. Hindi lahat ng bagay ay kailangang intindihin. At bilang panghuli, idagdag natin ang walang kinalaman sa aking kwento ang sinabi ni Herb True, "MONEY DOESN'T BRING HAPPINESS, THOUGH IT HAS BEEN KNOWN TO CAUSE AN OCCASIONAL SMILE".