Huwebes, Oktubre 25, 2012

Laro Tayo

Sobrang abala ang aking katabing babae sa pagkalikot ng kanyang cellphone. Kung mangyaring maghulog ng bomba ang China at bumagsak malapit dito sa nakaparada naming sinasakyang bus baka hindi pa niya mapansin. Parang tinangay ang kanyang diwa sa ibang dimension. Nako-curious. Ano ba ang meron sa kanyang cellphone?

"Ano ba yang pinagka-abalahan mo?", pambulabog kong tanong.
Ngumiti lang at sumagot ng, "Naglalaro ako. Gumagawa ako ng village".
Hindi man lang siya lumingon. Ang tingin ay nakadikit parin sa screen ng kanyang smartphone habang busy ang hintuturo sa pagsa-slide.

"Huh? Parang ibang version ng Cityville? Patingin nga.", pang-usyuso ko. Wala naman kasi talaga akong alam sa mga ganyan. Ito, aminin ko: Never pa akong nakapaglaro ng Cityville o farmville. Narinig ko lang ang mga yan pero hindi ko pa nasubukan. Kung mamatay ako ngayon at  kasama ang mga games na yan sa entrance examination ni San Pedro papuntang langit, empyerno kabagsakan ko. Segurado.

Sa kabutihan ng kanyang puso, malugod naman niyang itinuturo sa akin kung paano laruin. Ipinakilala niya sa akin ang mga functions at anong silbi nito, paano pagawa ng bahay, magtanim at blah, blah, blah. Para akong grade 1 na tinuruan ng A as in apple and B as in ball. Nakakatuwa. Sa edad kong ito, talagang napag-iwanan na ako. Hindi pa ata ako naka-move on sa Super Mario at Tetris. At ito ang interesting, tinanong ko siya kung paano dumadami ang mga tao. Ang sabi niya, pinagpatalik ko. Ulitin ko, ang sagot niya, "PINAGPATALIK KO."
Anak ng tikbalang. Hindi pala 'to pwedeng laruin sa mga menor edad. Lalo na sa mga literal na bata. Hindi ko ma-imagine na sa sabihin sa aking pamangkin na, Uncle marami na ang mga tao sa ginagawa kong village dahil lagi ko silang pinagpatalik.
Sus ginoo.

Tulak ng demonyo, tinanong ko siya,"Paano mo pinagpatalik? Patalikin mo nga."

Ine-explain niya kung paano.
"Ganito lang. Ilapit mo lang ang lalaki sa babae."

Pinapalapit niya.

"Ay, ayaw magtalik eh. Ito ngang isa."

Ang isa naman ang kanyang pinapalapit pero ayaw parin.
Sabi ko, baka kailangan ng pampagana. Papanuorin nga natin ang mga yan sa Redtube.

Ang cellphone ay inembento para mapadali ang komunikasyon pero ngayon tinadtad na ng kung anu-anong applications. Nagbago na ang depenesyon ng cellphone. Para sa akin, ito ay isang mini-computer na pwede mong pantawag at pan-text. Oo, ang tawag at text ay naging bunos features nalang.

Hindi ko alam kung sinong programmer ang gumawa sa larong iyon. Walang kaduda-duda, kakaiba ang kanyang trip. Ano kaya ang kanyang nakain o nasingot para makaisip ng ganung uri ng laro?

Sa panahon natin ngayon, ang dami ng laro ang nabuo. May mga kakaiba. Naisip ko tuloy, masyado nabang boring ang buhay. Kaya padami ng padami ang mga virtual games dahil padami ng padami na din ang mga kailangang aliwin. Naghahanap ba tayo ng kumplikadong solusyon para gumaan ang mabigat na emosyon dala ng problemang tayo lang din ang may gawa? Dahil nakatira na tayo ngayon sa pekeng mundo kaya pekeng kasiyahan narin ang ating hinahanap? O di kaya masyado naba tayong naging modern? O diba hindi lang natin na-appreciate ang mga simpleng bagay? Hindi naba nakakaaliw pagmasdan ang mga city birds na masayang nag-aagawan ng pagkain? Ang ulap sa kalawakan na bumubuo ng mga nakakatuwang anyo? Nagbago naba ang ang ating form of entertainment? Dahil ba ang pagkabagot ay umatake oras-oras kaya kailangan ang gamot na naka-install sa iyong cellphone?

Sa computer naman tayo. Ito na ata ang pinakamahalagang naimbento ng tao. Sa panahon natin ngayon, backbone na ito ng technology. Nakakabilib kung tutuusin. Ang purpose lang naman ni Charles Babagge nito ay mag-compute ng numero. Pero nag-evolve hanggang dumami ng dumami ang mga functions. Name it and computer can make it. Amazing ang pinakatumpak na salita para sa makinang ito. Wala si Arnel Pineda, Charisse Pempengco, Moymoy Palaboy at marami pa sila kung wala ang computer. Office work, facebook, tweeter, e-mail at youtube. Mula sa pag-eedit ng picture hanggang sa paglalaro ng mga computer games.

Sa computer games naman tayo. May nakikita ka pabang mga batang naglalaro sa lansangan o sa labas ng bahay? Sa rural areas seyempre oo, pero sa mga towns o cities parang iilan nalang ata. Tinalo na ng computer games ang ating mga katutubong laro. Hindi kasi pinapawisan at madumihan ang maglaro ng dota kaysa tumbang preso.
Sa mga susunod na tatlo o apat na henerasyon mula ngayon baka hindi na nila alam kung ano ang siklot, taguan pong, patintero at luksong tinik. Maranasan pa kaya nila ang maglaro ng trumpo, holen at goma? Baka sa libro nalang nila makikita at makilala ang saranggola.

Gusto ko ang linya sa kanta ng idol kong si John Denver:
I guess the times have changed
Kids are different now.
'Cause some don't even seem to know that milk comes from a cow.




Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.