Linggo, Agosto 28, 2011

Ang Matanda

Mas masarap kung habang nagbabasa, may iniinom. Binubusog ang gutom na utak, dinidiligan naman ang nanunuyong lalamunan. Para narin matanggal ang umay at amoy sa ulam ko kaninang baboy. Ayos, marami akong equay-equay. Panghulog ‘to sa vendow machine. Siya nga pala para sa hindi alam, dito sa Taiwan ang e-quay nila ay katumbas sa atin sa piso. Ang hitsura ay kahalintulad ay biyente singko sentimo. 

May isang lalaki nakaupo malapit  sa vendow machine. Mukhang may edad na. Ang magpapatunay nito ang ang mga puting buhok at panot na noo. Nasa 50 plus seguro ang edad. Nakaupo siya mag-isa. Kapansin-pansin ang nasa malayo ang tingin. Tantsa ko tagos hanggang jupiter sa sobrang layo. Mukhang may problema.
Malaking problema? Seguro.
Sa lalim ng kanyang iniisip, hindi nga niya napansin ang aking paglapit.
Dahil drinks lang naman ang sadya ko, hindi ko siya pinagtuunang pansin. Hindi naman ako tipong taong may pagka-politiko. Yung palangiti at laging namamansin.

Isa-isa kong hinulog ang 1 NT sa coin slot. Bawat bagsak ng barya, gumagawa ng tunog. Dahilan para mapansin niya ako.

“Dito, ang 1 NT ay parang 25 cents sa Pinas. Sa atin, wala ng silbi ang biyente singko”, sabi niya.
“Oo nga”, sagot ko na may halong pilit na ngiti.

Katulad sa biyente singko, napakawalang kwenta ng sagot ko. Wala na akong maidugtong. Wala na akong masabi. Natigilan ako. Nag-isip. Ang kasalukuyang umikot-ikot sa aking utak ay ang naiwang libro. Gusto ko yung tapusin.

Wala na talaga akong maisip. Pumili nalang ako ng mainom at pinindut ang button. Nalaglag ang kulay dilaw na can. Sulat chinese kaya hindi ko alam ang brand. Pero may maliit na sulat na naka-alphabet: nata de coco with pineapple juice. Dinampot ko at umalis nalang ng ganun.

Bumalik ako sa kwarto. Umakyat sa bed. Umupo at binuksan ang can. Ininom(masarap naman). Kinuha ang nakalapag na libro pero hindi ko tinuloy ang pagbasa. Naisip ko ang matanda.

“I miss an opportunities in life”, nasabi ko sa sarili.

Oo, opportunities.
Una, opportunity na matuto. Sang-ayon ka man o salungat pero ang tao ay isang siksik sa kaalaman at aral na libro. Libre pa at hindi na kailangang pumunta sa bookstores. Lalo na ang mga matatanda. Ika nga, sila ang reservoir of knowledge. Sa layo ng agwat ng edad namin, marahil marami akong matutunang aral sa buhay galing sa kanya. Anyway, ang libro ko ay dito lang naman lagi. Pwede ko basahin anytime. Sana umupo nalang ako dun at nakipagkwentuhan. Malay mo, may anak pala yung dalaga at kasing edad ko. Ang anak pala niya ang matagal ko  ng babaeng hinahanap. Sayang!

Pangalawa, opportunity na makipagkaibigan. Mas astig kaibiganin ang mga matatanda. Mas kwela sila at mas malupit. Palibhasa sila ang mga beterano sa kalokohan.

Pangatlo at panghuli, opportunity na makatulong. Naniwala ako na ang pinakamisyon natin dito sa mundo ay ang tumulong sa kapwa. Maraming klaseng tulong ang pwedeng  gawin. Hindi dahilan kung may pera man o wala. Hindi natin alam, kailangan pala niya ng moral support, comforter, masumbungan o kahit makausap man lang. Meron pala siyang mabigat na problemang pinapasan. Malamang tama ang hinala ko dahil sa reaksiyon ng kanyang mukha. Tapik lang pala ng balikat ang makapagpigil sa kanya para mag-suicide.

Sana hindi na yun maulit.


Huwebes, Agosto 25, 2011

Misyon Stetment

Ang buhay ko ay hindi umiikot o nakadepende sa isang tao o kahit kanino. May darating man o aalis. May madagdag man o mabawas. May dumaan man o may magpasyang manatili, ang mga pinaplano ko ay buo at matatag. Seguro makaramdam man ng yanig pero hindi aabot ng pagkaguho.
Walang sinumang basta bumago sa mga pinaniwalaan ko. Hindi ko hahayaang mag-iba ang direksiyon dahil sa mga iilan. Kahit pa...madagdagan ang kulay ng bahaghari. Magbago ang hugis ng buwan. Maging tatsulok ang araw. O di kaya magbago ang posisyon ng aking mga bituin at maging hindi maganda ang takbo ng aking kapalaran ayon sa horoscope ni Madam Lukring.
Nakalatag na ang aking mga gagawin. Ito’y tuwid at tuloy-tuloy kong tatahakin. Gawin ko ito para sa aking sarili. Pero hindi ibig sabihin nun na ako ay makasarili. Dahil ang kasiyahan ko ang makita ang iba na nakangiti. Gusto ko silang maaliw, mapangiti at sana...sana ma-inspired din. Mission ko sa buhay ang tumulong sa kapwa. Ito ang napag-isip isip ko: Ginawa ako ng Diyos para tumulong sa ibang tao at naniwala ako na ganito din ang dahilan sa lahat. Totoo, hinangad ko ang para ikasiya sa sarili pero nabuhay naman ako para sa iba. Para sa aking mga magulang, para sa aking mga kapatid, sa aking mga pamangkin. Sa aking maging asawa at mga anak. Sa aking mga kamag-anak. Sa mga nakasalamuha ko araw-araw. Sa aking mga kaibigan at sa mga hindi ko kakilala. 

Ito ang mission ko. Ito ang buhay ko. Gusto ko ‘to. Naniwala ako ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ay humihinga pa ako.
Sana sa huling buga ng aking buhay may karapatan akong sabihin ang katagang ito: “Lord, mission is completed”.

Linggo, Agosto 14, 2011

Gloomy Sunday

Ganito ang ayaw ko sa buhay yun bang walang magawa. Hindi kasi ako sanay at ayaw kong sanayin ang sarili. Mahirap ang magtrabaho pero mas mahirap ang walang trabaho. Ang bagal umikot ng orasan. 

Nakakatamad. Nakakabagot hintayin matapos ang araw. 
Linggo ngayon kaya day-off ko. 
Nais akong gumala pero wala akong pera. No choice kundi magmuni-muni sa kwarto. 
Gusto kong matulog pero hindi ako inaantok. Sumasakit na ang likod ko sa kakahiga. 
Nasa tabi ko lang ang cellphone ko. Kanina ko pa to tinititigan. Kapansinpansin ang depektibo nitong itsura. Dati sliding ‘to pero ngayon hindi na. Nilagyan ko ng tape para hindi na ma-slide down and up. 
Kahit mukhang naaksidente at naka-bandage, ayos lang. Hindi na mawala-wala ang display. 
Anyway, makatext parin naman ako at makatawag. Yun ang importante. 
Wala namang namumugot ng ulo kung pangit ang cellphone. At buti nalang wala. Wala akong pamalit. Seguradong putol ulo ko.
Ang tainga ko ay nakahanda kung sakaling tumunog. Isang linggo na atang hindi ko narinig ang aking incoming call at message alert tone. 
Wala man lang nakaalala. 
Dinamput ko. Tiningnan ang mga nasa phonebook. May napili akong isa. Pinadalhan ko ng walang kwentang text joke pero hindi na-send. 
Litsugas na buhay! 
Wala pala akong load.
 
Ano kaya gagawin ko para malibang? 

Ang baon kong dalawang libro dito sa Taiwan ay paulit-ulit ko ng binasa. At ayaw ko ng basahin ulit. 
Wala akong balak i-memorize yun. 

Tapos ko na ring basahin ang apat na issue ng LIWAYWAY magazine at tatlong issue ng FREE PRESS. Ang mga magazine na iyon ay illegal kung hiniram sa TV room. Pakalat-kalat kasi dun kaya dinala ko sa aking bed. 
Wala na talagang mapagtiyagaang basahin. 

Batung-bato na ako. Tiningnan ko ang aking relo. Parang hindi umuusog ang oras. 

May naalala ako. 
May kunting talento pala ako sa pagdo-drawing. Libangin ko nalang ang sarili ko sa paguguhit. Napili kong kopyahin ang mukha ng babae sa LIWAYWAY magazine. Tamang-tama ang aking modelo. Maganda. Medyo hawig sa ex ko. 

Tantsa ko 15 minutes ata ang inabot ng guhit-bura-guhit-bura-guhit bago matapos ang aking obra maestra. Pero bigo ako. Ang layo sa orihinal. Ang magandang babae(na hawig sa ex ko) ay naging pangit na bading. 
Pinunit ko nalang ang papel. Binuo na parang bola saka ini-shoot sa basurahan
Ang talent pala ay para itong tanim. Kailangan mo diligan araw-araw. Alagaan. Matagal-tagal narin akong hindi nagdrowing-drawing. Kaya inabot na ng pagkalanta hanggang sa pagkamatay. Tuluyan ng naglaho ang aking katiting na talento.

Napakalamig ngayon kahit tanghali. Damang-dama ko ang winter. Kung tutuusin nakakumot na ako pero ramdam ko parin ang lamig. Nanuotsuot sa buto. Para akong may yelo sa ulo at naka-froozen ang backbone ko. Ang ginawww...

Hindi ko alam kung anong pwersya ang tumulak sa akin. Napansin ko nalang nakadungaw na pala ako sa bintana mula sa third floor ng aming dormitoryo. Mahamog ang paligid. 
Hindi ko makita ang langit sa kapal ng fog. 
Nangingibabaw ang ingay ng makina mula sa kompanyang katabi lang namin. Dinig na dinig ko. Iba ang ingay. Parang may nais iparating. Kakaiba.

Umaambon pa. Dahilan para lalong lumamig ang paligid.Malakas din ang hangin. Malamig na hangin. Halos walang tigil ang pagalaw sa nangingilang dahon ng puno. Ang ingay ng makina at ingay ng ihip ng hangin ay nagdadala ng mensahe. Pilit kong inintindi pero hindi ko maarok. Ewan ko kung guniguni ko lang pero may bumubulong. Lalong nakakalungkot pakinggan. Naguguluhan ako. 

Sumagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Sila Mama at Papa. Ang mga expectations nila sa akin. Ang mga pangarap ko na parang imposeble. Ang dahilan kung bakit ako andito. Gusto kong isumpa ang kahirapang nagpahirap sa akin simula’t simula pa. Kung ito pa ay may buhay, matagal ko ng pinatay. Sasakalin sa leeg para unti-unting malagutan ng hininga. Sa ganun, maramdaman din niya ang mga pinagdaanan ko. Tapos, hihiwain ng pino at susunugin. Ang abo ay ibaon sa lupa para mabaon narin sa limot at hindi na manggulo sa mga sumusunod pang henerasyon ko. Buwiset na kahirapan!

Tiningnan ko ang ibaba. Mataas-taas din to. Kung malaglag ako dito, tiyak na kabaong ang sunod na higaan ko.
Naisip ko ang aking mga pinagdaanang hirap at inaalalang hinaharap...ano kaya ang maging buhay ko sa dalawang taon ko dito sa Taiwan? Kailan kaya ako magka-OT? Sana mabayaran ko na ang utang ko sa placement fee. 

“What a gloomy Sunday!” 

Nagulat ako sa nasabi ko. Ganito din ang sinabi ni Rezso Seress bago niya ma-compose ang kontrobersyal na “gloomy Sunday” na tinuturing na suicide song. Ayon sa kwento, 30 minutes lang ang ginugol ni Seress para mabuo ang kanta sa pamamagitan ng pagsulat sa lyrics nito sa lumang post card. 

Sulat...pagsusulat! 
Tama. Magsusulat ako para malibang. 

Bumalik ako sa bed at kumuha ng bolpen at papel. 
Nilagyan ang tasa ng mainit na tubig saka niloblob ang tsaa. 
Kung ang iniisip mo ay suicide note ang gagawin at isusulat ko, nagkakamali ka. 
Napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. 

Gusto mo bang malaman ang sinusulat ko? Gusto mo bang mabasa kung ano kaya ito? 
Basahin mo ulit mula sa umpisa ang binasa mo na.

Sabado, Agosto 13, 2011

Health Tips By: Dioscoro Kudor,M.D,Ph.D,Ed.D


Epektibo at simpleng paraan para sa mga magulo ang pag-iisip. Sa mga hindi makapagdesisyon ng maayos. At sa mga workacholic na nakaramdam ng sobrang stress.

Gamit ang hintuturo, pasukin ang butas ng ilong. Ikot-ikutin ang daliri. Dapat isang direction lang. Clockwise movement at bawal ang counterclockwise.
Ituloy-tuloy lang ang pag-ikot.
Ikot-ikutin mo pa. Ang mga mata nama’y nakapikit na parang tumulay lang sa bahaghari.
Namnamin ang bawat ikot. Sige lang ng sige.
Ok lang kung medyo basabasa ang makapa. Pero mas ideal ang matigas-tigas.
Ang sunod gawin ay hugutin ang hintuturo at dilaan upang malaman ang lasa sa malagkit na bagay na sumama nito. Importanteng-importante na alam mo kung ito ba ay maalat o mapait. Kasi kung maalat, wala namang ibig sabihin nun. At  kung mapait naman, katulad sa nauna, wala din ibig sabihin.

Pagkatapos, ang iyong nakuhang bagay ay i-shape na parang bola. Bola ng basketball.
Ayusin ang pagbuo. Dapat bilog na bilog.
Pagkatapos sa kanang butas ng ilong, sa kaliwang butas naman.
Gawin kung ano ang ginawa sa kanan.
Ulit-ulitin ang ganitong proseso hanggang sa lumuwag ang pakiramdam, makahinga ng maayos at lumiwanag ang pag-iisip.
Ayon sa masusing imbestigasyon at base narin sa mga daan-daang laboratory test, napatunayan ng mga seyentipiko at dalubhasa sa medisina na kung mas malaki ang bilog na iyong mabuo nangangahulugan itong mas malaki din ang porsyento na mabawas sa naramdamang stress..

Bottom line, bumuo ka ng malaki at bilog na bilog na kulangot.



The Author:
Si Dioscoro Kudor ay ang katangi-tanging tao na nakapagbibigay na maliwang na paliwanag kung bakit tinatakpan ng pusa ang kanilang tae. Sa ngayon, abala siya sa kaniyang major project: ang pagcross-breed sa langgam at elepante.

Biyernes, Agosto 5, 2011

Padi's Point (Taiwan)


Wala sa bokabularyo ko at ni minsan hindi ko pinangarap pumunta sa ganitong lugar. Natagpuan ko nalang ang sarili sa loob ng isang building. Madilim ang loob kahit tanghali. Patay-sindi ang mga ilaw na may iba’t-ibang kulay. May pula, orange, yellow at green.
Napakalakas ang sound. Nakakabingi.
Kapansin-pansin din ang itim na pintura sa loob. Itim ang dingding. Itim ang kisame. Pati mesa itim din.
Halo-halo ang mga tao sa loob. Kanya-kanyang trip. May gumigiling. May parang puno lang ng saging na hinangin. At meron ding walang pakialam sa mundo at patuloy na nilunod ang sarili sa beer.

Sa bandang sulok pinili umupo ng grupo namin. Marami kami:babae at lalaki. Inabutan ako ng mainom na naka-can. Dahil madilim, kailangan ko pang iangat ang can para makita ang sulat. Binasa ko. Carlsberg ang tatak.
“Wag muna tingnan. Inumin mo nalang yan. Beer yan”, patawang sabi ng kasama ko.
Sinegurado ko lang na hindi lason.
Mahirap na. Iniikot-ikot ko ang can baka may drawing bungo at ekis. Buti wala naman.

Dahil sa pamimilit ng barkada, sumama ako sa kanila papuntang dance floor. Disco ba kumbaga.
Pero hindi yun ang totoong dahilan. Gusto ko lang makita ng malapitan ang maganda at sexy na kanina pa gumugiling habang hawak ang pool. Linawin ko lang: ang paglapit ko ay walang halong kamanyakan. Gusto ko lang i-confirm. Minsan kasi madaya ang mata. Maganda lang sa malayo pero hindi naman pala sa malapitan.

Ang daming tao sa dance floor. Siksikan. Nagkabanggaan na ng puwet. Pero walang malisya. Walang pakialaman. Kahit anong steps ang mabuo. Yung iba may potential bilang dancer. Meron ding parang buntot lang ng butiki na naputol. Pero karamihan ay hindi mo maitindihan kung sumasayaw nga ba. Sad to say, isa ako sa kanila. Para lang ipaalam sa mga anduon na ako ay tao hindi poste, sinasabayan ko ang maingay na music sa pamamagitan ng pag-angat ng aking mga paa. Alternate yun. Left and right. Para naman bumagay, ginagalaw ko  ng bahagya ang aking balikat. Yan ang step ko. Paulit-ulit. Sayaw pangkonsehal. Na-imagine mo ba paano ako sumayaw?

Nang ma-realize ko na para lang pala akong nang-aapak ng mga gumagapang na ipis sa sahig, nagpasya akong umupo nalang at iwan ang barakada. Kahit pa hindi natuloy ang plano ko. Ang plano na makipagkilala sa babaeng nasa aking likuran. Nabuo ang aking interes na parang kulangot sa loob lang ng ilang segundo. Kanina pa kasi napansin kong kinikiskis ang puwet niya sa akin. Buti na nga lang aircon ang loob. Kung hindi pa, umaapoy na kaming dalawa dahil sa friction.
Bago ako umalis, sinulyapan ko muli ang babaeng nasa pool. Maganda nga, talaga, malayo man o malapit. Mas maganda pa kaysa nasa likuran ko. At mas sexy din. Yun nga lang. Mahirap sabihin. Nasa isip ko ang mabangong sampaguita na nalaglag sa putik. Sayang!

Pagbalik ko sa upuan, andun pa ang aking beer. Inalog ko. Mabigat pa. Marami pa ang laman. Hindi man lang ako nangalahati.
Biglang may naisip akong kakaiba. Para mas cool ang eksena, nagsindi ako ng yosi. Ganitong-ganito ang mga napanood ko sa mga action films na  gawang pinoy. Nag-iisa sa table at kunwari galit sa mundo. Naka-jacket. Beer sa kanang kamay, umuusok na yosi naman sa kaliwa. Bagay na bagay. Astig!

Ewan ko hindi naman safeguard ang gamit ko pero dinig kong kinausap ako ng aking konsensya. Sinigawan pa.
“Ano ang ginagawa mo dyan, gago?”
Para akong nalaglag sa puno at biglang bumalik ang aking ulirat. Inikot-ikot ko ang aking ulo. Sinusuri ang paligid. Ano nga ba ang ginagawa ko dito?
Hindi ako umiinom. Hindi din nanigarilyo. At lalong hindi sumasayaw.
Disco house? Inuman!
Mahalintulad ako sa baboy-ramo na napadpad sa siyudad. Hindi ito ang mundong nais kong galawan. Masaya na ako sa masukal kong daigdig.
Pagdo-drawing, computer, pagbabasa ng libro, kuntento at masaya na ‘ko. Ayaw ko dito. Hindi ko kailangang makiuso. Hindi ko kailangang magpatangay sa alon na tinatawag nilang modernesasyon. Gawin ko kung ano ang para sa akin ay tama. Hindi bale sabihin nila na ako’y iba o kakaiba. Sapat ng dahilan na tanggap ko ang sarili para ipakita ang tunay na sarili. Gusto ko ang sinabi ng isang preacher, “I may not stand tall in the crowd but I will stand out.”

Hindi ko hinihithit ang segarilyo. Nilagay ko sa bunganga ng beer na hindi ko naubos. Maya-maya dumating ang babaeng isa sa mga kasama ko. Sabi niya, “bakit hindi mo hinithit yan?”
“Hindi kasi ako nanigarilyo. Nilalamok lang ako kaya ginagawa kong katol ang yosi mo”, reply ko sa kanya.

Tumawa nalang siya sabay batok sa akin.
“Gago ka talaga!”