Linggo, Agosto 14, 2011

Gloomy Sunday

Ganito ang ayaw ko sa buhay yun bang walang magawa. Hindi kasi ako sanay at ayaw kong sanayin ang sarili. Mahirap ang magtrabaho pero mas mahirap ang walang trabaho. Ang bagal umikot ng orasan. 

Nakakatamad. Nakakabagot hintayin matapos ang araw. 
Linggo ngayon kaya day-off ko. 
Nais akong gumala pero wala akong pera. No choice kundi magmuni-muni sa kwarto. 
Gusto kong matulog pero hindi ako inaantok. Sumasakit na ang likod ko sa kakahiga. 
Nasa tabi ko lang ang cellphone ko. Kanina ko pa to tinititigan. Kapansinpansin ang depektibo nitong itsura. Dati sliding ‘to pero ngayon hindi na. Nilagyan ko ng tape para hindi na ma-slide down and up. 
Kahit mukhang naaksidente at naka-bandage, ayos lang. Hindi na mawala-wala ang display. 
Anyway, makatext parin naman ako at makatawag. Yun ang importante. 
Wala namang namumugot ng ulo kung pangit ang cellphone. At buti nalang wala. Wala akong pamalit. Seguradong putol ulo ko.
Ang tainga ko ay nakahanda kung sakaling tumunog. Isang linggo na atang hindi ko narinig ang aking incoming call at message alert tone. 
Wala man lang nakaalala. 
Dinamput ko. Tiningnan ang mga nasa phonebook. May napili akong isa. Pinadalhan ko ng walang kwentang text joke pero hindi na-send. 
Litsugas na buhay! 
Wala pala akong load.
 
Ano kaya gagawin ko para malibang? 

Ang baon kong dalawang libro dito sa Taiwan ay paulit-ulit ko ng binasa. At ayaw ko ng basahin ulit. 
Wala akong balak i-memorize yun. 

Tapos ko na ring basahin ang apat na issue ng LIWAYWAY magazine at tatlong issue ng FREE PRESS. Ang mga magazine na iyon ay illegal kung hiniram sa TV room. Pakalat-kalat kasi dun kaya dinala ko sa aking bed. 
Wala na talagang mapagtiyagaang basahin. 

Batung-bato na ako. Tiningnan ko ang aking relo. Parang hindi umuusog ang oras. 

May naalala ako. 
May kunting talento pala ako sa pagdo-drawing. Libangin ko nalang ang sarili ko sa paguguhit. Napili kong kopyahin ang mukha ng babae sa LIWAYWAY magazine. Tamang-tama ang aking modelo. Maganda. Medyo hawig sa ex ko. 

Tantsa ko 15 minutes ata ang inabot ng guhit-bura-guhit-bura-guhit bago matapos ang aking obra maestra. Pero bigo ako. Ang layo sa orihinal. Ang magandang babae(na hawig sa ex ko) ay naging pangit na bading. 
Pinunit ko nalang ang papel. Binuo na parang bola saka ini-shoot sa basurahan
Ang talent pala ay para itong tanim. Kailangan mo diligan araw-araw. Alagaan. Matagal-tagal narin akong hindi nagdrowing-drawing. Kaya inabot na ng pagkalanta hanggang sa pagkamatay. Tuluyan ng naglaho ang aking katiting na talento.

Napakalamig ngayon kahit tanghali. Damang-dama ko ang winter. Kung tutuusin nakakumot na ako pero ramdam ko parin ang lamig. Nanuotsuot sa buto. Para akong may yelo sa ulo at naka-froozen ang backbone ko. Ang ginawww...

Hindi ko alam kung anong pwersya ang tumulak sa akin. Napansin ko nalang nakadungaw na pala ako sa bintana mula sa third floor ng aming dormitoryo. Mahamog ang paligid. 
Hindi ko makita ang langit sa kapal ng fog. 
Nangingibabaw ang ingay ng makina mula sa kompanyang katabi lang namin. Dinig na dinig ko. Iba ang ingay. Parang may nais iparating. Kakaiba.

Umaambon pa. Dahilan para lalong lumamig ang paligid.Malakas din ang hangin. Malamig na hangin. Halos walang tigil ang pagalaw sa nangingilang dahon ng puno. Ang ingay ng makina at ingay ng ihip ng hangin ay nagdadala ng mensahe. Pilit kong inintindi pero hindi ko maarok. Ewan ko kung guniguni ko lang pero may bumubulong. Lalong nakakalungkot pakinggan. Naguguluhan ako. 

Sumagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Sila Mama at Papa. Ang mga expectations nila sa akin. Ang mga pangarap ko na parang imposeble. Ang dahilan kung bakit ako andito. Gusto kong isumpa ang kahirapang nagpahirap sa akin simula’t simula pa. Kung ito pa ay may buhay, matagal ko ng pinatay. Sasakalin sa leeg para unti-unting malagutan ng hininga. Sa ganun, maramdaman din niya ang mga pinagdaanan ko. Tapos, hihiwain ng pino at susunugin. Ang abo ay ibaon sa lupa para mabaon narin sa limot at hindi na manggulo sa mga sumusunod pang henerasyon ko. Buwiset na kahirapan!

Tiningnan ko ang ibaba. Mataas-taas din to. Kung malaglag ako dito, tiyak na kabaong ang sunod na higaan ko.
Naisip ko ang aking mga pinagdaanang hirap at inaalalang hinaharap...ano kaya ang maging buhay ko sa dalawang taon ko dito sa Taiwan? Kailan kaya ako magka-OT? Sana mabayaran ko na ang utang ko sa placement fee. 

“What a gloomy Sunday!” 

Nagulat ako sa nasabi ko. Ganito din ang sinabi ni Rezso Seress bago niya ma-compose ang kontrobersyal na “gloomy Sunday” na tinuturing na suicide song. Ayon sa kwento, 30 minutes lang ang ginugol ni Seress para mabuo ang kanta sa pamamagitan ng pagsulat sa lyrics nito sa lumang post card. 

Sulat...pagsusulat! 
Tama. Magsusulat ako para malibang. 

Bumalik ako sa bed at kumuha ng bolpen at papel. 
Nilagyan ang tasa ng mainit na tubig saka niloblob ang tsaa. 
Kung ang iniisip mo ay suicide note ang gagawin at isusulat ko, nagkakamali ka. 
Napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. 

Gusto mo bang malaman ang sinusulat ko? Gusto mo bang mabasa kung ano kaya ito? 
Basahin mo ulit mula sa umpisa ang binasa mo na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.