Biyernes, Agosto 5, 2011

Padi's Point (Taiwan)


Wala sa bokabularyo ko at ni minsan hindi ko pinangarap pumunta sa ganitong lugar. Natagpuan ko nalang ang sarili sa loob ng isang building. Madilim ang loob kahit tanghali. Patay-sindi ang mga ilaw na may iba’t-ibang kulay. May pula, orange, yellow at green.
Napakalakas ang sound. Nakakabingi.
Kapansin-pansin din ang itim na pintura sa loob. Itim ang dingding. Itim ang kisame. Pati mesa itim din.
Halo-halo ang mga tao sa loob. Kanya-kanyang trip. May gumigiling. May parang puno lang ng saging na hinangin. At meron ding walang pakialam sa mundo at patuloy na nilunod ang sarili sa beer.

Sa bandang sulok pinili umupo ng grupo namin. Marami kami:babae at lalaki. Inabutan ako ng mainom na naka-can. Dahil madilim, kailangan ko pang iangat ang can para makita ang sulat. Binasa ko. Carlsberg ang tatak.
“Wag muna tingnan. Inumin mo nalang yan. Beer yan”, patawang sabi ng kasama ko.
Sinegurado ko lang na hindi lason.
Mahirap na. Iniikot-ikot ko ang can baka may drawing bungo at ekis. Buti wala naman.

Dahil sa pamimilit ng barkada, sumama ako sa kanila papuntang dance floor. Disco ba kumbaga.
Pero hindi yun ang totoong dahilan. Gusto ko lang makita ng malapitan ang maganda at sexy na kanina pa gumugiling habang hawak ang pool. Linawin ko lang: ang paglapit ko ay walang halong kamanyakan. Gusto ko lang i-confirm. Minsan kasi madaya ang mata. Maganda lang sa malayo pero hindi naman pala sa malapitan.

Ang daming tao sa dance floor. Siksikan. Nagkabanggaan na ng puwet. Pero walang malisya. Walang pakialaman. Kahit anong steps ang mabuo. Yung iba may potential bilang dancer. Meron ding parang buntot lang ng butiki na naputol. Pero karamihan ay hindi mo maitindihan kung sumasayaw nga ba. Sad to say, isa ako sa kanila. Para lang ipaalam sa mga anduon na ako ay tao hindi poste, sinasabayan ko ang maingay na music sa pamamagitan ng pag-angat ng aking mga paa. Alternate yun. Left and right. Para naman bumagay, ginagalaw ko  ng bahagya ang aking balikat. Yan ang step ko. Paulit-ulit. Sayaw pangkonsehal. Na-imagine mo ba paano ako sumayaw?

Nang ma-realize ko na para lang pala akong nang-aapak ng mga gumagapang na ipis sa sahig, nagpasya akong umupo nalang at iwan ang barakada. Kahit pa hindi natuloy ang plano ko. Ang plano na makipagkilala sa babaeng nasa aking likuran. Nabuo ang aking interes na parang kulangot sa loob lang ng ilang segundo. Kanina pa kasi napansin kong kinikiskis ang puwet niya sa akin. Buti na nga lang aircon ang loob. Kung hindi pa, umaapoy na kaming dalawa dahil sa friction.
Bago ako umalis, sinulyapan ko muli ang babaeng nasa pool. Maganda nga, talaga, malayo man o malapit. Mas maganda pa kaysa nasa likuran ko. At mas sexy din. Yun nga lang. Mahirap sabihin. Nasa isip ko ang mabangong sampaguita na nalaglag sa putik. Sayang!

Pagbalik ko sa upuan, andun pa ang aking beer. Inalog ko. Mabigat pa. Marami pa ang laman. Hindi man lang ako nangalahati.
Biglang may naisip akong kakaiba. Para mas cool ang eksena, nagsindi ako ng yosi. Ganitong-ganito ang mga napanood ko sa mga action films na  gawang pinoy. Nag-iisa sa table at kunwari galit sa mundo. Naka-jacket. Beer sa kanang kamay, umuusok na yosi naman sa kaliwa. Bagay na bagay. Astig!

Ewan ko hindi naman safeguard ang gamit ko pero dinig kong kinausap ako ng aking konsensya. Sinigawan pa.
“Ano ang ginagawa mo dyan, gago?”
Para akong nalaglag sa puno at biglang bumalik ang aking ulirat. Inikot-ikot ko ang aking ulo. Sinusuri ang paligid. Ano nga ba ang ginagawa ko dito?
Hindi ako umiinom. Hindi din nanigarilyo. At lalong hindi sumasayaw.
Disco house? Inuman!
Mahalintulad ako sa baboy-ramo na napadpad sa siyudad. Hindi ito ang mundong nais kong galawan. Masaya na ako sa masukal kong daigdig.
Pagdo-drawing, computer, pagbabasa ng libro, kuntento at masaya na ‘ko. Ayaw ko dito. Hindi ko kailangang makiuso. Hindi ko kailangang magpatangay sa alon na tinatawag nilang modernesasyon. Gawin ko kung ano ang para sa akin ay tama. Hindi bale sabihin nila na ako’y iba o kakaiba. Sapat ng dahilan na tanggap ko ang sarili para ipakita ang tunay na sarili. Gusto ko ang sinabi ng isang preacher, “I may not stand tall in the crowd but I will stand out.”

Hindi ko hinihithit ang segarilyo. Nilagay ko sa bunganga ng beer na hindi ko naubos. Maya-maya dumating ang babaeng isa sa mga kasama ko. Sabi niya, “bakit hindi mo hinithit yan?”
“Hindi kasi ako nanigarilyo. Nilalamok lang ako kaya ginagawa kong katol ang yosi mo”, reply ko sa kanya.

Tumawa nalang siya sabay batok sa akin.
“Gago ka talaga!”

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.