Linggo, Hulyo 24, 2011

Taiwan(karugtong)


Umalis ang eroplano sa Pilipinas ng 7:40 AM. Dumating kami sa Taiwan ng 9:50AM.  Ang lapit lang pala.

Maganda ang Taiwan Airport. Organisado. Kung ang atin ay parang public market , dito  parang sementeryo. Iilan lang ang tao. Tanda ng kanilang maliit na populasyon.

Habang hinihintay  namin ang broker na sundo, ang daming pumapasok sa isip ko. Kumakabog ang aking dibdib. Ako ay nilalamig. Takot, pag-alala at pagkabahala. Sari-sari ang aking nararamdaman. Sinusungkit ako ng mga katanungan. Ano kaya ang maging trabaho ko? Ano kaya ang maging buhay ko dito? Hindi ko kaya pagsisihan ang pagresign sa dating kompanyang pinagtrabahoan sa loob ng limang taon para lang mag-abroad? Ito na kaya ang daang hinahanap ko  patungo sa magandang pagbabago? O di kaya ito ang daan na kailan man ay hindi ko na lilingonin o naisin mang balikan? Tanging diyos lang ang nakakaalam. Bago ako sumakay sa sundo naming van, tinapik ko ang aking kaliwang balikat gamit ang kanang kamay sabay sabi sa sarili, “GOODLUCK”!

Ospital ang dinalhan namin ng tagasundo na Taiwanese. Pumunta kami dun para sa medical exam. Ibang-iba ang Taiwan. Ang mga crew dun ay subsob sa trabaho. Hindi nagkukuwentuhan. Parang robot na naka-program. Kung kumilos parang walang sinayang na segundo. Ang bilis ng proseso kaya saglit lang pumila. At hindi lang yun ang napansin ko. Cute ang mga Taiwanese na babae at hindi maarte. Nung kinunan ako ng dugo aksedenteng tumama ang aking kamay sa didbdib ng nurse. Naalala ko relihiyoso pala ako at gentleman. Inusog ko agad ang aking kamay. Pero hinila naman niya pabalik at tumama uli. Diyos ko hindi ko yun sinasadya. Wala na akong nagawa. Hinugasan ko nalang ang aking tumamang kamay para hindi ako masyadong nagkasala.

Pagkatapos sa ospital, dinala kami sa opisina sa aming broker. Binigyan kami ng pagkain nakalagay sa lunchbox na cartoon  at may kasamang chopsticks. Pientang ang tawag nila dun. Kung ako ang kumain pinakamatagal na ang 10 minutes pero dahil sa letseng chopsticks inabot ata ako ng kalahating oras. Kung ano-anu nalang ang ginawa ko sa dalawang sticks madakot ko lang ang pagkain.

Pagkatapos kumain, kinausap kami ni Sir Bert, aming broker. Matangkad na tao. Mata palang halatang may lahing  Chinese. 23 years na siyang nakatira sa Taiwan ayon sa kwento niya. Strikto si Sir Bert. Prangka at malaman ang mga salita pero mabait. Gusto ko ang kanyang ugali. Totoong tao at hindi plastik.

“Don’t expect too much here in Taiwan. As what I have told you in our online interview”, sabi nya sa amin.

Inexplain niya sa amin ang mga deductions at paano i-compute ang sweldo. Kung napansin niyo rin, ang mga nag-Saudi napakapagpatayo ng malalaki at magagandang bahay. Nakabili ng kotse. Pero sa mga nagta-Taiwan, parang wala pa ata. Talagang napakaliit lang ang sweldo dito. Pero sa kabila niyan, hindi parin napundi ang maliit na liwanag ng pag-asa dito sa aking puso. Nasa tamang pagastos lang yan. Kumbinsi ko sa sarili.

Mula sa opisina ng broker, dinala kami ni Sir Bert sa immigration para “ata” maging legal ang pag-stay namin dito. Hindi ako segurado. Saglit lang kamin dun. Napakabilis din ng kanilang proseso.
Sa dormitory na ang sunod naming destinasyon.  Dun ako manalagi sa loob ng dalawang taon kong kontrata. Medyo may  kalayuan pero ayos lang. Para din akong turista na nagto-tour at si Sir Bert naman ang tourist guide. Oppurtunity kong maituring ang pagkakataong iyon. Alam kong si sir Bert ay hindi pangkaraniwang tao. Hindi siya typical na taong makasalubong mo sa daan o di kaya makasabay mo sa pagtutuhog ng fishball at kwekwek. Medyo makwento din si sir Bert kaya sumasarap ang timpla ng aming usapan. Hanggang ngayon naalala ko parin ang mga sinasabi niya...
  • ·        Dito sa Taiwan, karamihan dito ay nagtatrabaho. Walang pagala-pagala dito. Walang tambay. Hindi katulad sa atin.
  • ·        Kung sa atin ang mga tao ay takot sa gobyerno. Dito takot ang gobyerno sa tao...walang abusadong pulis dito.
  • ·        Hindi uso dito ang “lagay”. Lahat ay dokumentado. Lahat ay nasa tamang proseso. Ayon sa batas.
  • ·        Mabilis ang serbisyo nila dito. Hindi pwede ang bagal-bagal. Kung mabagal ka, mawalan ka ng customer.

Maya-maya dumaan kami sa expressway at huminto ang sinasakyan namin sa tollgate. Ini-swipe lang ang card at ok na. Ang bilis! Wala ng sukli-sukli. Pero hindi pa sila nakontento.  Sabi ni Sir Bert may balak pang palitan ng gobyerno nila yun. Instead of swiping, kabitan  nalang ng device ang sasakyan at automatic i-read ang bawat pagdaan. Mas mabilis yun.

Habang binabaybay namin ang mahabang daan, kapansin-pansin ang mga luntian at mayabong na punong kahoy. Umandar ang aking pagka-usesero. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon. Tinanong ko si Sir Bert kung paano napanatili ang dami ng mga puno sa kabila ng kanilang pagiging industriyalisado. Ang daming sinabi ni Sir. Ang haba ng kanyang paliwang. Pero sa naintindihan ko lang kaya ganun dahil hindi basta-basta pinuputol ang kanilang mga puno. Kailangan mo pang kumuha ng permit kahit ikaw pa ang may-ari.

Gumulong ang aming usapan at napunta sa lupa.
“Dito sa Taiwan may apat na klase ng lupa: agricultural, industriyal, commercial at residential. Kung ang lupa mo ay nasa agricultural area dapat taniman lang yun. Pwede mang tayuan ng bahay pero dapat 10% na parte lang sa kabuhuang laki ng lupa, “ paliwanag niya.
Natahimik ako. Nasabi ko sa sarili, napakaistrikto naman ng gobyerno nila. Pero maganda naman ang kinalabasan. Pwede kaya ang ganitong mga patakaran sa atin?

Dumating kami sa dormitory medyo hapon na. Inayos ko ang aking mga gamit at nagpahinga. Nakakapanibago ang temperature. Dahil Oktubre medyo nagsimula ng lumamig. Palatandaan ng parating na winter season. Wala pa naman akong baong jacket. Ang pinagtaka ko lang, ang mga room mate ko ay naka-electric fan. Habang ako nama’y naka-comforter. Sila ay naiinitan ako nama’y nilalamig. Seguro sanayan lang.

Hindi ako nakaramdam ng homesick pero hirap akong makatulog. Naglaro sa isip ko ang mga nangyari sa boung araw. Mula  sa Cavite, sa NAIA, sa eroplano, sa Taiwan airport, sa ospital, sa opisina ng broker, sa immigration hanggang dito sa dorm. Sino bang mag-akala na makarating pala ako dito. Malay ko bang matuloy pala ang aking flight sa kabila ng makailang beses na ma-postpone. Nagpa-flashback sa isip ko ang mga nangyayari.  Kaba, takot, pag-alala, pag-alinlangan at excitement. Naitindihan ko na ngayon kung bakit willing gumastos ng libo-libo ang mga turista para lang pumunta sa iba’t-ibang bansa kahit may nangingidnap na abu sayaff at nangho-hostage sa bus. Balewala pala ang panganib dahil mas nangingibabaw ang excitement na may kasamang learning. Sa dalawang taon ko dito, sikapin kong malibot ang ilang parte ng Taiwan.

Malaking pasalamat ko kay Si Bert sa mga na-share niyang ideas. Sa unang araw ko dito, marami na akong nalalaman tungkol sa Taiwan. Maliit lang pala ang Taiwan. Mas malaki pa nga ang buong Luzon. Kaya ito tinatawag na ROC ibig sabihin Republic of China. Sa Pilipinas may dalawang season: wet and dry. Pero dito apat: spring, winter summer ang fall. May iilang parte sa Taiwan ang  may snow pero sa tinitirhan ko wala. Organisado ang Taiwan. Malinis at maraming puno. Desiplinado din ang mga tao kaya walang masyadong basura. Seguro hindi corrupt ang gobyerno nila kaya sila maunlad.

Habang kausap ko si Sir Bert kanina, napansin ko ang paulit-ulit niyang binanggit ang words na “hindi katulad sa atin” at “lahat dito ay nasa tamang proseso. Ayon sa batas”. Kung pakinggan, parang lubog na lubog ang Pilipinas. Pero maski ako na purong Pilipino hindi ko maiwasang mai-compare ang Taiwan sa Pilipinas. Totoo, walang-wala tayo kung kaunlaran at desiplina lang ang pag-uusapan.

Bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata, sinabi ko sa sarili: kahit gaano kaganda ang Taiwan, hindi ko ipagpalit ang Pilipinas. Mahal ko at mamahalin ko ang bayan ko.
Proudly Pinoy!
Bukas na pala magsimula ang aking trabaho. Tulog na ako.
Goodnight!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.