Sabado, Disyembre 31, 2011

PAMPASUWERTE DAW SA NEW YEAR

Mag-New Year na naman. I am sure abala ngayon ang mga tao sa paghahanda ng pampasuwerte.
Anong handa mo? Sa dalawampu’t isang taon kong pananalagi sa mundong ibabaw, ito ang mga napansin kong kaugaliang pampaswerte daw para sa bagong taon. 

1.   Wag magpagupit ng buhok kung bagong taon. Mapuputol daw kasi ang swerte ng tao. Iwan ko lang kung sino ang addict ang nagpauso nito. 
2.   Maghanda ng labindalawang uri ng bilog na prutas. Pero may narinig akong dapat daw labintatlo. Kung ilan ang totoo, ewan.
Pero hindi biro ang kaugaliang ito. Ang hirap kayang maghanap ng labindalawang uri ng prutas lalo pa’t bilog. Kaya kung wala kana talagang mahanap, isama mo nalang ang repolyo at kalabasa. Isipin mo nalang prutas yan!
3.   Maghagis ng barya sa loob ng kuwarto pagsapit ng bagong taon. Kontra ako sa ganitong gawain. Sabi ng nanay ko buwisit ang magtapon ng pera.
4.   Ang isuot na kulay ng damit kapag new year ay dapat naaayon sa taon kung kailan ka ipinanganak. Halimbawa kung ipinanganak ka sa year of the chicken este rooster, dapat kulay pula o puti ang isuot para hindi malasin. Kung wala kang ganyang kulay na damit, dapat bumili ka. Kung wala ka namang perang pambili, mangutang ka muna ng 5-6 sa Bombay. Ayos lang kung makautang-utang basta lang swertehin.
5.   Huwag maghanda ng manok sa bagong taon. Ang manok daw kasi malas. Kakha-tuka.
Ewan ko anong koneksyon dun. Seguro kung bukod sa kainin ay gawin mong idol ang manok, malas nga.
6.   Magpaputok pagsapit ng alas dose para pantaboy ng malas. Kaya kung may baril ka sige paputukin mo. Kung may rebentador ka, sige sindihan mo. Ok lang kung may matamaan sa ligaw nabala. Ayos lang kung maputol ang daliri sa kamay total may daliri kapa naman sa paa. Nosi balasi! Gagawin mo yan lahat para lang sa swerte.
7.   At marami pang iba...

Hindi ko alam kung sino ang nagpasimula at kung kailan nagsimula ang kaugaliang halos pina-practice sa lahat ng Pilipino. Minsan nga naitanong ko sa sarili, “May ganyan din kaya kung magbagong taon ang mga sinaunang Pilipino? Nagpaputok din kaya ang kababayan kong si Lapu-lapu?”

Deritsuhin ko na kayo, hindi ako sang-ayon sa ganitong mga paniniwala. Isipin mo, kung totoo pa ito, hindi sana naghihirap ang Pilipinas. Sa tagal na nating pina-practice ang ganito, pero third-world country parin tayo. Linawin ko, hindi ako kontra sa paghahanda. Tama yan. Magprepara ng mga masasarap ng pagkain para sa pamilya at mga kaibigan. Magandang bonding at pasasalamat narin dahil nalampasan ang mga pagsubok sa nakaraang taon. Pero kung haluan mo ng kaletsehan ang paghahanda, ibang usapan na yan.

Ang malas at suwerte ay wala naman sa sitwasyon o sa panahon. Nasa tao lang yan-nasa ugali. Kung gusto mong suwertehin, magsikap ka, tigilan mo na ang iyong mga bisyo, itigil mo na rin ang iyong pambabae o panlalaki, mahalin at bigyang panahon ang pamilya, wag gawing komplikado ang buhay, hindi dapat gawing batayan ang nabasa mong novel o napanood mong pelikula para sa iyong relasyon dahil bunga lang yun sa hindi makatulog na writer, maging honest sa BF or GF kung wala kapang asawa, gumawa ng kabutihan para sa kapwa, mamuhay ng tahimik at marangal(huwag gayahin ang mga politician at pulis), at higit sa lahat magdasal at lumapit sa Diyos.
Ngayon kung ako ang tanungin mo kung ano ang malas?
Ang pagiging tamad, yan ang malas!  





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na. Mga 3 years ago.

Huwebes, Disyembre 8, 2011

DESISYON


Boss: When can you give me the report?
Tiningnan ko ang aking relo.
Ako: Maybe before 12 o’clock, sir. Because I have to do this first...and modify this...then...etc.
Boss: What time is it now?
Ako: Already 9:10a.m.
Boss: Okay. Give me the report at 10:00a.m.

Sabay alis.
Para akong sinubuan ng bahaw pagkatapos binatukan. Hindi ako nakaangal o makaimik man lang. Walang na ngang OT, marami pa ang dapat gawin at agad-agaran pang tapusin.
Naisip ko agad damputin ang nasa harap kong computer monitor at ihagis sa bintana. Sapat na seguro ang taas na apat na palapag para masira ko ang gusto kung sirain. Anak ng tikbalang! Ang layo sa estimasyon kung alas dose sa alas diyes. Pero wala akong magagawa. Ang boss ay laging boss. Dapat sundin.

Lahat ay nakasalalay sa aking desisyon. Pwede naman akong mag-resign at umuwi nalang  ng Pilipinas. Laki ako sa hirap. Hindi naman ako mamamatay sa gutom dun. Marunong akong mag-araro, gumawa ng mga handicrafts at mag-ayos ng sapatos. Kaya kung igapang ang sarili para mabuhay. Kahit maliit lang ang  kita pero marangal yun. Hindi dapat ikahiya.
May naisip na ako paano ko simulan ang aking resignation letter.

Ang bawat desisyon ay ang humohulma sa ating itinatayong mga pangarap. Malamang hindi natin pansin pero ito ang totoo. Bawat pagkakamali, nakakaapekto ito sa tibay o kundi man sa duration ng pagtatayo.
Para din itong pangguhit. Ito ang nagdo-drawing sa ating magiging bukas. Nagkamali ka? Gaya ng paguhit, pwede mong burahin. Yun nga lang, andun parin ang bakas ng pagkakamali. Depende sa laki ng nagawang mali.
Mahalintulad din ito sa isang domino na nakalinya ng maayos. Kunting tulak lang sa isa, apektado na lahat. Series of reaction kumbaga. Sunod-sunod, damay-damay.
In every decision, action will follow. And in every action, there should be consequences.

Kung mag-resign ako, para ko naring tinutulak ang unahang parte ng dominong nakalinya.
Kawawa naman sila mama at papa. Alam kong hindi sila umaasa sa akin. Pero seguradong malaking apekto sa kanila kung hindi na ako makapagpadala buwan-buwan. Sa point ngayon ng buhay ko, sila ang pinakamahalaga. Obligasyon ko ang ibigay sa kanila ang suporta ng isang anak.

Kung mag-resign ako, paano na ang aking mga pangarap? Oo, pwede ako umuwi ng Pinas para mag-apply uli sa ibang company. Pero hindi yun ganun kadali. Marami akong kakilala na umuwi pero hanggang ngayon ay nag-aapply parin.
At katulad sa nauna kong nabanggit, pwede din akong magsaka nalang. Magtanim ng kamote, mais at saging. Tapos, mag-sideline sa pagawa ng handicrafts at pag-aayos ng sapatos. Pwede na seguro yun.
Pero naisip ko ang pinagkaiba ng eroplano at barko. Ang pangarap ay parang isang destinasyon. Di hamak na mas mabilis ang eroplano sa barko. Kung magsaka ako, para narin akong nagbabarko. Sa pagtatanim ng saging, mais at kamote ay walang amo. Walang magdedekta. Ako ang masunod. Walang pressure. Walang deadline. Pero may bagyo! Paano kong may bagyo? Sira ang pananim.
Taob ang barko.

Sabi ni Bo Sanchez, “If you cannot change the situation, then change your attitude.”
Para itong sibat na tumama sa aking sentido. Sapul.
Seguro nga, masyado lang akong reklamador. Gusto ko lagi ang magaan at madaling trabaho. Kung tutuusin, wala naman talagang madaling trabaho.
Ginaya ko ang napanood ko sa pelikulang “The 3 Idiots”. Tinatapik ko ang aking kaliwang dibdib sabay sabi ng “Aal izz well. Aal izz well”. Paulit-ulit yun.

Quarter to 10:00a.m., lumapit ang Boss ko.
Ako: Sir, have you received my e-mail? Is my report okay?


Hindi siya sumagot. Pero bago paman, inihanda ko na ang aking tenga kung sakali sigawan ako. Napansin kong inangat niya ang kanyang kanang kamay. Dahil idol ko si Bruce Lee, balak ko yun salangin at baliin. Buti nalang naisip ko na ang pelikula ay walang kinalaman sa totoong buhay. Kaya hindi ko yun ginawa.
Hinayaan ko nalang na dumapo iyon sa aking balikat. Tapos, sabi niya,“It is okay. Good!”

Hmmm...mag-resign paba ako?

Sabado, Nobyembre 19, 2011

Para Sa Aking Kaibigan


Meron akong kaibigan at room mate na pauwi na ng Pilipinas. Seguro hindi lang basta kaibigan kundi para naring tatay at nakakatanda kong kapatid.
Sa gustong makakita, ito ang pogie kong kaibigan.
Hinding-hindi ko makakalimutan nung bago palang ako dito sa Taiwan. Dahil bago walang kalaman-laman ang aking bulsa. Buti nalang siya’y nagbilang anghel na nagkatawang demonyo at binagsak dito lupa(biro lang). Ang dami niyang itinulong sa akin. At tatanawin ko iyon ng utang na  loob habang buhay.

Dahil siya ay pauwi, ibinigay ko sa kanya ang aking libro na “Choose To Be Wealthy”. Mahalaga sa akin ang librong iyon pero ibinigay ko sa kanya bilang souvenir at pasasalamat na rin sa kanyang kabaitan. Kaso binalik. Gusto niyang lagyan ko ng message at pirma ang backpart ng book.

Habang sinusulat ko ang isusulat ko sa likod ng libro, ang daming pumapasok na ideya sa aking isip. Sa sobrang dami hindi na magkasya sa maliit na space dun. Kaya nagdesisyon ako na sa internet nalang ilagay ang buong mensahe ko para sa kanya.

(Pre, pasensya at medyo baliw-baliw ako. Kailangan mo pa tuloy mag-internet mabasa lang ang napakahaba pero walang kawenta-kwenta kong mensahe.)
=======================================================
Nap,


Marami akong natutunan sa librong ito. Kumbaga, kung ito pa ay naghahasik ng kaalaman, marami akong napulot. Kasama sa mga nadamput ko ay ang mga ideyang salungat sa ating kinagisnan at minanang pinaniniwalaan. Yun bang tipong masabi mo na ganito pala yun at hindi pala ganun.

Gaya ko at ng nakararami , alam kong ikaw rin ay naghahanap ng magandang pagbabago. Tamang –tama ang libro na ‘to bilang mapa sa iyong paghahanap. Nagpasya akong ibigay sayo pagbakasakali kung hindi man ako baka at sana ikaw ang makatuklas. Sa ganun, hindi masayang ang librong ito.
Sana balang araw kung magkakita tayo by chance,  ibalita mo sa akin na nasumpungan mo na ang magandang pagbabago.

Siya nga pala, ang pag-uwi mo sa Pilipinas ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos. Dahil hanggat humihinga, ang pag-asa ay hindi namamatay. Ito’y sumisibol at tumutubo. Diligan mo lang ng kunting kaalaman at determinasyon para ito ay lalago. Mawala man ang lahat wag lang ang pag-asa. Napakasarap mamuhay na puno ng pag-asa.

Bago ko makalimutan, keep on reading. Ang inakala ng iba na ang pagbabasa ay para lang sa mga matatalino. Mali yun. Ang basong puno ay hindi na pwedeng dagdagan pa. Ang mga matatalino at umaangking matalino ay hindi na kelangan magbasa. Ang pagbabasa ,bukod sa libangan, paraan din ito para matuto. Gusto ko ang message na nabasa ko:
"Don’t be afraid to learn. Knowledge is weightless. A treasure and weapon you can carry all the time."

Para sa akin, ang kaalaman ay isang kayamanan. Kaya habang nagbabasa ang tao ay para narin siyang naghuhukay ng balon ng kayamanan. Sana basahin mo ang libro na ‘to at maligayang paghuhukay.

Ingat pala sa pag-uwi. Maraming salamat sa iyong  kabaitan. Godbless!



Lagi mong kaibigan,

Dioscoro Kudor

Lunes, Nobyembre 14, 2011

Pacquiao vs Marquez 3

Tapos na ang laban. Panalo si Pacquiao. Pero hindi parin tapos ang koro-koro.
Marami ang nakulangan. Hindi daw naging agresibo si Pacquiao. Kung binanatan lang ng binanatan si Marquez, iba sana ang katapusan ng laban. 

Meron ding umastang magaling pa sa judges. Mali ang daw ang desisyon. Si Marquez ang panalo at hindi si Pacquiao.


Buwan palang bago magsimula ang laban, excited na ang mga boxing fans. Mas excited pa seguro kaysa dalawang maglalaban. Merong pabor kay Marquez. Kung gaano kayabang ang taong ito, ganun din ata ang kanyang mga taga-suporta. Ang idolo daw nila ang tatapos sa kasikatan ni Pacquiao. Marami pa silang komentaryo. Dinaya lang si Marquez kaya natalo sa kanilang pangalawang laban. Pero tayong mga Pilipino "cool lang". Walang masyadong sinabi. Isa lang ang binulalas. I-knock out si Marquez sa round 6. Tapos.
Ganun lang kadali. Parang nagpatay lang ng lamok gamit ang baygon.

Too much expectation leads to frustration. Pwede mong hugutin ang kasabihang ito at ipanghiwa sa nangyaring labanang Pacquiao VS. Marquez. Dismayado ang kampo ni Marquez sa resulta ng laban. Walang duda dun. Pero dismayado din mismong mga fans ni Pacquiao. Bakit? Dahil ba hindi na na-knock out si Marquez o ma-knock down man lang? Panalo naman siya diba?
Nag-entrance palang si Pacman papuntang ring at hindi pa nga bumitiw ng kahit isang suntok, ina-anticipate na ang laban. Si Pacman ang panalo. Parang nanood nalang ng movie na nabasa muna ang kwento sa libro. Alam mo na ang ending. Ang hinanap mo lang ay ang twist o additional scenes na sa screen mulang makita. Katulad nalang ng knock-down scenes. Pero hindi naging ganun ang storya. Close ang naging labanan. Walang knock-down ang nangyari.

Ang laban ay naka-schedule sa 12 rounds o katumbas nito ang 36 minutes exchanging of punches. Ang 3 minutes every round ay napaiksi para sa mga exciting na mga manonood. Pero hindi biro para sa isang boksengero ang makigbuno bawat rounds. Nakasalalay nito ang dangal para sa sarili at para narin sa bansa. Bawat binitiwang suntok at salang ay nakasugal ang buhay at tagumpay. Hindi madali.
Ang dating sikat na boxer na si George Foreman ay tinanong kung hindi ba siya takot sa brain damage. Sabi niya, “Anybody who is going into boxing has already a brain damaged.”

Sa nangyari sa ring nung Nobyembre 13, 2011(petsa sa atin), nakalimutan natin na ang ating pambansang kamao ay tao lang din at hindi naiiba. Walang extraordinary powers na kayang kontrolin ang mangyari sa loob ng ring.

Lumabas na kontrobersiyal ang kanyang panalo. Oo, kasi mukha siya ang binugbog sa bawat rounds. Si Marquez kasi nakapagbitiw ng combination punches. Habang si Pacman ay paisa-isa lang. Pero kahit paisa-isa lang na pasungkit-sungkit, tumama yun at counted ng mga judges. Aanhin mo naman yung sunod-sunod kung hindi naman tumama. Sa official result, ang desisyon ng isang judge ay draw at ang dalawang judges ay pabor para kay Pacquiao. Siya ay panalo via majority vote.

Talo man siya o panalo sa kanyang laban, pero isa pa rin ako sa kanyang solid na taga-hanga. Taga-hanga sa kanyang determinasyon, sa kanyang pagiging humble sa kabila ng tagumpay at kayamanan na naabot at higit sa lahat sa kanyang pagiging maka-diyos. Magkakaibang boxers ang aking nakita pagkatapos ng 12 rounds. Siya ay yumuko at nagdadasal. Habang si Marquez ay abala sa pagtataas ng kanyang kamao. Malaking pinagkaiba.

One more thing, saludo din ako sa kanyang pagiging clean fighter. Hindi ako naniwala sa steroid. He fights with no dirty tricks. Si Marquez? Panoorin niyo nalang 'to at kayo na ang humusga...
I-click ang link na ito to watch: Marquez's Fighting Style

Ang unang pakay ng isang boxer sa ring ay ang manalo. At nagawa yun ni Manny Pacquiao. No doubt. Mabuhay siya!





Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kwentong Kababalaghan



·        Multo
·        Kapre
·        Paring walang ulo
·        Aswang
·        Ligaw na kaluluwa
·        White Lady(meron din daw black)
·        Tiyanak
·        Bampira
·        Maligno
·        Kapre
·        Dwende
·        Lumulutang na kabaong
·        Diwata
·        Impakto
·        Demonyo
·        Tikbalang
·        Shokoy
·        Gloria Arroyo


Malamang isa sa mga nabasa mo sa itaas ay  tauhan/karakter sa mga narinig at nabasa mong mga “kwentong kababalaghan”. Hindi pala kasama yung panghuli. Sorry.

Bukod sa pagkahilig sa extra rice, isa pang katangian na meron tayong mga Pilipino ay ang pagkamadaling maniwala sa mga out of this world  o mga nasa ibang dimension. Pero good news. Hindi lang tayo ang lahi na ganito dito sa mundo. Balita ko, ganun din ang mga intsik. Pero ang pag-usapan lang natin ay ang atin.

Ang utak ng tao ay mahalintulad sa isang computer. Kung ano ang ini-install mo na program, ganun  din kalalabasan. Halimbawa, nag-install ako ng adobe photshop CS3, siyempre pagkatapos, magamit ko yun pang-photo editing at hindi pang-video converting .

Parang sa sitwasyon natin. Maliit palang tayo, ini-instolan na tayo ng mga kwentong kababalaghan. Pinamulat tayo at pinalaki na dapat matakot sa momo. “Anak, wag ka pumunta jan. May momo. Wahhh.”
Inaaliw tayo sa mga kwento ng ating lolo at lola tungkol sa mga maligno. Basta may malaking puno may nakatirang kapre. Sa ilog at dagat ay may shokoy. Sa mga lumang bahay o abandunado ay may mga ligaw na kaluluwa. May nagpapakitang white lady, duguang mukha, paring walang ulo at kung anu-ano pa.


Kaya ganun nalang tayo ka-praning tungkol sa mga extraordinary stories. Gusto mo ng proyba?




Gumawa ka ng seryosong kwento na nakakita ka ng white lady sa likod ng bahay niyo at ikuwento mo to sa pamilya mo at mga kapitbahay. Pustahan pa, 90% sa iyong nakwentuhan ay maniwala.
Ganito na nga seguro tayo. Ito na tayo.  Madali tayong maniwala sa usapang may halong extraordinary. Naalala ko yung napanood ko sa Imbestigador. Dalawang magkapatid na taga-Palawan ang pinaghihinalaang naging bampira dahil gising kapag gabi at naging bayolente. Kung anu-ano na ang kwentong kumalat sa buong baranggay mula sa mga chismosang kapitbahay. Sa huli, napag-alaman na may sakit lang pala sa utak. Sus ginoo!

Ito pa ang nakakatuwa. Mas takot pa tayo  sa multo o sa mga maligno kaysa mga buhay. Kung tutuusin wala namang napabalita sa TV na may kapre na nang-rape at pagkatapos pinatay ang biktima. Wala  ka namang narinig na isang pamilya ang mina-massacre ng bampira. Never ko pang nabasa sa pahayagan na may paring walang ulo ang nanghold-ap at pinatay ang biktima dahil nanlaban. Sabi ng tatay ko, ang dapat katakutan ay ang mga buhay at hindi yung mga patay. Tama siya.

Gusto mo bang makakita ng bampira? Para sa akin, ang totoong bampira ay ang mga nakabarong na mga honorable na patuloy sumipsip sa kaban ng bayan. 
Magaling silang magsalita at kunwari matulungin. Malupet ang kanilang epektong dulot. Hindi lang isang buhay ang nanganib kundi ang napakarami. Ang matindi, hindi sila tinatablan ng bawang. Hindi rin takot sa sinag ng araw. Hindi mo rin pwedeng ipangtakot ang krus dahil pumupunta pa nga sila sa simbahan. Mahirap silang puksain.

Liliko naman tayo sa usapang Balete Drive. Sino ba ang hindi nakarinig tungkol Balete Drive? Kahit seguro hindi taga-Maynila alam kung ano ang bumabalot na kwento sa lugar na iyon. Pero ang nakakapanindig-balahibo ay katotohanang hindi pala totoo ang kwento na may white lady o may mga kababalaghang nangyari. Bungang isip lang ito sa isang kulomnista na minsang gabi nasiraan ng sasakyan sa mismong lugar. Dahil ang scene ay perfect para sa horror story, gumawa siya ng fiction na storya at inilathala sa newspaper pero pinalabas na real story. Katulad sa pagbili ng newspaper, binili din ng mga tao ang kanyang kwento. Napaniwala niya ang madlang people. Oo,“Adik” siya. Pero mas adik tayong naniwala sa adik.

Note: Hindi ko sinabing walang mga out of this world na nilalang. Ako din ay takot sa multo at white lady. Ang point ko dito, wag maging masyadong praning.









Lunes, Oktubre 24, 2011

The Sorcerer and the White Snake


May bagong lumabas ngayon na pelikula. The Sorcerer and the White Snake ang title. Si Jet Li ang main character. Kahit hindi ako mahilig manood ng movie pero kapag may halong suntukan at sipaan, bigla ako magka-interes panoorin. May pagkabayolente kasi akong tao. Ito ang dahilan kaya ako may tatlong chacku.

Si Jet Li ang bida. Impossible naman seguro kung gaganap siya ng love story. Bagay lang siya sa basagan ng mukha. Nakakaingganyo din ang title. Sorcerer- may pagka-fantasy at White Snake?-wild ang dating.
Sa mga hindi pa nakapanood, ito ang laman ng storya.
Si Jet Li ang sorcerer. Ang role niya sa pelikulang ito ay manghuli ng demonyo at ilagay sa posporo. Pero joke lang. Hindi posporo. Isang lalagyanang kulay ititm na parang mangkok pero hindi mangkok. Basta lagyanan.
Sino ang white snake? Ang white snake naman ay ang magandang babae. Pero hindi tao. Siya ang isang libong taong white demon snake at may kapatid na green demon snake. Pareho silang babae. Ang anyo nila ay kalahating tao at kalahating ahas.  New version ng tikbalang. Parang kwentong pambata lang.

I-short cut ko nalang ang kwento bago mo pa maisipang mag-exit sa blog site ko. Na-inlove ang white demon snake sa isang mortal. Pero hindi kay Jet Li. Kundi sa isang lalaking gumagawa ng herbal na gamot. Nagkatawang tao ang white snake at dahil cute, gusto din siya ng lalaki(gusto ko din ang babae. ganda ng mata). Namuhay sila bilang mag-asawa. They live happily but not ever after.

Mabait naman ang babae kahit demon pero ewan ko kay Jet Li nakikialam pa. Gusto din niyang ikulong ang babae sa parang mangkok. Sa kataposan ng kwento, yung babae ay bumalik bilang white snake at nakakulong. Ang lalaki naman na gumagawa ng herbal ay malungkot. The end.

Hindi ako natuwa sa kwento. Ang kwento kasi ay hindi action kundi parang love story. Hindi yun ang inaasahan ko. At parang may mali din sa storya. Kung hindi lang sana ginulo ni Jet Li ang pamumuhay ng mag-asawa, hindi sana magkaroon  ng tidal wave. Hindi sana nilamon ang templo nila ng baha. Hindi sana magkagulo-gulo. Maganda sana ang ending. Sino ang nagsulat sa kwento na yun? Hindi ko alam. Sulat Chinese eh.

Yun ang ikinaganda kung ikaw ang magsulat. Ikaw ang mag-decide kung paano mo tapusin ang kwento. At wala na silang magagawa. What is written has already became a story. Tanging ang nagsulat lang ang makapagpabago. Parang ngayong binasa mo. Gusto mo man o hindi. Wala kanang magagawa.

By the way, may balak akong gawan iyon ng pinoy version ang kwento. Pero siyempre mas maganda. Happily ever after dapat ang ending. Maganda seguro na i-title ang, “Ang Mangkukulam at ang Pink na Bulate”.



Sabado, Oktubre 15, 2011

Astig


Ang totoong  astig ay wala sa panlabas na kaanyuan.  Para sa akin, sila ang mga totoong astig:


·        Ang astig ay si Gen. Gregorio del Pilar na lumaban sa mga mananakop na dayuhan sa labanang 1:10.

·        Ang astig ay si Emilio Jacinto na sumulat sa astig na kartilya at editor sa astig na pahayagang “kalayaan”.  Kung ang mga kabataan natin ngayon ay abala sa paglalaro ng dota, hithit ng mariwana o adik-adik, at planking?, siya ay sumapi sa katipunan sa edad na 18. Batang-bata.

·        Ang astig ay si Mother Teresa na  bago namatay ay nag-iwan ng 610 missions sa 123 countries. Tinutulungan niya ang mga mahihirap, inaaruga ang mga may sakit, at nagpatayo ng mga orphanage at schools.  Hindi nakapagtatakang binansagan siyang one of the greatest persons in century. Take note, hindi decade kundi century. Astig.

·        Ang astig ay si Levi Celerio na makapagpatugtog  ng humigit 2000 na  magandang musika gamit lang ang dahon . Sabi ng guiness book of records, the only leaf player in the world is in the Philippines. Astig!

Masyado atang antigo ang mga binanggit ko, dun tayo sa medyo bagu-bago.

·        Ang astig ay si Manny Pacquiao, na hindi nakapagtapos ng high school at nilalait ang kanyang ingles pero pinairal ang pagiging edukado at hindi pinatulan ang pambabastos ni Mayweather sa internet.

·        Ang astig ay ang napabalitang binatilyo na tinulungan ang mga kapitbahay na maka-evacuate sa safety na lugar kahit masyadong mapanganib. Gaano kapanganib? Buhay niya ang naging kabayaran  kapalit sa maraming buhay na kanyang nailigtas sa bagyong Ondoy.

·        Ang astig ay ang ating mga board passer na nurses na nagpasyang manatili at maglingkod dito sa ating bansa sa kabila ng malaking kaibahan sa sweldong  dolyar at peso.

·        Ang astig ay ang mga may-asawa na nasa ibayong sulok ng mundo na patuloy nilabanan ang temptation  alang-alang sa sakramento ng kasal at pagtupad sa binitawang salita sa altar.

·        Ang astig ay mga pagod na tatay pero nagtratrabaho parin at hindi pinalampas ang overtime dahil may babayaran na tuition at para may  pambili ng gatas ni bunso.

·        Ang astig ay ang mga sundalong nasa bakbakan at ibinuwis ang buhay habang ang kanilang sir  general ay nasa komportable at  malamig na opisina kinukorakot ang pondo.

·        Ang astig ay ang trapik officer na piniling maulanan at mainitan maging maayos lang ang daloy ng trapiko.

·        Ang astig ay ang mga nanay na nagdala-dala sa atin ng 9 months sa loob ng tiyan, bumabangon ng hating –gabi para magtimpla ng gatas, nagturo sa atin paano magclose-open at  maglakad, at hindi naubusan ng payo dahil sa kanyang sobrang pagmamahal . Pero ngayon sinasagot mo lang dahil laging nakikialam sa tuwing ikaw ay may lakad.
·        Ang astig ay ang mga OFW na tiniis ang homesick, binalewala ang mga pangmamaltrato at mura ng amo, at  patuloy nakibaka sa hirap ng buhay abroad, may maipadala lang sa Pinas.

·        Ang astig ay ang mga matiyagang titser na umaakyat sa bundok lunes hanggang biyernes   para magampanan ang napiling propesyon.

·        Ang astig ay ang mga naglilingkod sa gobyerno ng tapat at hindi nagpalamon sa bulok na sistema.

Ikaw, ano ba sa ‘yo ang pagiging astig?
Magpaahit sa kilay kagaya kay Victor Neri sa ex-con? Magpa-tattoo ng abstract sa bisig, agila sa dibdib at ahas sa braso? Gayahin ang gupit ni apl ng black-eyed peas? Lagyan ng hikaw ang ilong, kilay at dila? Ipa-dreadlock ang buhok? Gawing idol si Justin Bieber? Hindi na mag-aral at maglaro nalang ng internet games para maipagmayabang na astig dahil ganito na ang character mo? Mambugbog ng asawa? Magpaiyak ng mga babae?Ubusin ang pera sa alak? Magpa-picture hawak ang bote ng alak at sigarilyo? Hithitin ang sigarilyo, tumingala  at dahan-dahang ibuga pataas ang usok? Mag-planking? Kulayan ang buhok? Mag-manicure ng kulay itim? Mag-shades kahit tag-ulan? O di kaya mag-adik adik nalang?

Sige na nga, wag kana magalit. Sabi nga nila, walang pakialaman. Kanya-kanyang trip. Kaya, go lang ng go. Sige lang ng sige. Hindi naman masama yun bukod nalang sa pag-adik adik at pambugbog ng asawa. Pero tandaan: iba ang kagagohan at katarantadohan sa pagiging astig. Ulitin ko, wala sa panlabas na kaanyuan ang pagiging astig. Hindi ito pinapakita kundi ginagawa.


Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Glossophobia

Ang pinakaayaw kong araw sa pitong araw ng linggo ay ang Miyerkules. Bakit? Dahil sa aming weekly meeting.

Bukod sa mga magagandang babae, isa pang kahinaan ko ay ang magsalita sa harap ng maraming tao. O kahit hindi masyadong marami. Basta lampas lima. Nanginginig na ang aking tuhod at kamay. Ang hirap ibuka ng bibig. Bumabaluktot ang aking dila. Utal-utal ang tono ng boses na kung pakinggan ay pataas-pababa.
Nakaka-tense isipin na ang mga umiikot na mundo nila ay titigil dahil lang sa akin. Ang kanilang mga mata ay nakabantay sa reaksiyon ng aking mukha. Ang tenga naman ay nakatuon sa mga kung ano ang lumalabas ng aking bibig na parang nakikinig lang ng drama sa transistor radio. Minsan sa kalagitnaan ng aking “reporting”, bigla kong mapaisip: tama ba ang grammar ko? naitindihan kaya ng mga chikwa ang mga ingles ko? hindi kaya ito masyadong malalim O sadyang tanging ako lang ang nakakaintindi sa aking ingles?
Ako lang kasi ang pinoy sa team namin.

Ang boss ko naman ay parang abogadong nakikinig. Naghahanap ng gusot sa aking report. At kapag may nakita, batuhin ako ng mga tanong. Patay na. Sira ang preparasyon ko. Maisip ko ang lahat ng pwedeng isipin. Hinuhugot ko lahat ng ideyang nakatago may maisagot lang. Ang matindi pa, ang sagot ko ay tatanungin naman uli. Mag-generate siya ng tanong sa sagot ko. Walang katapusang tanungan. Makamot ang kahit hindi makati. Minsan, para matapos na ang kalbaryo, tatapusin ko nalang ng ,”I don’t know, sir”.
Litsugas! Ang sarap tumigil at itago nalang ang ulo sa ilalim ng mesa hanggang sila ay mag-alisan at maglaho.

Pera lang naman ang pinunta ko dito. Ang pinakaayaw ko sa school dati na “reporting” ay maranasan ko ulit ngayon. Hindi ko naisip ito pala ay parte sa aking maging trabaho. Kung alam ko lang nung una, binagsak ko nalang sana ang interview. Tandang-tanda ko pa ang buong pangyayari sa interview. Makita ko pa sa isip hanggang sa ngayon ang nangingilid na luha sa mata ng aking boss pagkatapos ko siyang sagutin sa interview question niyang: What is the most difficult moment in your life and you are able to overcome it?


Balik tanaw. Una kong nagsalita sa harap ng maraming tao noong ako ay makatapos sa Day Care. Kahit 18 years na ang nakalipas, matatandaan ko parin ang linya sa mga sinabi ko.

My name is.....
I live in....
When I grow up I want to be a doctor
.

Linawin ko lang, hindi ko gusto ang maging doctor. Sinunod ko lang ang sabi ni titser sa takot na hindi ako maka-graduate kapag ang sabihin ko ay when I grow up I want to be an OFW.

Naranasan ko naring magbigay ng welcome address (speech). Kahit menimorize ko lang yun pero iba parin ang dating. Dun ko unang naranasan ang kamandag sa tinatawag nilang Glossophobia or fear of public speaking. Graduation namin sa Grade six nun. Ako ang nakatuka para sa welcome address. Ibinigay sa akin ni Mam ang papel na gusto kong isipin na ang laman nun ay listahan sa problema ng mundo. Si mam ang nagsulat para sa mga sasabihin ko. Bale ang sa akin nun ang pag-deliver nalang ng message sa harap ng mga magulang, sa harap ng aking mga classmates, sa aking mga schoolmates, sa mga kagalang-galang na bwesitang pulitiko, sa mga panauhing guro, sa mga nakinood lang at higit sa lahat sa harap ng aking crush. Seyempre grade six at bilang normal na nagbibinata makaramdam na ng pag-ibig ng tuta(puppy love).

Panghuli, unforgettable at privileged para sa akin ang maging isa sa tanging dalawang estudyanteng makaakyat sa stage at makahawak ng mikropono. Inatasan nila akong mag-lead sa alumni pledge nang gumradweyt ako sa STI. Pero seyempre, nagdahilan muna ako ng limpak-limpak para tumanggi pero wala akong nagawa. Teacher is always right ika nga.

Leading alumni pledge? Napakadali lang naman nyan. Malamang yan ang 
unang reaksiyon mo. Pero para sa akin, para akong inatasan nilang pumatay ng baka gamit ang karayom. Hindi madali. Alam kong ibang level na yung mga anduon. Ramdam ko ang layo sa agwat ng status ko sa buhay kompara sa aking mga schoolmates at classmates. Sa bawat pagpasok ko sa school ay lalo lang akong namulat sa katotohanang ganito LANG ako.
Nangingibabaw ang pinagkaiba mula sa sout na damit hanggang sa gadgets. Makintab na leather shoes, plantsadong polo barong at pantalon-yan ang mga porma nila. Estudyanteng-estudyante.
Ako? Puting polo shirt na hindi na puti, kupas na maong na pantalon. At rubber shoes na anytime pwedeng bumigay. Kung wala lang akong ID parang hindi ako estudyante.
Habang sila ay tuwang-tuwa sa panonood ng mga video sa cellphone at ang iba ay abala sa paghahanap ng wifi signals, ako naman ay taimtim na pinupokpok ang N6610 na cellphone para lang mag-on.

Ang haba na ng sinabi ko. Pero simple lang naman ang nais kong iparating. Ako'y walang-wala. Sila ay may kaya sa buhay. “Sosyal” kung tawagin nila. Hindi ako sanay makihalo sa ganung mundo. 


Araw ng graduation. Moment of glory para sa iba pero ako, kalbaryo. Kailangan ba talagang mangyari 'to sa buhay ko? Sinipa ko ang unang baitang sa stage. Pampatanggal daw yun ng nervous sabi ni Papa. Pero wala namang nagbago. Habang ako'y nasa stage at hawak ang microphone, lumipad ang isip ko......Masabi ko kaya ng maayos ang bawat salita? Mapatunayan ko kaya sa kanila na may maibuga kaming mga bisaya? Kaya ko kaya ang magsalita na consistent ang volume ng boses? Maka-pause kaya ako sa dapat mag-pause kapag kinakain na ako ng takot at kaba? Paano ko ba ma-minimize ang ang panginginig ng kamay kapag inaangat ko na? Mabigyan ko kaya ng hustisya ang tinuturo ni Sir na articulation at pronunciation? Ano nga ba ang gusto niya ipaintindi sa salitang crispness of words?
Bahala na!


May sitwasyon na kailangan nating pumili. Kadalasan pinili natin yun hindi dahil ginusto natin o dahil madali. Ano nga ba ang laging dahilan? Pinili dahil wala ng iba pang mas maganda-gandang choices. Parang trabaho ko.



Linggo, Agosto 28, 2011

Ang Matanda

Mas masarap kung habang nagbabasa, may iniinom. Binubusog ang gutom na utak, dinidiligan naman ang nanunuyong lalamunan. Para narin matanggal ang umay at amoy sa ulam ko kaninang baboy. Ayos, marami akong equay-equay. Panghulog ‘to sa vendow machine. Siya nga pala para sa hindi alam, dito sa Taiwan ang e-quay nila ay katumbas sa atin sa piso. Ang hitsura ay kahalintulad ay biyente singko sentimo. 

May isang lalaki nakaupo malapit  sa vendow machine. Mukhang may edad na. Ang magpapatunay nito ang ang mga puting buhok at panot na noo. Nasa 50 plus seguro ang edad. Nakaupo siya mag-isa. Kapansin-pansin ang nasa malayo ang tingin. Tantsa ko tagos hanggang jupiter sa sobrang layo. Mukhang may problema.
Malaking problema? Seguro.
Sa lalim ng kanyang iniisip, hindi nga niya napansin ang aking paglapit.
Dahil drinks lang naman ang sadya ko, hindi ko siya pinagtuunang pansin. Hindi naman ako tipong taong may pagka-politiko. Yung palangiti at laging namamansin.

Isa-isa kong hinulog ang 1 NT sa coin slot. Bawat bagsak ng barya, gumagawa ng tunog. Dahilan para mapansin niya ako.

“Dito, ang 1 NT ay parang 25 cents sa Pinas. Sa atin, wala ng silbi ang biyente singko”, sabi niya.
“Oo nga”, sagot ko na may halong pilit na ngiti.

Katulad sa biyente singko, napakawalang kwenta ng sagot ko. Wala na akong maidugtong. Wala na akong masabi. Natigilan ako. Nag-isip. Ang kasalukuyang umikot-ikot sa aking utak ay ang naiwang libro. Gusto ko yung tapusin.

Wala na talaga akong maisip. Pumili nalang ako ng mainom at pinindut ang button. Nalaglag ang kulay dilaw na can. Sulat chinese kaya hindi ko alam ang brand. Pero may maliit na sulat na naka-alphabet: nata de coco with pineapple juice. Dinampot ko at umalis nalang ng ganun.

Bumalik ako sa kwarto. Umakyat sa bed. Umupo at binuksan ang can. Ininom(masarap naman). Kinuha ang nakalapag na libro pero hindi ko tinuloy ang pagbasa. Naisip ko ang matanda.

“I miss an opportunities in life”, nasabi ko sa sarili.

Oo, opportunities.
Una, opportunity na matuto. Sang-ayon ka man o salungat pero ang tao ay isang siksik sa kaalaman at aral na libro. Libre pa at hindi na kailangang pumunta sa bookstores. Lalo na ang mga matatanda. Ika nga, sila ang reservoir of knowledge. Sa layo ng agwat ng edad namin, marahil marami akong matutunang aral sa buhay galing sa kanya. Anyway, ang libro ko ay dito lang naman lagi. Pwede ko basahin anytime. Sana umupo nalang ako dun at nakipagkwentuhan. Malay mo, may anak pala yung dalaga at kasing edad ko. Ang anak pala niya ang matagal ko  ng babaeng hinahanap. Sayang!

Pangalawa, opportunity na makipagkaibigan. Mas astig kaibiganin ang mga matatanda. Mas kwela sila at mas malupit. Palibhasa sila ang mga beterano sa kalokohan.

Pangatlo at panghuli, opportunity na makatulong. Naniwala ako na ang pinakamisyon natin dito sa mundo ay ang tumulong sa kapwa. Maraming klaseng tulong ang pwedeng  gawin. Hindi dahilan kung may pera man o wala. Hindi natin alam, kailangan pala niya ng moral support, comforter, masumbungan o kahit makausap man lang. Meron pala siyang mabigat na problemang pinapasan. Malamang tama ang hinala ko dahil sa reaksiyon ng kanyang mukha. Tapik lang pala ng balikat ang makapagpigil sa kanya para mag-suicide.

Sana hindi na yun maulit.


Huwebes, Agosto 25, 2011

Misyon Stetment

Ang buhay ko ay hindi umiikot o nakadepende sa isang tao o kahit kanino. May darating man o aalis. May madagdag man o mabawas. May dumaan man o may magpasyang manatili, ang mga pinaplano ko ay buo at matatag. Seguro makaramdam man ng yanig pero hindi aabot ng pagkaguho.
Walang sinumang basta bumago sa mga pinaniwalaan ko. Hindi ko hahayaang mag-iba ang direksiyon dahil sa mga iilan. Kahit pa...madagdagan ang kulay ng bahaghari. Magbago ang hugis ng buwan. Maging tatsulok ang araw. O di kaya magbago ang posisyon ng aking mga bituin at maging hindi maganda ang takbo ng aking kapalaran ayon sa horoscope ni Madam Lukring.
Nakalatag na ang aking mga gagawin. Ito’y tuwid at tuloy-tuloy kong tatahakin. Gawin ko ito para sa aking sarili. Pero hindi ibig sabihin nun na ako ay makasarili. Dahil ang kasiyahan ko ang makita ang iba na nakangiti. Gusto ko silang maaliw, mapangiti at sana...sana ma-inspired din. Mission ko sa buhay ang tumulong sa kapwa. Ito ang napag-isip isip ko: Ginawa ako ng Diyos para tumulong sa ibang tao at naniwala ako na ganito din ang dahilan sa lahat. Totoo, hinangad ko ang para ikasiya sa sarili pero nabuhay naman ako para sa iba. Para sa aking mga magulang, para sa aking mga kapatid, sa aking mga pamangkin. Sa aking maging asawa at mga anak. Sa aking mga kamag-anak. Sa mga nakasalamuha ko araw-araw. Sa aking mga kaibigan at sa mga hindi ko kakilala. 

Ito ang mission ko. Ito ang buhay ko. Gusto ko ‘to. Naniwala ako ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ay humihinga pa ako.
Sana sa huling buga ng aking buhay may karapatan akong sabihin ang katagang ito: “Lord, mission is completed”.

Linggo, Agosto 14, 2011

Gloomy Sunday

Ganito ang ayaw ko sa buhay yun bang walang magawa. Hindi kasi ako sanay at ayaw kong sanayin ang sarili. Mahirap ang magtrabaho pero mas mahirap ang walang trabaho. Ang bagal umikot ng orasan. 

Nakakatamad. Nakakabagot hintayin matapos ang araw. 
Linggo ngayon kaya day-off ko. 
Nais akong gumala pero wala akong pera. No choice kundi magmuni-muni sa kwarto. 
Gusto kong matulog pero hindi ako inaantok. Sumasakit na ang likod ko sa kakahiga. 
Nasa tabi ko lang ang cellphone ko. Kanina ko pa to tinititigan. Kapansinpansin ang depektibo nitong itsura. Dati sliding ‘to pero ngayon hindi na. Nilagyan ko ng tape para hindi na ma-slide down and up. 
Kahit mukhang naaksidente at naka-bandage, ayos lang. Hindi na mawala-wala ang display. 
Anyway, makatext parin naman ako at makatawag. Yun ang importante. 
Wala namang namumugot ng ulo kung pangit ang cellphone. At buti nalang wala. Wala akong pamalit. Seguradong putol ulo ko.
Ang tainga ko ay nakahanda kung sakaling tumunog. Isang linggo na atang hindi ko narinig ang aking incoming call at message alert tone. 
Wala man lang nakaalala. 
Dinamput ko. Tiningnan ang mga nasa phonebook. May napili akong isa. Pinadalhan ko ng walang kwentang text joke pero hindi na-send. 
Litsugas na buhay! 
Wala pala akong load.
 
Ano kaya gagawin ko para malibang? 

Ang baon kong dalawang libro dito sa Taiwan ay paulit-ulit ko ng binasa. At ayaw ko ng basahin ulit. 
Wala akong balak i-memorize yun. 

Tapos ko na ring basahin ang apat na issue ng LIWAYWAY magazine at tatlong issue ng FREE PRESS. Ang mga magazine na iyon ay illegal kung hiniram sa TV room. Pakalat-kalat kasi dun kaya dinala ko sa aking bed. 
Wala na talagang mapagtiyagaang basahin. 

Batung-bato na ako. Tiningnan ko ang aking relo. Parang hindi umuusog ang oras. 

May naalala ako. 
May kunting talento pala ako sa pagdo-drawing. Libangin ko nalang ang sarili ko sa paguguhit. Napili kong kopyahin ang mukha ng babae sa LIWAYWAY magazine. Tamang-tama ang aking modelo. Maganda. Medyo hawig sa ex ko. 

Tantsa ko 15 minutes ata ang inabot ng guhit-bura-guhit-bura-guhit bago matapos ang aking obra maestra. Pero bigo ako. Ang layo sa orihinal. Ang magandang babae(na hawig sa ex ko) ay naging pangit na bading. 
Pinunit ko nalang ang papel. Binuo na parang bola saka ini-shoot sa basurahan
Ang talent pala ay para itong tanim. Kailangan mo diligan araw-araw. Alagaan. Matagal-tagal narin akong hindi nagdrowing-drawing. Kaya inabot na ng pagkalanta hanggang sa pagkamatay. Tuluyan ng naglaho ang aking katiting na talento.

Napakalamig ngayon kahit tanghali. Damang-dama ko ang winter. Kung tutuusin nakakumot na ako pero ramdam ko parin ang lamig. Nanuotsuot sa buto. Para akong may yelo sa ulo at naka-froozen ang backbone ko. Ang ginawww...

Hindi ko alam kung anong pwersya ang tumulak sa akin. Napansin ko nalang nakadungaw na pala ako sa bintana mula sa third floor ng aming dormitoryo. Mahamog ang paligid. 
Hindi ko makita ang langit sa kapal ng fog. 
Nangingibabaw ang ingay ng makina mula sa kompanyang katabi lang namin. Dinig na dinig ko. Iba ang ingay. Parang may nais iparating. Kakaiba.

Umaambon pa. Dahilan para lalong lumamig ang paligid.Malakas din ang hangin. Malamig na hangin. Halos walang tigil ang pagalaw sa nangingilang dahon ng puno. Ang ingay ng makina at ingay ng ihip ng hangin ay nagdadala ng mensahe. Pilit kong inintindi pero hindi ko maarok. Ewan ko kung guniguni ko lang pero may bumubulong. Lalong nakakalungkot pakinggan. Naguguluhan ako. 

Sumagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Sila Mama at Papa. Ang mga expectations nila sa akin. Ang mga pangarap ko na parang imposeble. Ang dahilan kung bakit ako andito. Gusto kong isumpa ang kahirapang nagpahirap sa akin simula’t simula pa. Kung ito pa ay may buhay, matagal ko ng pinatay. Sasakalin sa leeg para unti-unting malagutan ng hininga. Sa ganun, maramdaman din niya ang mga pinagdaanan ko. Tapos, hihiwain ng pino at susunugin. Ang abo ay ibaon sa lupa para mabaon narin sa limot at hindi na manggulo sa mga sumusunod pang henerasyon ko. Buwiset na kahirapan!

Tiningnan ko ang ibaba. Mataas-taas din to. Kung malaglag ako dito, tiyak na kabaong ang sunod na higaan ko.
Naisip ko ang aking mga pinagdaanang hirap at inaalalang hinaharap...ano kaya ang maging buhay ko sa dalawang taon ko dito sa Taiwan? Kailan kaya ako magka-OT? Sana mabayaran ko na ang utang ko sa placement fee. 

“What a gloomy Sunday!” 

Nagulat ako sa nasabi ko. Ganito din ang sinabi ni Rezso Seress bago niya ma-compose ang kontrobersyal na “gloomy Sunday” na tinuturing na suicide song. Ayon sa kwento, 30 minutes lang ang ginugol ni Seress para mabuo ang kanta sa pamamagitan ng pagsulat sa lyrics nito sa lumang post card. 

Sulat...pagsusulat! 
Tama. Magsusulat ako para malibang. 

Bumalik ako sa bed at kumuha ng bolpen at papel. 
Nilagyan ang tasa ng mainit na tubig saka niloblob ang tsaa. 
Kung ang iniisip mo ay suicide note ang gagawin at isusulat ko, nagkakamali ka. 
Napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. 

Gusto mo bang malaman ang sinusulat ko? Gusto mo bang mabasa kung ano kaya ito? 
Basahin mo ulit mula sa umpisa ang binasa mo na.

Sabado, Agosto 13, 2011

Health Tips By: Dioscoro Kudor,M.D,Ph.D,Ed.D


Epektibo at simpleng paraan para sa mga magulo ang pag-iisip. Sa mga hindi makapagdesisyon ng maayos. At sa mga workacholic na nakaramdam ng sobrang stress.

Gamit ang hintuturo, pasukin ang butas ng ilong. Ikot-ikutin ang daliri. Dapat isang direction lang. Clockwise movement at bawal ang counterclockwise.
Ituloy-tuloy lang ang pag-ikot.
Ikot-ikutin mo pa. Ang mga mata nama’y nakapikit na parang tumulay lang sa bahaghari.
Namnamin ang bawat ikot. Sige lang ng sige.
Ok lang kung medyo basabasa ang makapa. Pero mas ideal ang matigas-tigas.
Ang sunod gawin ay hugutin ang hintuturo at dilaan upang malaman ang lasa sa malagkit na bagay na sumama nito. Importanteng-importante na alam mo kung ito ba ay maalat o mapait. Kasi kung maalat, wala namang ibig sabihin nun. At  kung mapait naman, katulad sa nauna, wala din ibig sabihin.

Pagkatapos, ang iyong nakuhang bagay ay i-shape na parang bola. Bola ng basketball.
Ayusin ang pagbuo. Dapat bilog na bilog.
Pagkatapos sa kanang butas ng ilong, sa kaliwang butas naman.
Gawin kung ano ang ginawa sa kanan.
Ulit-ulitin ang ganitong proseso hanggang sa lumuwag ang pakiramdam, makahinga ng maayos at lumiwanag ang pag-iisip.
Ayon sa masusing imbestigasyon at base narin sa mga daan-daang laboratory test, napatunayan ng mga seyentipiko at dalubhasa sa medisina na kung mas malaki ang bilog na iyong mabuo nangangahulugan itong mas malaki din ang porsyento na mabawas sa naramdamang stress..

Bottom line, bumuo ka ng malaki at bilog na bilog na kulangot.



The Author:
Si Dioscoro Kudor ay ang katangi-tanging tao na nakapagbibigay na maliwang na paliwanag kung bakit tinatakpan ng pusa ang kanilang tae. Sa ngayon, abala siya sa kaniyang major project: ang pagcross-breed sa langgam at elepante.

Biyernes, Agosto 5, 2011

Padi's Point (Taiwan)


Wala sa bokabularyo ko at ni minsan hindi ko pinangarap pumunta sa ganitong lugar. Natagpuan ko nalang ang sarili sa loob ng isang building. Madilim ang loob kahit tanghali. Patay-sindi ang mga ilaw na may iba’t-ibang kulay. May pula, orange, yellow at green.
Napakalakas ang sound. Nakakabingi.
Kapansin-pansin din ang itim na pintura sa loob. Itim ang dingding. Itim ang kisame. Pati mesa itim din.
Halo-halo ang mga tao sa loob. Kanya-kanyang trip. May gumigiling. May parang puno lang ng saging na hinangin. At meron ding walang pakialam sa mundo at patuloy na nilunod ang sarili sa beer.

Sa bandang sulok pinili umupo ng grupo namin. Marami kami:babae at lalaki. Inabutan ako ng mainom na naka-can. Dahil madilim, kailangan ko pang iangat ang can para makita ang sulat. Binasa ko. Carlsberg ang tatak.
“Wag muna tingnan. Inumin mo nalang yan. Beer yan”, patawang sabi ng kasama ko.
Sinegurado ko lang na hindi lason.
Mahirap na. Iniikot-ikot ko ang can baka may drawing bungo at ekis. Buti wala naman.

Dahil sa pamimilit ng barkada, sumama ako sa kanila papuntang dance floor. Disco ba kumbaga.
Pero hindi yun ang totoong dahilan. Gusto ko lang makita ng malapitan ang maganda at sexy na kanina pa gumugiling habang hawak ang pool. Linawin ko lang: ang paglapit ko ay walang halong kamanyakan. Gusto ko lang i-confirm. Minsan kasi madaya ang mata. Maganda lang sa malayo pero hindi naman pala sa malapitan.

Ang daming tao sa dance floor. Siksikan. Nagkabanggaan na ng puwet. Pero walang malisya. Walang pakialaman. Kahit anong steps ang mabuo. Yung iba may potential bilang dancer. Meron ding parang buntot lang ng butiki na naputol. Pero karamihan ay hindi mo maitindihan kung sumasayaw nga ba. Sad to say, isa ako sa kanila. Para lang ipaalam sa mga anduon na ako ay tao hindi poste, sinasabayan ko ang maingay na music sa pamamagitan ng pag-angat ng aking mga paa. Alternate yun. Left and right. Para naman bumagay, ginagalaw ko  ng bahagya ang aking balikat. Yan ang step ko. Paulit-ulit. Sayaw pangkonsehal. Na-imagine mo ba paano ako sumayaw?

Nang ma-realize ko na para lang pala akong nang-aapak ng mga gumagapang na ipis sa sahig, nagpasya akong umupo nalang at iwan ang barakada. Kahit pa hindi natuloy ang plano ko. Ang plano na makipagkilala sa babaeng nasa aking likuran. Nabuo ang aking interes na parang kulangot sa loob lang ng ilang segundo. Kanina pa kasi napansin kong kinikiskis ang puwet niya sa akin. Buti na nga lang aircon ang loob. Kung hindi pa, umaapoy na kaming dalawa dahil sa friction.
Bago ako umalis, sinulyapan ko muli ang babaeng nasa pool. Maganda nga, talaga, malayo man o malapit. Mas maganda pa kaysa nasa likuran ko. At mas sexy din. Yun nga lang. Mahirap sabihin. Nasa isip ko ang mabangong sampaguita na nalaglag sa putik. Sayang!

Pagbalik ko sa upuan, andun pa ang aking beer. Inalog ko. Mabigat pa. Marami pa ang laman. Hindi man lang ako nangalahati.
Biglang may naisip akong kakaiba. Para mas cool ang eksena, nagsindi ako ng yosi. Ganitong-ganito ang mga napanood ko sa mga action films na  gawang pinoy. Nag-iisa sa table at kunwari galit sa mundo. Naka-jacket. Beer sa kanang kamay, umuusok na yosi naman sa kaliwa. Bagay na bagay. Astig!

Ewan ko hindi naman safeguard ang gamit ko pero dinig kong kinausap ako ng aking konsensya. Sinigawan pa.
“Ano ang ginagawa mo dyan, gago?”
Para akong nalaglag sa puno at biglang bumalik ang aking ulirat. Inikot-ikot ko ang aking ulo. Sinusuri ang paligid. Ano nga ba ang ginagawa ko dito?
Hindi ako umiinom. Hindi din nanigarilyo. At lalong hindi sumasayaw.
Disco house? Inuman!
Mahalintulad ako sa baboy-ramo na napadpad sa siyudad. Hindi ito ang mundong nais kong galawan. Masaya na ako sa masukal kong daigdig.
Pagdo-drawing, computer, pagbabasa ng libro, kuntento at masaya na ‘ko. Ayaw ko dito. Hindi ko kailangang makiuso. Hindi ko kailangang magpatangay sa alon na tinatawag nilang modernesasyon. Gawin ko kung ano ang para sa akin ay tama. Hindi bale sabihin nila na ako’y iba o kakaiba. Sapat ng dahilan na tanggap ko ang sarili para ipakita ang tunay na sarili. Gusto ko ang sinabi ng isang preacher, “I may not stand tall in the crowd but I will stand out.”

Hindi ko hinihithit ang segarilyo. Nilagay ko sa bunganga ng beer na hindi ko naubos. Maya-maya dumating ang babaeng isa sa mga kasama ko. Sabi niya, “bakit hindi mo hinithit yan?”
“Hindi kasi ako nanigarilyo. Nilalamok lang ako kaya ginagawa kong katol ang yosi mo”, reply ko sa kanya.

Tumawa nalang siya sabay batok sa akin.
“Gago ka talaga!”