Biyernes, Pebrero 17, 2012

Maboteng Usapan


Trip ko ngayon ang “maboteng” usapan. Kaya halina’t umupo para simulan ko ng itagay ang walang kwentang kwento para sa makabuluhang kwentuhan.

Pre, tagay na!

Alak. Kapag yan ang ating marinig, agad nating maikabit ang salitang inuman, tagayan, pulutan. Syempre kapag may inuman, kalasingan ang kasunod at pwede pang masundan ng away. O kung ano-ano pang hindi magandang mangyari.
Marami na ang nalulong sa besyong ito. Ewan ko kung anong meron nito para hanap-hanapin ng mga nakararami. Mga iilang pamilya narin ang nasira. May pangarap narin ang gumuho. May iba’t ibang storya narin ang aking naririnig na may nagbuntis ng wala sa oras dahil nalasing at pinagsamantalahan.

Sa mga nabanggit ko sa itaas, pwede kung tumalon sa conclusion na ang alak ay halos walang magandang maidulot. Pero nakakatuwang isipin na si Kristo, diyos ng kabutihan ay umiinom din. Gumawa pa nga siya ng himala at ang tubig ay naging alak. Interesante ding matawag na ang alak ay nag-exist bago pa isinilang si Kristo sa mundo. Mababasa din sa bibliya na si Noe or Noah ay nalasing. Sa kanta sa simbahan may linya na, “at alak na nagmula sa isang tangkay ng ubas, inuming nagbibigay lakas.”
Totoo ngang malayo-layo narin ang narating ng alak at malawak na ang impluwensya nito. Sino man ay pwedeng maging lasinggero/lasinggera.

Paabot nga ng baso na may yelo...

Dati, dala sa impluwensya ng barkada, sinubukan kong uminom. Sabi nga nila, there’s no harm in trying.
Sa una kong tikim mapait. Pero pinilit ko ang aking lalamunan para padaluyin ang likidong nagpaikot sa buong mundo. Pakikisama daw itong ginagawa ko. Kasiyahan kasama ang barkada. Bonding.
Sa pangalawang lagok, parang tolerable na ang lasa. Hindi ko na masyadong ramdam ang pait. Naging tuloy-tuloy ang pagtungga. Napansin ko nalang sa mesa, tatlong maliit na bote ng redhorse ang aking napataob. Hindi ako nalasing. Pero aminin kong hindi ako ok. Natamaan ako ng kunti.
Nasundan pa yun ng pangalawang pagkakataon. Inuman sesyon kasama na naman ang barkada. Anim na bote ang aking napatumba ko. Na-break ko ang una kong record na tatlo. Yun, kalasingan ang aking kinahantungan.
Pakiramdam ko ang bigat ng aking katawan. Ang hirap lumakad ng deretso. Gusto kong matulog pero ang hirap makatulog. Habang ako’y nakahiga, pakiramdam ko’y umikot at bumaliktad ang mundo kasabay sa pagbaliktad ng aking sikmura. Suka ako ng suka. Ang pinakaayaw ko pa naman ay ang sumuka. Ayaw na ayaw ko ang lasa ng likido galing sa aking tiyan. Ang asim.

Inumin muna yan. Nilalangaw na.

Kinabukasan, ang sakit ng ulo ko. Hangover.  Hindi lang ako literal na nagising mula sa pagkatulog. Nagising din ako sa katutuhanang naghila sa akin mula sa bangungot na paniniwala. Dun ko napag-isip isip ang mga bagay na aking nagawa o naging desisyon. Hindi totoo ang there’s no harm in trying because not all things are harmless. Some are harmful. Tama si Lolo. Sabi niya, ang pinakamabisang depensa ay ang pag-iwas.

Masisisi ko ba ang barkada dahil inimpluwensyahan ako kaya tuloy ako’y nalasing? Palagay ko hindi. Oo nga, andun na tayo sa pinilit nila ako para uminom pero nasa akin parin ang huling desisyon. Ika nga nasa akin ang alas.
Bale, hindi ko man control ang sitwasyon pero control ko ang mangyari. Kung aayaw ako, wala silang magagawa. Pero nagpadala ako at nalasing.

Manang, isang bote pa nga.

Pwede itong mahalintulad sa mga nangyari sa ating buhay. Hindi natin control ang sitwasyon pero control natin ang ating desisyon. Ayon sa golden rule 20/80, biyente porsyento sa buhay natin ay binubuo ng sitwasyon. Sitwasyon ibig sabihin wala natayong magagawa. At ang natirang malaking otseyenta porsyento ay ang desisyon. Yun ang control natin. May magagawa tayo.

Kaya hindi tamang sabihin na kung ano tayo ngayon ay dahil sa kapalaran natin. Kapag sinabi nating kapalaran, ibig sabihin nun ay God’s will. Ang Diyos natin ay Diyos ng awa, Diyos ng kabutihan. Kung ganun eh syempre ayaw nya may maging criminal, maging magnanakaw at segurado din ako ayaw  niyang may mabuntis ng walang aaming tatay at resulta sa pagkaletseletse ng buhay.
Tayo ang gumagawa ng ating kapalaran.
Seguro hindi man natin ginusto ang mga nangyari pero hinayaan nating mangyari. Saying a simple word “NO” really matters a lot. It just about decision.

'Yoko ko na. Lasing na ako.

Teka lang, lumayo na tayo. Balik tayo sa alak. Palaisipan  parin para sa akin ngayon kung bakit may mga taong hindi makumpleto ang Linggo kung walang inuman. Ang daming makabuluhang bagay na pwedeng gawin kaysa pag-iinom. Kaysa mag-inuman ano kaya kung ipasyal nalang ang pamilya. Ang ibili ng alak ay ibili nalang ng pagkain para sa anak. Para naman sa mga dalaga at katulad kong binata, napakaraming paraan gumawa ng kasiyahan kaysa mag-iinuman.
Medyo nakakalito  tayo at nakakatuwa. Ayaw kumain ng ampalaya pero ang lakas uminom ng beer. Kung tutuusin mapait din. Katwiran naman sa iba, Si Kristo nga ay umiinom din. Linawin ko lang si Kristo ay hindi naglalasing.
Kung iinom man, iwasan ang malasing. Lahat ng sobra ay masama.  May nabasa akong karatula,“virgin pa ng malasing buntis na nang magising”. Nakakatuwa pero totoo. Sana maging aral to sa mga babae. 

Walang magandang maidulot ang inuman. Malasing ka at mahirap yan iwasan lalo pa kung nagkasarapan ang barkada. Suka kapa ng suka. Buwisit yan. Kinakain mo isusuka mo. Paggising mo sasakit pa ang ulo sa hang-over. At ito pa ang matindi, mawalan ka ng hiya. Ngiti ka ng ngiti, wala nman talagang nakakatuwa. Minsan nga naisip ko, hindi kaya kinikiliti lang sa espiritu ng Tanduay?
Inuman sesyon...Bonding? Pakikisama sa barkada? Pustahan pa, 2% lang sa barkada mo ang dadalaw sa ospital at ang 98% sa burol mo na.
Ang mga nag-iinom? Astig? Sila ang mga duwag na tao. Hindi kayang harapin ang masalimuot na mundo. Lunurin man ang sarili sa alak magdamag. Bukas, lulutang at lulutang parin ang problema. Useless.

Wag ka aalis. Susuka muna ako.

Para naman sa akin, pinangako ko na sa sarili na yun  na ang huling araw na ako'y malasing. Hawak ko ang buhay ko kaya hawak ko rin ang aking desisyon .Kapag sinabi kong tama na at hindi, ibig sabihin nun tama na at hindi.

Hindi ko na talaga kaya. Mga pare, uwi muna ako. Bukas naman uli.

Huwebes, Pebrero 9, 2012

Pag-ibig


February....love month.
Para mas masang-masa ang dating, gamitin natin ang term na buwan ng pag-ibig. Gawin pa nating mas baduy, buwan ng pagmamahalan. Sarap pakinggan. Pagmamahalan.
Pero masarap nga bang tikman ang tumutulong katas ng pag-ibig?
Bakit may estudyanteng piniling hindi gumawa ng assignment dahil hiniwalayan ng syota?
Lalaki naglason sa sarili.
Babae naglalasing dahil lang sa letseng LQ. Iyak ng iyak at mag-post sa facebook ng "love sucks". Nagmukmok sa kwarto at namumogto ang mga mata. Galit sa mundo at hindi maka-usap.

Marami naring pangarap ang gumuho. May mga ayaw ng mag-aral. Nawalan ng gana sa buhay. Sinuway ang magulang. Nalulong sa bisyo. Nakapatay. Nagpakamatay.
Ilang trahedya pa kaya ang ating mapanood at marinig dahil lang sa pag-ibig?

Ironically, masasabing pag-ibig na seguro ang pinakamagandang ibinigay ng Diyos sa tao. Sabi nga sa bibliya, ang Diyos ay pag-ibig. Makikita mo ito sa ginintuang butil na aanihin palang na palay. Mapapansin mo ito sa mga tumutubong bagong pananim. Maririnig mo ito sa iyak  ng bagong silang na sanggol. Ito ang buto at laman sa mga payo ni Tatay. Dahilan ng pag-aaruga ni Nanay. Tapik ng nagmamalasakit na kaibigan. Halik ng naglalambing na asawa. Yakap ng honest na girlfriend/boyfriend. Ngiti sa nakasalubong mo sa daan. Pinaramdam sa lamig ng umaga. Inaawit ng mga ibon. Sinasayaw ng mga berdeng dahon. Sinisigaw ng mga palaka.  Ipininta sa asul na kalawakan. Pinapakita ng mga ulap. Pinapahayag ng bagong sikat na araw. Dala ng ulan. Ihip ng hangin. Amoy ng bulaklak. Tamis ng honey. Agos ng ilog. Hampas ng alon. Puting buhangin. Lasa ng isda. Yan ang pag-ibig.

Ang pag-ibig ay isang malaking misteryo. Wala itong specific na depenasyon. Ayon kay Paolo Coelho sa kanyang aklat na The Alchemist, "One is loved because one is loved.” Parang ang labo noh? Dugtong pa niya, “No reason is needed for loving."
Ito pa,ang alam nating lahat na ang pag-ibig ay galing sa puso. Ito ang dahilan kung bakit puso ang sinimbolo ng pag-ibig. Pero kinontra ito ng siyensa. Walang kinalaman daw ang puso kung bakit nagmahal ang tao. Chemical reaction lang ito ng utak. Sa madaling sabi, ito'y galing sa utak at hindi sa puso. Pero ang saklap naman ata pakiggan kung sabihin kung mahal kita sabi ng utak ko. Pero na wala atang sasaklap pa kung gawing simbolo ang utak at instead puso. Teka lang, bakit nga ba ganito ang hugis ng puso?
Dahil kung tingnan at ikompara mo sa tunay, masyadong malayo ang pinag-kaiba. 
Diba? Seguro nga mesteryoso hindi lang ang pag-ibig kundi pati pa simbolo nito.

Ang pag-ibig ay parang barya. May dalawang mukha. Kasayahan at kalungkutan. Wala pa atang nakakaranas ng isa lang sa dalawa. Package kasi yun. Dalawa dapat. At wala na tayong magagawa. Sa pagmamahal kailangan masaktan dahil dun din tayo natututo.
Ang tanong, may natutunan nga ba? Sa babae tayo, ilan na bang boyfriend ang dumaan sa buhay mo at bakit biyernes santo parin lagi ang lovelife mo?
Mali ba lagi ang taong iyong minamahal? O baka naman ikaw mismo ang may mali?
Isingit ko nalang ‘to. Mga kadalasang dahilan bakit ang sarili mismo ang mali. Para to sa mga babae. Sila daw kasi ang usual na biktima. Biktima?:

1. Nalito ka lang kung ano ang pinagkaiba ng libog at pag-ibig-Biniyayaan tayo ng Diyos ng mga senses: Pandama, pang-amoy, paningin, pandinig at panlasa. Wag umaasa lagi sa paningin. Dahil minsan ang mata libog lang ang hatid nito sa utak.

2. Gusto mo lang punan ang malungkot mong buhay- Kung ang nais mo lang naman ay maging masaya, wag kang hahanap ng boyfriend para maging masaya. Kung hindi mo kayang maging masayang mag-isa, sento porsyento hindi ka rin maging masaya kapag may kapareha. Lalabas na nandamay ka lang sa iyong kalungkutan. Ang kasiyahang hinahanap mo ay nasa sarili at wala sa iba. Hindi mo kailangang sumisid sa dagat para maghanap ng alikabok. Kung may matuklap ka man galing sa iba ay panandalian kasiyahan lamang. Temporary pleasures sabi ni Nick Vujicic. Here today, gone tomorrow. Ganun lang kasimple. Pero kung trip mo ay instant kasiyahan, manood ka nalang ng Mr. Bean.

3.Kulang ka lang ng pagmamahal sa sarili- Ito ang matindi. Maraming ayaw aminin na kulang sila ng pagmamahal sa sarili. Empty love-tank daw ang tawag dun. Resulta nito ang maraming insecurities. Marahil dahil sa iyong mga nakaraang maling desisyong nagawa. O di kaya ang ugat ay ang mga ga-bagyong hirap na sumalanta sa iyong kahapon. Idagdag pa natin ang mga ga-lindol na problema na yumanig sa iyong pagkatao. Dinala ng bagyo. Nabiyak ang lupa at naglaho ang iyong pag-asa. Nawalan ka ng gana sa buhay. Bumaba ang tingin sa sarili. Kung ikut-ikotin natin ang sitwasyon, hindi naman talaga boyfriend ang kailangan mo kundi pagmamahal. Pagmamahal sa sarili. Ang gusto mo lang naman ay makarinig na may magsabi ng I love you. Uhaw ng pag-ibig ang tuyo mong kalooban. Boyfriend ang nahanap mong solusyon para ibuhos sa iyong empty love-tank. Walang pinagkaiba sa taong tanga uminom ng biogesic para gamutin ang kanyang diarrhea. May kasabihang, you cannot give what you do not have. Paano ka mamigay kung ikaw ay wala? Mahalin muna ang sarili bago maghanap ng mamahalin. Panahon na segurong patawarin ang sarili sa iyong mga nakaraang pagkakamali. Move on. Masyado kang malaki para maliitin ng problema. Ibalik ang tiwala sa sarili at mahalin.  Sabi nga, loving oneself is the foundation of loving others. Yung mga parang laging galit sa mundo, kulang lang yun ng pagmamahal sa sarili.

4.Kulang ka lang ng pagpapahalaga sa sarili-May koneksiyon to sa number 3. Ito ang dahilan kung bakit laging mali sa pagpili. Dahil kulang ka sa tinatawag nilang self-importance, hinahanap mo ito sa iba. Sagot ka lang ng sagot. Ayaw mong maging available. Takot kang mag-isa. Ayaw mo na walang mag-tetext o tatawag sa iyo. Sabi ni Bo Sanchez,"jumping one relationship to another...just like a drowning woman gasping for air." Busog ang iyong tiyan pero gutom ka sa pagkalinga. Naghanap ka ng dahilan para itapal upang magbago ang tingin sa sarili. Boyfriend ang nakita mong solusyon. Ibinigay mo ang lahat-lahat umaasang bigyan ka ng pagpapahalaga. Kapalit nito ang marinig mo na: ang ganda mo, ingat ka lagi, na-miss kita at I love you. Likas sa aming lalaki ang pagiging bolero kaya ang dali lang sabihin nito. Kung sa isda kapa, kahit paingan ka lang ng buto ng sampalok, kakagatin mo pa rin. Labo-labo na ang nangyari. Hindi mo na alam ang pinagkaiba ng tama at mali. Sa huli, hindi ka na nagmahal kundi nagpakilimos ng pag-ibig. Iba ang umiibig sa nagpakatanga. Pero hindi naman talaga boyfriend ang kailangan mo. Ang gusto mo lang naman ay may magparamdam sa iyo na may silbi kapa dito sa mundo.
Simpleng solusyon? Bigyan mo ng pagpahalaga ang sarili sa ganun malaman mo kung ano ang nakabubuti at hindi. Ang tanging naghiwalay sa totoo at hindi ay ang gawa. Marami ng babaeng naging tanga dahil sa pag-ibig. Kung gusto mong bawasan sila, wag ka ng dumagdag pa. Pahalagahan ang sarili.


Sabado, Enero 21, 2012

25 Years Old



Mga linggo na ang nakalipas mula nang mag-celebrate ako ng birthday. Mali pala. Hindi pala ako nag-celebrate. 
Ayaw kong ipagdiriwang ang araw na dahilan ng aking pagtanda. Dati komportable at proud kong sabihing 24 kung may magtanong sa aking edad. Ngayon, baka secret nalang ang sagot.

25 years old? Ang bilis ng panahon. Hindi ko man lang namalayan ang aking pagtanda. Hindi ko nakuhang makisabay sa takbo ng panahon. Pakiramdam ko parang kailan lang ako tinuli. Ma-describe ko parin hanggang sa ngayon ang sakit ng anaesthesia. Hindi totoo na parang kagat lang ng langgam. Seguro kung parang langgam man baka fire ant. Ayaw ko nga sana magpatuli kung hindi lang ako tinakot na hindi ako pwedeng mag-asawa kapag hindi yun mahiwa.

25 years old? Parang kahapon nga lang ako nag-aral sa elementarya. Na-memorize ko parin nga hanggang sa ngayon ang poem na “Signs in School” at "Ang Gatas at Itlog". 
Rinig ko parin nga hanggang sa ngayon ang maliliit at maiingay na boses namin kapag mag-recite na sa poem na “All Things Bright and Beautiful”. Na-imagine ko parin at hindi ko maiwasang mapangiti sa reaksiyon sa mukha ni Mam. Para itong pinunit kapag marinig niya ang:

Each little flower that opens,
Each little bird that sings,
He made their glowing colors,
He made their tiny wings.

Lalo na ang part na:
The purple headed mountains,
The river running by,
The sunset and the morning
That brightens up the sky.

Sabi ni Mam mali daw ang pagka-recite namin. Hindi daw dapat pababa-pataas ang tono. Ewan ko nga ba anong hiwaga meron sa stanza na yun. Dahil simula sa each little flower that opens, bigla nalang mag-iba ang tono. Seguro na carried away lang sa ganda ng mensahe ng tula.

25 years old? Parang kailan nga lang ako nangarap ng pellet gun. 
Nung bata ako, makaramdam ako ng inggit tuwing makakita ako ng bata na may hawak na ganung laruan. Yun kasi ang pinaka-uso na laruan dati. Pero hindi ako kayang bilhan ng aking mga magulang. Naitindihan ko naman ang sitwasyon. Mas importante ang kakainin kaysa laruan. Kaya nagsikap akong kumita ng sariling pera at nag-ipon para makabili. Hanggang sa maging sapat na ito para ibili. I-short cut ko nalang ang estorya, sa huli, school bag na power ranger ang nabili ko at hindi pellet gun. Mas importante daw yun sabi ni Mama. Ang pellet gun ay nanatiling pangarap nalang.

25 years old? Ito na ako. Meron bang nagbago? Ewan. 
Ito na ako...
Tuli. Hindi ko na kailangang i-memorize ang "Signs In School". Natawa nalang ako kapag maisip ko ang tulang "Ang Gatas at Itlog". At kaya ko rin i-recite ang “All Things Bright and Beautiful” sa tamang tono pero wala ng silbi. Dahil patay na si Mam. Yumao na ang mabait kong titser.
Nawala na rin sa pangarap ko ang pellet gun. Patay na ang musmos na pangarap. Higit pa nun ang gusto ko.

Milya-milya na ang layo ko ngayon mula sa lugar saan ako galing. 
Ilang milya pa kaya ang kailangan kong tahakin para makita ang matagal ko ng hinahanap?
Dahil 25 years old na ako pero ganito parin ako.













Sabado, Enero 14, 2012

Tunay na Relihiyon


Sa kabuhuan, respeto na seguro ang isa sa mga simpleng bagay dito sa mundo ang mahirap ibigay. Simple ito katulad sa bato. Kasing mura ng asin. Mahalaga parang hangin.

Ang respeto ay general term. Isa sa mga sakop nito ang respeto sa kapwa. Respeto sa kanilang pinaniniwalaan. Katulad nalang sa relihiyon.
Sa kristiyanismo tayo.  Hindi ko alam kung ilang relihiyon na ang bumubuo nito. Isa lang ang diyos, si Kristo. Pero kanya-kanya ang batayan. Iba-iba ang paraan ng pagsamba. Hindi pare-pareho ang turo. Hindi magkasundo. Sa huling nabalitaan ko, my sector na nag-claim na sila na ang “right path of salvation.”Hmmmn?

Ang bibliya ay binubuo ng 66 books. Nahahati ito sa dalawang parte:old testament and new testament. Sinusulat ito ng iba’t-ibang uri ng tao. May pastol, doctor, pari, mangingisda at hari. Sari-sari ang kwento ang napaloob. Meron ding mga awit. Puno din ito ng aral. Sa kapal nito pero isa lang ang nais iparating na mensahe, ang PAG-IBIG. Pag-ibig ng Diyos. Pagmamahalan.

Isa lang ang Bibliya pero ang daming umaangking tama. Ewan ko kung ilang dekada na ang debatehan. Hanggang ngayon hindi parin natapos-tapos. Wala paring lumabas na panalo.
Napag-isip isip ko lang: Kailangan ba talaga ang magdebate?  Kailangan ba talagang sabihin ikaw ang mali at ako ang tama? Hindi ba pwedeng pairalin ang respeto at galangin ang pinaniniwalaan sa isa’t-isa. Paano isabuhay ang pag-ibig na nasa bibliya kung respeto nga hindi mo maibigay? Fake ang pag-ibig kong walang respeto. Walang pinagkaiba ito sa icetea na walang tea. Dapat seguro malaman ng bawat isa kung ano ang pinagkaiba ng “spreading the love of God” kaysa “promoting your religion”.

Siya nga pala, Ano bang relihiyon ang tunay?


May kwento ako....

Dahil tanghali at tirik ang araw, ang apat na magsasaka ng kape ay namamahinga sa lilim ng punongkahoy. Ang tatlo ay masayang nagkukwentuhan habang ang isa na pinakamatanda sa kanila ay dumistansiya ng kunti at nakasandal sa puno.

Gaya ng typical na usapang lalaki, ang topic ng tatlo ay tungkol sa kanilang mga pinagdaanan sa buhay. May tawanan. Nagbibiruan.

Hanggang sa ang usapan ay napunta sa relihiyon. Dahil parehong magkakaiba ang relihiyon, kanya-kanya ang depensa. Lahat ay may pinanghahawakan na siya nga ang tunay na relihiyon. Bawat isa ay gustong patunayan na ang kanya ang tama at sa kanila ay mali. Sabay bitiw ng quotes galing sa bible. Sasagutin naman ng isa. Galing sa bible uli. Walang katapusang debatehan. Medyo uminit ang eksena. Nagkaroon ng tensiyon.
Nawala na ang tawanan.
Normal na sitwasyon sa isang bible debate.

“Sipo, sa tingin mo, sino ba sa amin ang may totoong relihiyon”, tinanong ng isa ang matandang nakasandal sa puno na nakikinig lang sa kanila. 

Hindi nagsalita agad si Sipo(Sipo-hindi ito yung nasa magic temple). Ngiti ang initial reaksiyon nito tapos umiiling-iling. Hinipo-hipo ang kalbong ulo at nagsalita.

“Ang mamimili ng buto kape ay matatagpuan sa lugar na iyan”. 

May tinuturo siyang lugar na may kalayuan. Ang tatlo naman ay tahimik na nakikinig. Sabay din lumingon upang tingnan ang tinuturo ng matanda.
Inagaw ni Sipo ang eksena. Kung sa pelikula pa, nasa kanya nakatutok ang camera.

Dugtong niya,”May tatlong paraan para makapunta dun. 

Una, pwede ka dumaan sa bundok na iyan. Yan ang pinaka-shortcut. Kaso, delikado akyatin dahil matarik.
Pangalawa, pwede din dito sa kanan. Medyo malapit-lapit din kung dumaan ka dito. Kaso pangit ang daan. Lubak-lubak.
Dito naman sa kaliwa, ito ang pangatlo na pwede mong daanan. Maganda ang daan dito. Ang problema nga lang napakalayo.

Nasa iyong tatlo na yun kung saan kayo gustong dumaan. Aakyat sa bundok? Dito sa kanan? O dito sa kaliwa? Pero alam niyo pagdating niyo dun, hinding-hindi magtatanong ang mamimili ng kape kung saan kayo dumaan.
Isa lang ang tanong niya, GAANO BA KAGANDA ANG IYONG BUNGA?”
                                        >the end<

Gusto ko ang sinulat ni Bob Ong sa “Ang Paboritong Libro ni Hudas”. Sabi niya, "Ang pagtatalo kung sino ang may tamang paniniwala ay parang pagtatalo ng mga garapata sa kung sino ang nagmamay-ari ng aso."

Sa tanong sa itaas na, "Ano bang relihiyon ang tunay?", simple lang ang sagot ko. Depende yun sa iyo. Kung naging mabuti kang tao ka sa relihiyon na iyan at naging mapagmahal sa kapwa, ipagpatuloy mo lang. Ang importante ang “bunga” hindi ang “daan”.




Note: Pasensiya kung may nasagasaan ako.

Sabado, Disyembre 31, 2011

PAMPASUWERTE DAW SA NEW YEAR

Mag-New Year na naman. I am sure abala ngayon ang mga tao sa paghahanda ng pampasuwerte.
Anong handa mo? Sa dalawampu’t isang taon kong pananalagi sa mundong ibabaw, ito ang mga napansin kong kaugaliang pampaswerte daw para sa bagong taon. 

1.   Wag magpagupit ng buhok kung bagong taon. Mapuputol daw kasi ang swerte ng tao. Iwan ko lang kung sino ang addict ang nagpauso nito. 
2.   Maghanda ng labindalawang uri ng bilog na prutas. Pero may narinig akong dapat daw labintatlo. Kung ilan ang totoo, ewan.
Pero hindi biro ang kaugaliang ito. Ang hirap kayang maghanap ng labindalawang uri ng prutas lalo pa’t bilog. Kaya kung wala kana talagang mahanap, isama mo nalang ang repolyo at kalabasa. Isipin mo nalang prutas yan!
3.   Maghagis ng barya sa loob ng kuwarto pagsapit ng bagong taon. Kontra ako sa ganitong gawain. Sabi ng nanay ko buwisit ang magtapon ng pera.
4.   Ang isuot na kulay ng damit kapag new year ay dapat naaayon sa taon kung kailan ka ipinanganak. Halimbawa kung ipinanganak ka sa year of the chicken este rooster, dapat kulay pula o puti ang isuot para hindi malasin. Kung wala kang ganyang kulay na damit, dapat bumili ka. Kung wala ka namang perang pambili, mangutang ka muna ng 5-6 sa Bombay. Ayos lang kung makautang-utang basta lang swertehin.
5.   Huwag maghanda ng manok sa bagong taon. Ang manok daw kasi malas. Kakha-tuka.
Ewan ko anong koneksyon dun. Seguro kung bukod sa kainin ay gawin mong idol ang manok, malas nga.
6.   Magpaputok pagsapit ng alas dose para pantaboy ng malas. Kaya kung may baril ka sige paputukin mo. Kung may rebentador ka, sige sindihan mo. Ok lang kung may matamaan sa ligaw nabala. Ayos lang kung maputol ang daliri sa kamay total may daliri kapa naman sa paa. Nosi balasi! Gagawin mo yan lahat para lang sa swerte.
7.   At marami pang iba...

Hindi ko alam kung sino ang nagpasimula at kung kailan nagsimula ang kaugaliang halos pina-practice sa lahat ng Pilipino. Minsan nga naitanong ko sa sarili, “May ganyan din kaya kung magbagong taon ang mga sinaunang Pilipino? Nagpaputok din kaya ang kababayan kong si Lapu-lapu?”

Deritsuhin ko na kayo, hindi ako sang-ayon sa ganitong mga paniniwala. Isipin mo, kung totoo pa ito, hindi sana naghihirap ang Pilipinas. Sa tagal na nating pina-practice ang ganito, pero third-world country parin tayo. Linawin ko, hindi ako kontra sa paghahanda. Tama yan. Magprepara ng mga masasarap ng pagkain para sa pamilya at mga kaibigan. Magandang bonding at pasasalamat narin dahil nalampasan ang mga pagsubok sa nakaraang taon. Pero kung haluan mo ng kaletsehan ang paghahanda, ibang usapan na yan.

Ang malas at suwerte ay wala naman sa sitwasyon o sa panahon. Nasa tao lang yan-nasa ugali. Kung gusto mong suwertehin, magsikap ka, tigilan mo na ang iyong mga bisyo, itigil mo na rin ang iyong pambabae o panlalaki, mahalin at bigyang panahon ang pamilya, wag gawing komplikado ang buhay, hindi dapat gawing batayan ang nabasa mong novel o napanood mong pelikula para sa iyong relasyon dahil bunga lang yun sa hindi makatulog na writer, maging honest sa BF or GF kung wala kapang asawa, gumawa ng kabutihan para sa kapwa, mamuhay ng tahimik at marangal(huwag gayahin ang mga politician at pulis), at higit sa lahat magdasal at lumapit sa Diyos.
Ngayon kung ako ang tanungin mo kung ano ang malas?
Ang pagiging tamad, yan ang malas!  





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na. Mga 3 years ago.

Huwebes, Disyembre 8, 2011

DESISYON


Boss: When can you give me the report?
Tiningnan ko ang aking relo.
Ako: Maybe before 12 o’clock, sir. Because I have to do this first...and modify this...then...etc.
Boss: What time is it now?
Ako: Already 9:10a.m.
Boss: Okay. Give me the report at 10:00a.m.

Sabay alis.
Para akong sinubuan ng bahaw pagkatapos binatukan. Hindi ako nakaangal o makaimik man lang. Walang na ngang OT, marami pa ang dapat gawin at agad-agaran pang tapusin.
Naisip ko agad damputin ang nasa harap kong computer monitor at ihagis sa bintana. Sapat na seguro ang taas na apat na palapag para masira ko ang gusto kung sirain. Anak ng tikbalang! Ang layo sa estimasyon kung alas dose sa alas diyes. Pero wala akong magagawa. Ang boss ay laging boss. Dapat sundin.

Lahat ay nakasalalay sa aking desisyon. Pwede naman akong mag-resign at umuwi nalang  ng Pilipinas. Laki ako sa hirap. Hindi naman ako mamamatay sa gutom dun. Marunong akong mag-araro, gumawa ng mga handicrafts at mag-ayos ng sapatos. Kaya kung igapang ang sarili para mabuhay. Kahit maliit lang ang  kita pero marangal yun. Hindi dapat ikahiya.
May naisip na ako paano ko simulan ang aking resignation letter.

Ang bawat desisyon ay ang humohulma sa ating itinatayong mga pangarap. Malamang hindi natin pansin pero ito ang totoo. Bawat pagkakamali, nakakaapekto ito sa tibay o kundi man sa duration ng pagtatayo.
Para din itong pangguhit. Ito ang nagdo-drawing sa ating magiging bukas. Nagkamali ka? Gaya ng paguhit, pwede mong burahin. Yun nga lang, andun parin ang bakas ng pagkakamali. Depende sa laki ng nagawang mali.
Mahalintulad din ito sa isang domino na nakalinya ng maayos. Kunting tulak lang sa isa, apektado na lahat. Series of reaction kumbaga. Sunod-sunod, damay-damay.
In every decision, action will follow. And in every action, there should be consequences.

Kung mag-resign ako, para ko naring tinutulak ang unahang parte ng dominong nakalinya.
Kawawa naman sila mama at papa. Alam kong hindi sila umaasa sa akin. Pero seguradong malaking apekto sa kanila kung hindi na ako makapagpadala buwan-buwan. Sa point ngayon ng buhay ko, sila ang pinakamahalaga. Obligasyon ko ang ibigay sa kanila ang suporta ng isang anak.

Kung mag-resign ako, paano na ang aking mga pangarap? Oo, pwede ako umuwi ng Pinas para mag-apply uli sa ibang company. Pero hindi yun ganun kadali. Marami akong kakilala na umuwi pero hanggang ngayon ay nag-aapply parin.
At katulad sa nauna kong nabanggit, pwede din akong magsaka nalang. Magtanim ng kamote, mais at saging. Tapos, mag-sideline sa pagawa ng handicrafts at pag-aayos ng sapatos. Pwede na seguro yun.
Pero naisip ko ang pinagkaiba ng eroplano at barko. Ang pangarap ay parang isang destinasyon. Di hamak na mas mabilis ang eroplano sa barko. Kung magsaka ako, para narin akong nagbabarko. Sa pagtatanim ng saging, mais at kamote ay walang amo. Walang magdedekta. Ako ang masunod. Walang pressure. Walang deadline. Pero may bagyo! Paano kong may bagyo? Sira ang pananim.
Taob ang barko.

Sabi ni Bo Sanchez, “If you cannot change the situation, then change your attitude.”
Para itong sibat na tumama sa aking sentido. Sapul.
Seguro nga, masyado lang akong reklamador. Gusto ko lagi ang magaan at madaling trabaho. Kung tutuusin, wala naman talagang madaling trabaho.
Ginaya ko ang napanood ko sa pelikulang “The 3 Idiots”. Tinatapik ko ang aking kaliwang dibdib sabay sabi ng “Aal izz well. Aal izz well”. Paulit-ulit yun.

Quarter to 10:00a.m., lumapit ang Boss ko.
Ako: Sir, have you received my e-mail? Is my report okay?


Hindi siya sumagot. Pero bago paman, inihanda ko na ang aking tenga kung sakali sigawan ako. Napansin kong inangat niya ang kanyang kanang kamay. Dahil idol ko si Bruce Lee, balak ko yun salangin at baliin. Buti nalang naisip ko na ang pelikula ay walang kinalaman sa totoong buhay. Kaya hindi ko yun ginawa.
Hinayaan ko nalang na dumapo iyon sa aking balikat. Tapos, sabi niya,“It is okay. Good!”

Hmmm...mag-resign paba ako?

Sabado, Nobyembre 19, 2011

Para Sa Aking Kaibigan


Meron akong kaibigan at room mate na pauwi na ng Pilipinas. Seguro hindi lang basta kaibigan kundi para naring tatay at nakakatanda kong kapatid.
Sa gustong makakita, ito ang pogie kong kaibigan.
Hinding-hindi ko makakalimutan nung bago palang ako dito sa Taiwan. Dahil bago walang kalaman-laman ang aking bulsa. Buti nalang siya’y nagbilang anghel na nagkatawang demonyo at binagsak dito lupa(biro lang). Ang dami niyang itinulong sa akin. At tatanawin ko iyon ng utang na  loob habang buhay.

Dahil siya ay pauwi, ibinigay ko sa kanya ang aking libro na “Choose To Be Wealthy”. Mahalaga sa akin ang librong iyon pero ibinigay ko sa kanya bilang souvenir at pasasalamat na rin sa kanyang kabaitan. Kaso binalik. Gusto niyang lagyan ko ng message at pirma ang backpart ng book.

Habang sinusulat ko ang isusulat ko sa likod ng libro, ang daming pumapasok na ideya sa aking isip. Sa sobrang dami hindi na magkasya sa maliit na space dun. Kaya nagdesisyon ako na sa internet nalang ilagay ang buong mensahe ko para sa kanya.

(Pre, pasensya at medyo baliw-baliw ako. Kailangan mo pa tuloy mag-internet mabasa lang ang napakahaba pero walang kawenta-kwenta kong mensahe.)
=======================================================
Nap,


Marami akong natutunan sa librong ito. Kumbaga, kung ito pa ay naghahasik ng kaalaman, marami akong napulot. Kasama sa mga nadamput ko ay ang mga ideyang salungat sa ating kinagisnan at minanang pinaniniwalaan. Yun bang tipong masabi mo na ganito pala yun at hindi pala ganun.

Gaya ko at ng nakararami , alam kong ikaw rin ay naghahanap ng magandang pagbabago. Tamang –tama ang libro na ‘to bilang mapa sa iyong paghahanap. Nagpasya akong ibigay sayo pagbakasakali kung hindi man ako baka at sana ikaw ang makatuklas. Sa ganun, hindi masayang ang librong ito.
Sana balang araw kung magkakita tayo by chance,  ibalita mo sa akin na nasumpungan mo na ang magandang pagbabago.

Siya nga pala, ang pag-uwi mo sa Pilipinas ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos. Dahil hanggat humihinga, ang pag-asa ay hindi namamatay. Ito’y sumisibol at tumutubo. Diligan mo lang ng kunting kaalaman at determinasyon para ito ay lalago. Mawala man ang lahat wag lang ang pag-asa. Napakasarap mamuhay na puno ng pag-asa.

Bago ko makalimutan, keep on reading. Ang inakala ng iba na ang pagbabasa ay para lang sa mga matatalino. Mali yun. Ang basong puno ay hindi na pwedeng dagdagan pa. Ang mga matatalino at umaangking matalino ay hindi na kelangan magbasa. Ang pagbabasa ,bukod sa libangan, paraan din ito para matuto. Gusto ko ang message na nabasa ko:
"Don’t be afraid to learn. Knowledge is weightless. A treasure and weapon you can carry all the time."

Para sa akin, ang kaalaman ay isang kayamanan. Kaya habang nagbabasa ang tao ay para narin siyang naghuhukay ng balon ng kayamanan. Sana basahin mo ang libro na ‘to at maligayang paghuhukay.

Ingat pala sa pag-uwi. Maraming salamat sa iyong  kabaitan. Godbless!



Lagi mong kaibigan,

Dioscoro Kudor

Lunes, Nobyembre 14, 2011

Pacquiao vs Marquez 3

Tapos na ang laban. Panalo si Pacquiao. Pero hindi parin tapos ang koro-koro.
Marami ang nakulangan. Hindi daw naging agresibo si Pacquiao. Kung binanatan lang ng binanatan si Marquez, iba sana ang katapusan ng laban. 

Meron ding umastang magaling pa sa judges. Mali ang daw ang desisyon. Si Marquez ang panalo at hindi si Pacquiao.


Buwan palang bago magsimula ang laban, excited na ang mga boxing fans. Mas excited pa seguro kaysa dalawang maglalaban. Merong pabor kay Marquez. Kung gaano kayabang ang taong ito, ganun din ata ang kanyang mga taga-suporta. Ang idolo daw nila ang tatapos sa kasikatan ni Pacquiao. Marami pa silang komentaryo. Dinaya lang si Marquez kaya natalo sa kanilang pangalawang laban. Pero tayong mga Pilipino "cool lang". Walang masyadong sinabi. Isa lang ang binulalas. I-knock out si Marquez sa round 6. Tapos.
Ganun lang kadali. Parang nagpatay lang ng lamok gamit ang baygon.

Too much expectation leads to frustration. Pwede mong hugutin ang kasabihang ito at ipanghiwa sa nangyaring labanang Pacquiao VS. Marquez. Dismayado ang kampo ni Marquez sa resulta ng laban. Walang duda dun. Pero dismayado din mismong mga fans ni Pacquiao. Bakit? Dahil ba hindi na na-knock out si Marquez o ma-knock down man lang? Panalo naman siya diba?
Nag-entrance palang si Pacman papuntang ring at hindi pa nga bumitiw ng kahit isang suntok, ina-anticipate na ang laban. Si Pacman ang panalo. Parang nanood nalang ng movie na nabasa muna ang kwento sa libro. Alam mo na ang ending. Ang hinanap mo lang ay ang twist o additional scenes na sa screen mulang makita. Katulad nalang ng knock-down scenes. Pero hindi naging ganun ang storya. Close ang naging labanan. Walang knock-down ang nangyari.

Ang laban ay naka-schedule sa 12 rounds o katumbas nito ang 36 minutes exchanging of punches. Ang 3 minutes every round ay napaiksi para sa mga exciting na mga manonood. Pero hindi biro para sa isang boksengero ang makigbuno bawat rounds. Nakasalalay nito ang dangal para sa sarili at para narin sa bansa. Bawat binitiwang suntok at salang ay nakasugal ang buhay at tagumpay. Hindi madali.
Ang dating sikat na boxer na si George Foreman ay tinanong kung hindi ba siya takot sa brain damage. Sabi niya, “Anybody who is going into boxing has already a brain damaged.”

Sa nangyari sa ring nung Nobyembre 13, 2011(petsa sa atin), nakalimutan natin na ang ating pambansang kamao ay tao lang din at hindi naiiba. Walang extraordinary powers na kayang kontrolin ang mangyari sa loob ng ring.

Lumabas na kontrobersiyal ang kanyang panalo. Oo, kasi mukha siya ang binugbog sa bawat rounds. Si Marquez kasi nakapagbitiw ng combination punches. Habang si Pacman ay paisa-isa lang. Pero kahit paisa-isa lang na pasungkit-sungkit, tumama yun at counted ng mga judges. Aanhin mo naman yung sunod-sunod kung hindi naman tumama. Sa official result, ang desisyon ng isang judge ay draw at ang dalawang judges ay pabor para kay Pacquiao. Siya ay panalo via majority vote.

Talo man siya o panalo sa kanyang laban, pero isa pa rin ako sa kanyang solid na taga-hanga. Taga-hanga sa kanyang determinasyon, sa kanyang pagiging humble sa kabila ng tagumpay at kayamanan na naabot at higit sa lahat sa kanyang pagiging maka-diyos. Magkakaibang boxers ang aking nakita pagkatapos ng 12 rounds. Siya ay yumuko at nagdadasal. Habang si Marquez ay abala sa pagtataas ng kanyang kamao. Malaking pinagkaiba.

One more thing, saludo din ako sa kanyang pagiging clean fighter. Hindi ako naniwala sa steroid. He fights with no dirty tricks. Si Marquez? Panoorin niyo nalang 'to at kayo na ang humusga...
I-click ang link na ito to watch: Marquez's Fighting Style

Ang unang pakay ng isang boxer sa ring ay ang manalo. At nagawa yun ni Manny Pacquiao. No doubt. Mabuhay siya!





Linggo, Nobyembre 6, 2011

Kwentong Kababalaghan



·        Multo
·        Kapre
·        Paring walang ulo
·        Aswang
·        Ligaw na kaluluwa
·        White Lady(meron din daw black)
·        Tiyanak
·        Bampira
·        Maligno
·        Kapre
·        Dwende
·        Lumulutang na kabaong
·        Diwata
·        Impakto
·        Demonyo
·        Tikbalang
·        Shokoy
·        Gloria Arroyo


Malamang isa sa mga nabasa mo sa itaas ay  tauhan/karakter sa mga narinig at nabasa mong mga “kwentong kababalaghan”. Hindi pala kasama yung panghuli. Sorry.

Bukod sa pagkahilig sa extra rice, isa pang katangian na meron tayong mga Pilipino ay ang pagkamadaling maniwala sa mga out of this world  o mga nasa ibang dimension. Pero good news. Hindi lang tayo ang lahi na ganito dito sa mundo. Balita ko, ganun din ang mga intsik. Pero ang pag-usapan lang natin ay ang atin.

Ang utak ng tao ay mahalintulad sa isang computer. Kung ano ang ini-install mo na program, ganun  din kalalabasan. Halimbawa, nag-install ako ng adobe photshop CS3, siyempre pagkatapos, magamit ko yun pang-photo editing at hindi pang-video converting .

Parang sa sitwasyon natin. Maliit palang tayo, ini-instolan na tayo ng mga kwentong kababalaghan. Pinamulat tayo at pinalaki na dapat matakot sa momo. “Anak, wag ka pumunta jan. May momo. Wahhh.”
Inaaliw tayo sa mga kwento ng ating lolo at lola tungkol sa mga maligno. Basta may malaking puno may nakatirang kapre. Sa ilog at dagat ay may shokoy. Sa mga lumang bahay o abandunado ay may mga ligaw na kaluluwa. May nagpapakitang white lady, duguang mukha, paring walang ulo at kung anu-ano pa.


Kaya ganun nalang tayo ka-praning tungkol sa mga extraordinary stories. Gusto mo ng proyba?




Gumawa ka ng seryosong kwento na nakakita ka ng white lady sa likod ng bahay niyo at ikuwento mo to sa pamilya mo at mga kapitbahay. Pustahan pa, 90% sa iyong nakwentuhan ay maniwala.
Ganito na nga seguro tayo. Ito na tayo.  Madali tayong maniwala sa usapang may halong extraordinary. Naalala ko yung napanood ko sa Imbestigador. Dalawang magkapatid na taga-Palawan ang pinaghihinalaang naging bampira dahil gising kapag gabi at naging bayolente. Kung anu-ano na ang kwentong kumalat sa buong baranggay mula sa mga chismosang kapitbahay. Sa huli, napag-alaman na may sakit lang pala sa utak. Sus ginoo!

Ito pa ang nakakatuwa. Mas takot pa tayo  sa multo o sa mga maligno kaysa mga buhay. Kung tutuusin wala namang napabalita sa TV na may kapre na nang-rape at pagkatapos pinatay ang biktima. Wala  ka namang narinig na isang pamilya ang mina-massacre ng bampira. Never ko pang nabasa sa pahayagan na may paring walang ulo ang nanghold-ap at pinatay ang biktima dahil nanlaban. Sabi ng tatay ko, ang dapat katakutan ay ang mga buhay at hindi yung mga patay. Tama siya.

Gusto mo bang makakita ng bampira? Para sa akin, ang totoong bampira ay ang mga nakabarong na mga honorable na patuloy sumipsip sa kaban ng bayan. 
Magaling silang magsalita at kunwari matulungin. Malupet ang kanilang epektong dulot. Hindi lang isang buhay ang nanganib kundi ang napakarami. Ang matindi, hindi sila tinatablan ng bawang. Hindi rin takot sa sinag ng araw. Hindi mo rin pwedeng ipangtakot ang krus dahil pumupunta pa nga sila sa simbahan. Mahirap silang puksain.

Liliko naman tayo sa usapang Balete Drive. Sino ba ang hindi nakarinig tungkol Balete Drive? Kahit seguro hindi taga-Maynila alam kung ano ang bumabalot na kwento sa lugar na iyon. Pero ang nakakapanindig-balahibo ay katotohanang hindi pala totoo ang kwento na may white lady o may mga kababalaghang nangyari. Bungang isip lang ito sa isang kulomnista na minsang gabi nasiraan ng sasakyan sa mismong lugar. Dahil ang scene ay perfect para sa horror story, gumawa siya ng fiction na storya at inilathala sa newspaper pero pinalabas na real story. Katulad sa pagbili ng newspaper, binili din ng mga tao ang kanyang kwento. Napaniwala niya ang madlang people. Oo,“Adik” siya. Pero mas adik tayong naniwala sa adik.

Note: Hindi ko sinabing walang mga out of this world na nilalang. Ako din ay takot sa multo at white lady. Ang point ko dito, wag maging masyadong praning.









Lunes, Oktubre 24, 2011

The Sorcerer and the White Snake


May bagong lumabas ngayon na pelikula. The Sorcerer and the White Snake ang title. Si Jet Li ang main character. Kahit hindi ako mahilig manood ng movie pero kapag may halong suntukan at sipaan, bigla ako magka-interes panoorin. May pagkabayolente kasi akong tao. Ito ang dahilan kaya ako may tatlong chacku.

Si Jet Li ang bida. Impossible naman seguro kung gaganap siya ng love story. Bagay lang siya sa basagan ng mukha. Nakakaingganyo din ang title. Sorcerer- may pagka-fantasy at White Snake?-wild ang dating.
Sa mga hindi pa nakapanood, ito ang laman ng storya.
Si Jet Li ang sorcerer. Ang role niya sa pelikulang ito ay manghuli ng demonyo at ilagay sa posporo. Pero joke lang. Hindi posporo. Isang lalagyanang kulay ititm na parang mangkok pero hindi mangkok. Basta lagyanan.
Sino ang white snake? Ang white snake naman ay ang magandang babae. Pero hindi tao. Siya ang isang libong taong white demon snake at may kapatid na green demon snake. Pareho silang babae. Ang anyo nila ay kalahating tao at kalahating ahas.  New version ng tikbalang. Parang kwentong pambata lang.

I-short cut ko nalang ang kwento bago mo pa maisipang mag-exit sa blog site ko. Na-inlove ang white demon snake sa isang mortal. Pero hindi kay Jet Li. Kundi sa isang lalaking gumagawa ng herbal na gamot. Nagkatawang tao ang white snake at dahil cute, gusto din siya ng lalaki(gusto ko din ang babae. ganda ng mata). Namuhay sila bilang mag-asawa. They live happily but not ever after.

Mabait naman ang babae kahit demon pero ewan ko kay Jet Li nakikialam pa. Gusto din niyang ikulong ang babae sa parang mangkok. Sa kataposan ng kwento, yung babae ay bumalik bilang white snake at nakakulong. Ang lalaki naman na gumagawa ng herbal ay malungkot. The end.

Hindi ako natuwa sa kwento. Ang kwento kasi ay hindi action kundi parang love story. Hindi yun ang inaasahan ko. At parang may mali din sa storya. Kung hindi lang sana ginulo ni Jet Li ang pamumuhay ng mag-asawa, hindi sana magkaroon  ng tidal wave. Hindi sana nilamon ang templo nila ng baha. Hindi sana magkagulo-gulo. Maganda sana ang ending. Sino ang nagsulat sa kwento na yun? Hindi ko alam. Sulat Chinese eh.

Yun ang ikinaganda kung ikaw ang magsulat. Ikaw ang mag-decide kung paano mo tapusin ang kwento. At wala na silang magagawa. What is written has already became a story. Tanging ang nagsulat lang ang makapagpabago. Parang ngayong binasa mo. Gusto mo man o hindi. Wala kanang magagawa.

By the way, may balak akong gawan iyon ng pinoy version ang kwento. Pero siyempre mas maganda. Happily ever after dapat ang ending. Maganda seguro na i-title ang, “Ang Mangkukulam at ang Pink na Bulate”.



Sabado, Oktubre 15, 2011

Astig


Ang totoong  astig ay wala sa panlabas na kaanyuan.  Para sa akin, sila ang mga totoong astig:


·        Ang astig ay si Gen. Gregorio del Pilar na lumaban sa mga mananakop na dayuhan sa labanang 1:10.

·        Ang astig ay si Emilio Jacinto na sumulat sa astig na kartilya at editor sa astig na pahayagang “kalayaan”.  Kung ang mga kabataan natin ngayon ay abala sa paglalaro ng dota, hithit ng mariwana o adik-adik, at planking?, siya ay sumapi sa katipunan sa edad na 18. Batang-bata.

·        Ang astig ay si Mother Teresa na  bago namatay ay nag-iwan ng 610 missions sa 123 countries. Tinutulungan niya ang mga mahihirap, inaaruga ang mga may sakit, at nagpatayo ng mga orphanage at schools.  Hindi nakapagtatakang binansagan siyang one of the greatest persons in century. Take note, hindi decade kundi century. Astig.

·        Ang astig ay si Levi Celerio na makapagpatugtog  ng humigit 2000 na  magandang musika gamit lang ang dahon . Sabi ng guiness book of records, the only leaf player in the world is in the Philippines. Astig!

Masyado atang antigo ang mga binanggit ko, dun tayo sa medyo bagu-bago.

·        Ang astig ay si Manny Pacquiao, na hindi nakapagtapos ng high school at nilalait ang kanyang ingles pero pinairal ang pagiging edukado at hindi pinatulan ang pambabastos ni Mayweather sa internet.

·        Ang astig ay ang napabalitang binatilyo na tinulungan ang mga kapitbahay na maka-evacuate sa safety na lugar kahit masyadong mapanganib. Gaano kapanganib? Buhay niya ang naging kabayaran  kapalit sa maraming buhay na kanyang nailigtas sa bagyong Ondoy.

·        Ang astig ay ang ating mga board passer na nurses na nagpasyang manatili at maglingkod dito sa ating bansa sa kabila ng malaking kaibahan sa sweldong  dolyar at peso.

·        Ang astig ay ang mga may-asawa na nasa ibayong sulok ng mundo na patuloy nilabanan ang temptation  alang-alang sa sakramento ng kasal at pagtupad sa binitawang salita sa altar.

·        Ang astig ay mga pagod na tatay pero nagtratrabaho parin at hindi pinalampas ang overtime dahil may babayaran na tuition at para may  pambili ng gatas ni bunso.

·        Ang astig ay ang mga sundalong nasa bakbakan at ibinuwis ang buhay habang ang kanilang sir  general ay nasa komportable at  malamig na opisina kinukorakot ang pondo.

·        Ang astig ay ang trapik officer na piniling maulanan at mainitan maging maayos lang ang daloy ng trapiko.

·        Ang astig ay ang mga nanay na nagdala-dala sa atin ng 9 months sa loob ng tiyan, bumabangon ng hating –gabi para magtimpla ng gatas, nagturo sa atin paano magclose-open at  maglakad, at hindi naubusan ng payo dahil sa kanyang sobrang pagmamahal . Pero ngayon sinasagot mo lang dahil laging nakikialam sa tuwing ikaw ay may lakad.
·        Ang astig ay ang mga OFW na tiniis ang homesick, binalewala ang mga pangmamaltrato at mura ng amo, at  patuloy nakibaka sa hirap ng buhay abroad, may maipadala lang sa Pinas.

·        Ang astig ay ang mga matiyagang titser na umaakyat sa bundok lunes hanggang biyernes   para magampanan ang napiling propesyon.

·        Ang astig ay ang mga naglilingkod sa gobyerno ng tapat at hindi nagpalamon sa bulok na sistema.

Ikaw, ano ba sa ‘yo ang pagiging astig?
Magpaahit sa kilay kagaya kay Victor Neri sa ex-con? Magpa-tattoo ng abstract sa bisig, agila sa dibdib at ahas sa braso? Gayahin ang gupit ni apl ng black-eyed peas? Lagyan ng hikaw ang ilong, kilay at dila? Ipa-dreadlock ang buhok? Gawing idol si Justin Bieber? Hindi na mag-aral at maglaro nalang ng internet games para maipagmayabang na astig dahil ganito na ang character mo? Mambugbog ng asawa? Magpaiyak ng mga babae?Ubusin ang pera sa alak? Magpa-picture hawak ang bote ng alak at sigarilyo? Hithitin ang sigarilyo, tumingala  at dahan-dahang ibuga pataas ang usok? Mag-planking? Kulayan ang buhok? Mag-manicure ng kulay itim? Mag-shades kahit tag-ulan? O di kaya mag-adik adik nalang?

Sige na nga, wag kana magalit. Sabi nga nila, walang pakialaman. Kanya-kanyang trip. Kaya, go lang ng go. Sige lang ng sige. Hindi naman masama yun bukod nalang sa pag-adik adik at pambugbog ng asawa. Pero tandaan: iba ang kagagohan at katarantadohan sa pagiging astig. Ulitin ko, wala sa panlabas na kaanyuan ang pagiging astig. Hindi ito pinapakita kundi ginagawa.


Miyerkules, Setyembre 21, 2011

Glossophobia

Ang pinakaayaw kong araw sa pitong araw ng linggo ay ang Miyerkules. Bakit? Dahil sa aming weekly meeting.

Bukod sa mga magagandang babae, isa pang kahinaan ko ay ang magsalita sa harap ng maraming tao. O kahit hindi masyadong marami. Basta lampas lima. Nanginginig na ang aking tuhod at kamay. Ang hirap ibuka ng bibig. Bumabaluktot ang aking dila. Utal-utal ang tono ng boses na kung pakinggan ay pataas-pababa.
Nakaka-tense isipin na ang mga umiikot na mundo nila ay titigil dahil lang sa akin. Ang kanilang mga mata ay nakabantay sa reaksiyon ng aking mukha. Ang tenga naman ay nakatuon sa mga kung ano ang lumalabas ng aking bibig na parang nakikinig lang ng drama sa transistor radio. Minsan sa kalagitnaan ng aking “reporting”, bigla kong mapaisip: tama ba ang grammar ko? naitindihan kaya ng mga chikwa ang mga ingles ko? hindi kaya ito masyadong malalim O sadyang tanging ako lang ang nakakaintindi sa aking ingles?
Ako lang kasi ang pinoy sa team namin.

Ang boss ko naman ay parang abogadong nakikinig. Naghahanap ng gusot sa aking report. At kapag may nakita, batuhin ako ng mga tanong. Patay na. Sira ang preparasyon ko. Maisip ko ang lahat ng pwedeng isipin. Hinuhugot ko lahat ng ideyang nakatago may maisagot lang. Ang matindi pa, ang sagot ko ay tatanungin naman uli. Mag-generate siya ng tanong sa sagot ko. Walang katapusang tanungan. Makamot ang kahit hindi makati. Minsan, para matapos na ang kalbaryo, tatapusin ko nalang ng ,”I don’t know, sir”.
Litsugas! Ang sarap tumigil at itago nalang ang ulo sa ilalim ng mesa hanggang sila ay mag-alisan at maglaho.

Pera lang naman ang pinunta ko dito. Ang pinakaayaw ko sa school dati na “reporting” ay maranasan ko ulit ngayon. Hindi ko naisip ito pala ay parte sa aking maging trabaho. Kung alam ko lang nung una, binagsak ko nalang sana ang interview. Tandang-tanda ko pa ang buong pangyayari sa interview. Makita ko pa sa isip hanggang sa ngayon ang nangingilid na luha sa mata ng aking boss pagkatapos ko siyang sagutin sa interview question niyang: What is the most difficult moment in your life and you are able to overcome it?


Balik tanaw. Una kong nagsalita sa harap ng maraming tao noong ako ay makatapos sa Day Care. Kahit 18 years na ang nakalipas, matatandaan ko parin ang linya sa mga sinabi ko.

My name is.....
I live in....
When I grow up I want to be a doctor
.

Linawin ko lang, hindi ko gusto ang maging doctor. Sinunod ko lang ang sabi ni titser sa takot na hindi ako maka-graduate kapag ang sabihin ko ay when I grow up I want to be an OFW.

Naranasan ko naring magbigay ng welcome address (speech). Kahit menimorize ko lang yun pero iba parin ang dating. Dun ko unang naranasan ang kamandag sa tinatawag nilang Glossophobia or fear of public speaking. Graduation namin sa Grade six nun. Ako ang nakatuka para sa welcome address. Ibinigay sa akin ni Mam ang papel na gusto kong isipin na ang laman nun ay listahan sa problema ng mundo. Si mam ang nagsulat para sa mga sasabihin ko. Bale ang sa akin nun ang pag-deliver nalang ng message sa harap ng mga magulang, sa harap ng aking mga classmates, sa aking mga schoolmates, sa mga kagalang-galang na bwesitang pulitiko, sa mga panauhing guro, sa mga nakinood lang at higit sa lahat sa harap ng aking crush. Seyempre grade six at bilang normal na nagbibinata makaramdam na ng pag-ibig ng tuta(puppy love).

Panghuli, unforgettable at privileged para sa akin ang maging isa sa tanging dalawang estudyanteng makaakyat sa stage at makahawak ng mikropono. Inatasan nila akong mag-lead sa alumni pledge nang gumradweyt ako sa STI. Pero seyempre, nagdahilan muna ako ng limpak-limpak para tumanggi pero wala akong nagawa. Teacher is always right ika nga.

Leading alumni pledge? Napakadali lang naman nyan. Malamang yan ang 
unang reaksiyon mo. Pero para sa akin, para akong inatasan nilang pumatay ng baka gamit ang karayom. Hindi madali. Alam kong ibang level na yung mga anduon. Ramdam ko ang layo sa agwat ng status ko sa buhay kompara sa aking mga schoolmates at classmates. Sa bawat pagpasok ko sa school ay lalo lang akong namulat sa katotohanang ganito LANG ako.
Nangingibabaw ang pinagkaiba mula sa sout na damit hanggang sa gadgets. Makintab na leather shoes, plantsadong polo barong at pantalon-yan ang mga porma nila. Estudyanteng-estudyante.
Ako? Puting polo shirt na hindi na puti, kupas na maong na pantalon. At rubber shoes na anytime pwedeng bumigay. Kung wala lang akong ID parang hindi ako estudyante.
Habang sila ay tuwang-tuwa sa panonood ng mga video sa cellphone at ang iba ay abala sa paghahanap ng wifi signals, ako naman ay taimtim na pinupokpok ang N6610 na cellphone para lang mag-on.

Ang haba na ng sinabi ko. Pero simple lang naman ang nais kong iparating. Ako'y walang-wala. Sila ay may kaya sa buhay. “Sosyal” kung tawagin nila. Hindi ako sanay makihalo sa ganung mundo. 


Araw ng graduation. Moment of glory para sa iba pero ako, kalbaryo. Kailangan ba talagang mangyari 'to sa buhay ko? Sinipa ko ang unang baitang sa stage. Pampatanggal daw yun ng nervous sabi ni Papa. Pero wala namang nagbago. Habang ako'y nasa stage at hawak ang microphone, lumipad ang isip ko......Masabi ko kaya ng maayos ang bawat salita? Mapatunayan ko kaya sa kanila na may maibuga kaming mga bisaya? Kaya ko kaya ang magsalita na consistent ang volume ng boses? Maka-pause kaya ako sa dapat mag-pause kapag kinakain na ako ng takot at kaba? Paano ko ba ma-minimize ang ang panginginig ng kamay kapag inaangat ko na? Mabigyan ko kaya ng hustisya ang tinuturo ni Sir na articulation at pronunciation? Ano nga ba ang gusto niya ipaintindi sa salitang crispness of words?
Bahala na!


May sitwasyon na kailangan nating pumili. Kadalasan pinili natin yun hindi dahil ginusto natin o dahil madali. Ano nga ba ang laging dahilan? Pinili dahil wala ng iba pang mas maganda-gandang choices. Parang trabaho ko.