Linggo, Agosto 28, 2011

Ang Matanda

Mas masarap kung habang nagbabasa, may iniinom. Binubusog ang gutom na utak, dinidiligan naman ang nanunuyong lalamunan. Para narin matanggal ang umay at amoy sa ulam ko kaninang baboy. Ayos, marami akong equay-equay. Panghulog ‘to sa vendow machine. Siya nga pala para sa hindi alam, dito sa Taiwan ang e-quay nila ay katumbas sa atin sa piso. Ang hitsura ay kahalintulad ay biyente singko sentimo. 

May isang lalaki nakaupo malapit  sa vendow machine. Mukhang may edad na. Ang magpapatunay nito ang ang mga puting buhok at panot na noo. Nasa 50 plus seguro ang edad. Nakaupo siya mag-isa. Kapansin-pansin ang nasa malayo ang tingin. Tantsa ko tagos hanggang jupiter sa sobrang layo. Mukhang may problema.
Malaking problema? Seguro.
Sa lalim ng kanyang iniisip, hindi nga niya napansin ang aking paglapit.
Dahil drinks lang naman ang sadya ko, hindi ko siya pinagtuunang pansin. Hindi naman ako tipong taong may pagka-politiko. Yung palangiti at laging namamansin.

Isa-isa kong hinulog ang 1 NT sa coin slot. Bawat bagsak ng barya, gumagawa ng tunog. Dahilan para mapansin niya ako.

“Dito, ang 1 NT ay parang 25 cents sa Pinas. Sa atin, wala ng silbi ang biyente singko”, sabi niya.
“Oo nga”, sagot ko na may halong pilit na ngiti.

Katulad sa biyente singko, napakawalang kwenta ng sagot ko. Wala na akong maidugtong. Wala na akong masabi. Natigilan ako. Nag-isip. Ang kasalukuyang umikot-ikot sa aking utak ay ang naiwang libro. Gusto ko yung tapusin.

Wala na talaga akong maisip. Pumili nalang ako ng mainom at pinindut ang button. Nalaglag ang kulay dilaw na can. Sulat chinese kaya hindi ko alam ang brand. Pero may maliit na sulat na naka-alphabet: nata de coco with pineapple juice. Dinampot ko at umalis nalang ng ganun.

Bumalik ako sa kwarto. Umakyat sa bed. Umupo at binuksan ang can. Ininom(masarap naman). Kinuha ang nakalapag na libro pero hindi ko tinuloy ang pagbasa. Naisip ko ang matanda.

“I miss an opportunities in life”, nasabi ko sa sarili.

Oo, opportunities.
Una, opportunity na matuto. Sang-ayon ka man o salungat pero ang tao ay isang siksik sa kaalaman at aral na libro. Libre pa at hindi na kailangang pumunta sa bookstores. Lalo na ang mga matatanda. Ika nga, sila ang reservoir of knowledge. Sa layo ng agwat ng edad namin, marahil marami akong matutunang aral sa buhay galing sa kanya. Anyway, ang libro ko ay dito lang naman lagi. Pwede ko basahin anytime. Sana umupo nalang ako dun at nakipagkwentuhan. Malay mo, may anak pala yung dalaga at kasing edad ko. Ang anak pala niya ang matagal ko  ng babaeng hinahanap. Sayang!

Pangalawa, opportunity na makipagkaibigan. Mas astig kaibiganin ang mga matatanda. Mas kwela sila at mas malupit. Palibhasa sila ang mga beterano sa kalokohan.

Pangatlo at panghuli, opportunity na makatulong. Naniwala ako na ang pinakamisyon natin dito sa mundo ay ang tumulong sa kapwa. Maraming klaseng tulong ang pwedeng  gawin. Hindi dahilan kung may pera man o wala. Hindi natin alam, kailangan pala niya ng moral support, comforter, masumbungan o kahit makausap man lang. Meron pala siyang mabigat na problemang pinapasan. Malamang tama ang hinala ko dahil sa reaksiyon ng kanyang mukha. Tapik lang pala ng balikat ang makapagpigil sa kanya para mag-suicide.

Sana hindi na yun maulit.


Huwebes, Agosto 25, 2011

Misyon Stetment

Ang buhay ko ay hindi umiikot o nakadepende sa isang tao o kahit kanino. May darating man o aalis. May madagdag man o mabawas. May dumaan man o may magpasyang manatili, ang mga pinaplano ko ay buo at matatag. Seguro makaramdam man ng yanig pero hindi aabot ng pagkaguho.
Walang sinumang basta bumago sa mga pinaniwalaan ko. Hindi ko hahayaang mag-iba ang direksiyon dahil sa mga iilan. Kahit pa...madagdagan ang kulay ng bahaghari. Magbago ang hugis ng buwan. Maging tatsulok ang araw. O di kaya magbago ang posisyon ng aking mga bituin at maging hindi maganda ang takbo ng aking kapalaran ayon sa horoscope ni Madam Lukring.
Nakalatag na ang aking mga gagawin. Ito’y tuwid at tuloy-tuloy kong tatahakin. Gawin ko ito para sa aking sarili. Pero hindi ibig sabihin nun na ako ay makasarili. Dahil ang kasiyahan ko ang makita ang iba na nakangiti. Gusto ko silang maaliw, mapangiti at sana...sana ma-inspired din. Mission ko sa buhay ang tumulong sa kapwa. Ito ang napag-isip isip ko: Ginawa ako ng Diyos para tumulong sa ibang tao at naniwala ako na ganito din ang dahilan sa lahat. Totoo, hinangad ko ang para ikasiya sa sarili pero nabuhay naman ako para sa iba. Para sa aking mga magulang, para sa aking mga kapatid, sa aking mga pamangkin. Sa aking maging asawa at mga anak. Sa aking mga kamag-anak. Sa mga nakasalamuha ko araw-araw. Sa aking mga kaibigan at sa mga hindi ko kakilala. 

Ito ang mission ko. Ito ang buhay ko. Gusto ko ‘to. Naniwala ako ito ang dahilan kaya hanggang ngayon ay humihinga pa ako.
Sana sa huling buga ng aking buhay may karapatan akong sabihin ang katagang ito: “Lord, mission is completed”.

Linggo, Agosto 14, 2011

Gloomy Sunday

Ganito ang ayaw ko sa buhay yun bang walang magawa. Hindi kasi ako sanay at ayaw kong sanayin ang sarili. Mahirap ang magtrabaho pero mas mahirap ang walang trabaho. Ang bagal umikot ng orasan. 

Nakakatamad. Nakakabagot hintayin matapos ang araw. 
Linggo ngayon kaya day-off ko. 
Nais akong gumala pero wala akong pera. No choice kundi magmuni-muni sa kwarto. 
Gusto kong matulog pero hindi ako inaantok. Sumasakit na ang likod ko sa kakahiga. 
Nasa tabi ko lang ang cellphone ko. Kanina ko pa to tinititigan. Kapansinpansin ang depektibo nitong itsura. Dati sliding ‘to pero ngayon hindi na. Nilagyan ko ng tape para hindi na ma-slide down and up. 
Kahit mukhang naaksidente at naka-bandage, ayos lang. Hindi na mawala-wala ang display. 
Anyway, makatext parin naman ako at makatawag. Yun ang importante. 
Wala namang namumugot ng ulo kung pangit ang cellphone. At buti nalang wala. Wala akong pamalit. Seguradong putol ulo ko.
Ang tainga ko ay nakahanda kung sakaling tumunog. Isang linggo na atang hindi ko narinig ang aking incoming call at message alert tone. 
Wala man lang nakaalala. 
Dinamput ko. Tiningnan ang mga nasa phonebook. May napili akong isa. Pinadalhan ko ng walang kwentang text joke pero hindi na-send. 
Litsugas na buhay! 
Wala pala akong load.
 
Ano kaya gagawin ko para malibang? 

Ang baon kong dalawang libro dito sa Taiwan ay paulit-ulit ko ng binasa. At ayaw ko ng basahin ulit. 
Wala akong balak i-memorize yun. 

Tapos ko na ring basahin ang apat na issue ng LIWAYWAY magazine at tatlong issue ng FREE PRESS. Ang mga magazine na iyon ay illegal kung hiniram sa TV room. Pakalat-kalat kasi dun kaya dinala ko sa aking bed. 
Wala na talagang mapagtiyagaang basahin. 

Batung-bato na ako. Tiningnan ko ang aking relo. Parang hindi umuusog ang oras. 

May naalala ako. 
May kunting talento pala ako sa pagdo-drawing. Libangin ko nalang ang sarili ko sa paguguhit. Napili kong kopyahin ang mukha ng babae sa LIWAYWAY magazine. Tamang-tama ang aking modelo. Maganda. Medyo hawig sa ex ko. 

Tantsa ko 15 minutes ata ang inabot ng guhit-bura-guhit-bura-guhit bago matapos ang aking obra maestra. Pero bigo ako. Ang layo sa orihinal. Ang magandang babae(na hawig sa ex ko) ay naging pangit na bading. 
Pinunit ko nalang ang papel. Binuo na parang bola saka ini-shoot sa basurahan
Ang talent pala ay para itong tanim. Kailangan mo diligan araw-araw. Alagaan. Matagal-tagal narin akong hindi nagdrowing-drawing. Kaya inabot na ng pagkalanta hanggang sa pagkamatay. Tuluyan ng naglaho ang aking katiting na talento.

Napakalamig ngayon kahit tanghali. Damang-dama ko ang winter. Kung tutuusin nakakumot na ako pero ramdam ko parin ang lamig. Nanuotsuot sa buto. Para akong may yelo sa ulo at naka-froozen ang backbone ko. Ang ginawww...

Hindi ko alam kung anong pwersya ang tumulak sa akin. Napansin ko nalang nakadungaw na pala ako sa bintana mula sa third floor ng aming dormitoryo. Mahamog ang paligid. 
Hindi ko makita ang langit sa kapal ng fog. 
Nangingibabaw ang ingay ng makina mula sa kompanyang katabi lang namin. Dinig na dinig ko. Iba ang ingay. Parang may nais iparating. Kakaiba.

Umaambon pa. Dahilan para lalong lumamig ang paligid.Malakas din ang hangin. Malamig na hangin. Halos walang tigil ang pagalaw sa nangingilang dahon ng puno. Ang ingay ng makina at ingay ng ihip ng hangin ay nagdadala ng mensahe. Pilit kong inintindi pero hindi ko maarok. Ewan ko kung guniguni ko lang pero may bumubulong. Lalong nakakalungkot pakinggan. Naguguluhan ako. 

Sumagi sa isip ko ang mga mahal ko sa buhay. Sila Mama at Papa. Ang mga expectations nila sa akin. Ang mga pangarap ko na parang imposeble. Ang dahilan kung bakit ako andito. Gusto kong isumpa ang kahirapang nagpahirap sa akin simula’t simula pa. Kung ito pa ay may buhay, matagal ko ng pinatay. Sasakalin sa leeg para unti-unting malagutan ng hininga. Sa ganun, maramdaman din niya ang mga pinagdaanan ko. Tapos, hihiwain ng pino at susunugin. Ang abo ay ibaon sa lupa para mabaon narin sa limot at hindi na manggulo sa mga sumusunod pang henerasyon ko. Buwiset na kahirapan!

Tiningnan ko ang ibaba. Mataas-taas din to. Kung malaglag ako dito, tiyak na kabaong ang sunod na higaan ko.
Naisip ko ang aking mga pinagdaanang hirap at inaalalang hinaharap...ano kaya ang maging buhay ko sa dalawang taon ko dito sa Taiwan? Kailan kaya ako magka-OT? Sana mabayaran ko na ang utang ko sa placement fee. 

“What a gloomy Sunday!” 

Nagulat ako sa nasabi ko. Ganito din ang sinabi ni Rezso Seress bago niya ma-compose ang kontrobersyal na “gloomy Sunday” na tinuturing na suicide song. Ayon sa kwento, 30 minutes lang ang ginugol ni Seress para mabuo ang kanta sa pamamagitan ng pagsulat sa lyrics nito sa lumang post card. 

Sulat...pagsusulat! 
Tama. Magsusulat ako para malibang. 

Bumalik ako sa bed at kumuha ng bolpen at papel. 
Nilagyan ang tasa ng mainit na tubig saka niloblob ang tsaa. 
Kung ang iniisip mo ay suicide note ang gagawin at isusulat ko, nagkakamali ka. 
Napakasarap ng buhay at napakasarap mabuhay. 

Gusto mo bang malaman ang sinusulat ko? Gusto mo bang mabasa kung ano kaya ito? 
Basahin mo ulit mula sa umpisa ang binasa mo na.

Sabado, Agosto 13, 2011

Health Tips By: Dioscoro Kudor,M.D,Ph.D,Ed.D


Epektibo at simpleng paraan para sa mga magulo ang pag-iisip. Sa mga hindi makapagdesisyon ng maayos. At sa mga workacholic na nakaramdam ng sobrang stress.

Gamit ang hintuturo, pasukin ang butas ng ilong. Ikot-ikutin ang daliri. Dapat isang direction lang. Clockwise movement at bawal ang counterclockwise.
Ituloy-tuloy lang ang pag-ikot.
Ikot-ikutin mo pa. Ang mga mata nama’y nakapikit na parang tumulay lang sa bahaghari.
Namnamin ang bawat ikot. Sige lang ng sige.
Ok lang kung medyo basabasa ang makapa. Pero mas ideal ang matigas-tigas.
Ang sunod gawin ay hugutin ang hintuturo at dilaan upang malaman ang lasa sa malagkit na bagay na sumama nito. Importanteng-importante na alam mo kung ito ba ay maalat o mapait. Kasi kung maalat, wala namang ibig sabihin nun. At  kung mapait naman, katulad sa nauna, wala din ibig sabihin.

Pagkatapos, ang iyong nakuhang bagay ay i-shape na parang bola. Bola ng basketball.
Ayusin ang pagbuo. Dapat bilog na bilog.
Pagkatapos sa kanang butas ng ilong, sa kaliwang butas naman.
Gawin kung ano ang ginawa sa kanan.
Ulit-ulitin ang ganitong proseso hanggang sa lumuwag ang pakiramdam, makahinga ng maayos at lumiwanag ang pag-iisip.
Ayon sa masusing imbestigasyon at base narin sa mga daan-daang laboratory test, napatunayan ng mga seyentipiko at dalubhasa sa medisina na kung mas malaki ang bilog na iyong mabuo nangangahulugan itong mas malaki din ang porsyento na mabawas sa naramdamang stress..

Bottom line, bumuo ka ng malaki at bilog na bilog na kulangot.



The Author:
Si Dioscoro Kudor ay ang katangi-tanging tao na nakapagbibigay na maliwang na paliwanag kung bakit tinatakpan ng pusa ang kanilang tae. Sa ngayon, abala siya sa kaniyang major project: ang pagcross-breed sa langgam at elepante.

Biyernes, Agosto 5, 2011

Padi's Point (Taiwan)


Wala sa bokabularyo ko at ni minsan hindi ko pinangarap pumunta sa ganitong lugar. Natagpuan ko nalang ang sarili sa loob ng isang building. Madilim ang loob kahit tanghali. Patay-sindi ang mga ilaw na may iba’t-ibang kulay. May pula, orange, yellow at green.
Napakalakas ang sound. Nakakabingi.
Kapansin-pansin din ang itim na pintura sa loob. Itim ang dingding. Itim ang kisame. Pati mesa itim din.
Halo-halo ang mga tao sa loob. Kanya-kanyang trip. May gumigiling. May parang puno lang ng saging na hinangin. At meron ding walang pakialam sa mundo at patuloy na nilunod ang sarili sa beer.

Sa bandang sulok pinili umupo ng grupo namin. Marami kami:babae at lalaki. Inabutan ako ng mainom na naka-can. Dahil madilim, kailangan ko pang iangat ang can para makita ang sulat. Binasa ko. Carlsberg ang tatak.
“Wag muna tingnan. Inumin mo nalang yan. Beer yan”, patawang sabi ng kasama ko.
Sinegurado ko lang na hindi lason.
Mahirap na. Iniikot-ikot ko ang can baka may drawing bungo at ekis. Buti wala naman.

Dahil sa pamimilit ng barkada, sumama ako sa kanila papuntang dance floor. Disco ba kumbaga.
Pero hindi yun ang totoong dahilan. Gusto ko lang makita ng malapitan ang maganda at sexy na kanina pa gumugiling habang hawak ang pool. Linawin ko lang: ang paglapit ko ay walang halong kamanyakan. Gusto ko lang i-confirm. Minsan kasi madaya ang mata. Maganda lang sa malayo pero hindi naman pala sa malapitan.

Ang daming tao sa dance floor. Siksikan. Nagkabanggaan na ng puwet. Pero walang malisya. Walang pakialaman. Kahit anong steps ang mabuo. Yung iba may potential bilang dancer. Meron ding parang buntot lang ng butiki na naputol. Pero karamihan ay hindi mo maitindihan kung sumasayaw nga ba. Sad to say, isa ako sa kanila. Para lang ipaalam sa mga anduon na ako ay tao hindi poste, sinasabayan ko ang maingay na music sa pamamagitan ng pag-angat ng aking mga paa. Alternate yun. Left and right. Para naman bumagay, ginagalaw ko  ng bahagya ang aking balikat. Yan ang step ko. Paulit-ulit. Sayaw pangkonsehal. Na-imagine mo ba paano ako sumayaw?

Nang ma-realize ko na para lang pala akong nang-aapak ng mga gumagapang na ipis sa sahig, nagpasya akong umupo nalang at iwan ang barakada. Kahit pa hindi natuloy ang plano ko. Ang plano na makipagkilala sa babaeng nasa aking likuran. Nabuo ang aking interes na parang kulangot sa loob lang ng ilang segundo. Kanina pa kasi napansin kong kinikiskis ang puwet niya sa akin. Buti na nga lang aircon ang loob. Kung hindi pa, umaapoy na kaming dalawa dahil sa friction.
Bago ako umalis, sinulyapan ko muli ang babaeng nasa pool. Maganda nga, talaga, malayo man o malapit. Mas maganda pa kaysa nasa likuran ko. At mas sexy din. Yun nga lang. Mahirap sabihin. Nasa isip ko ang mabangong sampaguita na nalaglag sa putik. Sayang!

Pagbalik ko sa upuan, andun pa ang aking beer. Inalog ko. Mabigat pa. Marami pa ang laman. Hindi man lang ako nangalahati.
Biglang may naisip akong kakaiba. Para mas cool ang eksena, nagsindi ako ng yosi. Ganitong-ganito ang mga napanood ko sa mga action films na  gawang pinoy. Nag-iisa sa table at kunwari galit sa mundo. Naka-jacket. Beer sa kanang kamay, umuusok na yosi naman sa kaliwa. Bagay na bagay. Astig!

Ewan ko hindi naman safeguard ang gamit ko pero dinig kong kinausap ako ng aking konsensya. Sinigawan pa.
“Ano ang ginagawa mo dyan, gago?”
Para akong nalaglag sa puno at biglang bumalik ang aking ulirat. Inikot-ikot ko ang aking ulo. Sinusuri ang paligid. Ano nga ba ang ginagawa ko dito?
Hindi ako umiinom. Hindi din nanigarilyo. At lalong hindi sumasayaw.
Disco house? Inuman!
Mahalintulad ako sa baboy-ramo na napadpad sa siyudad. Hindi ito ang mundong nais kong galawan. Masaya na ako sa masukal kong daigdig.
Pagdo-drawing, computer, pagbabasa ng libro, kuntento at masaya na ‘ko. Ayaw ko dito. Hindi ko kailangang makiuso. Hindi ko kailangang magpatangay sa alon na tinatawag nilang modernesasyon. Gawin ko kung ano ang para sa akin ay tama. Hindi bale sabihin nila na ako’y iba o kakaiba. Sapat ng dahilan na tanggap ko ang sarili para ipakita ang tunay na sarili. Gusto ko ang sinabi ng isang preacher, “I may not stand tall in the crowd but I will stand out.”

Hindi ko hinihithit ang segarilyo. Nilagay ko sa bunganga ng beer na hindi ko naubos. Maya-maya dumating ang babaeng isa sa mga kasama ko. Sabi niya, “bakit hindi mo hinithit yan?”
“Hindi kasi ako nanigarilyo. Nilalamok lang ako kaya ginagawa kong katol ang yosi mo”, reply ko sa kanya.

Tumawa nalang siya sabay batok sa akin.
“Gago ka talaga!”

Linggo, Hulyo 24, 2011

Taiwan(karugtong)


Umalis ang eroplano sa Pilipinas ng 7:40 AM. Dumating kami sa Taiwan ng 9:50AM.  Ang lapit lang pala.

Maganda ang Taiwan Airport. Organisado. Kung ang atin ay parang public market , dito  parang sementeryo. Iilan lang ang tao. Tanda ng kanilang maliit na populasyon.

Habang hinihintay  namin ang broker na sundo, ang daming pumapasok sa isip ko. Kumakabog ang aking dibdib. Ako ay nilalamig. Takot, pag-alala at pagkabahala. Sari-sari ang aking nararamdaman. Sinusungkit ako ng mga katanungan. Ano kaya ang maging trabaho ko? Ano kaya ang maging buhay ko dito? Hindi ko kaya pagsisihan ang pagresign sa dating kompanyang pinagtrabahoan sa loob ng limang taon para lang mag-abroad? Ito na kaya ang daang hinahanap ko  patungo sa magandang pagbabago? O di kaya ito ang daan na kailan man ay hindi ko na lilingonin o naisin mang balikan? Tanging diyos lang ang nakakaalam. Bago ako sumakay sa sundo naming van, tinapik ko ang aking kaliwang balikat gamit ang kanang kamay sabay sabi sa sarili, “GOODLUCK”!

Ospital ang dinalhan namin ng tagasundo na Taiwanese. Pumunta kami dun para sa medical exam. Ibang-iba ang Taiwan. Ang mga crew dun ay subsob sa trabaho. Hindi nagkukuwentuhan. Parang robot na naka-program. Kung kumilos parang walang sinayang na segundo. Ang bilis ng proseso kaya saglit lang pumila. At hindi lang yun ang napansin ko. Cute ang mga Taiwanese na babae at hindi maarte. Nung kinunan ako ng dugo aksedenteng tumama ang aking kamay sa didbdib ng nurse. Naalala ko relihiyoso pala ako at gentleman. Inusog ko agad ang aking kamay. Pero hinila naman niya pabalik at tumama uli. Diyos ko hindi ko yun sinasadya. Wala na akong nagawa. Hinugasan ko nalang ang aking tumamang kamay para hindi ako masyadong nagkasala.

Pagkatapos sa ospital, dinala kami sa opisina sa aming broker. Binigyan kami ng pagkain nakalagay sa lunchbox na cartoon  at may kasamang chopsticks. Pientang ang tawag nila dun. Kung ako ang kumain pinakamatagal na ang 10 minutes pero dahil sa letseng chopsticks inabot ata ako ng kalahating oras. Kung ano-anu nalang ang ginawa ko sa dalawang sticks madakot ko lang ang pagkain.

Pagkatapos kumain, kinausap kami ni Sir Bert, aming broker. Matangkad na tao. Mata palang halatang may lahing  Chinese. 23 years na siyang nakatira sa Taiwan ayon sa kwento niya. Strikto si Sir Bert. Prangka at malaman ang mga salita pero mabait. Gusto ko ang kanyang ugali. Totoong tao at hindi plastik.

“Don’t expect too much here in Taiwan. As what I have told you in our online interview”, sabi nya sa amin.

Inexplain niya sa amin ang mga deductions at paano i-compute ang sweldo. Kung napansin niyo rin, ang mga nag-Saudi napakapagpatayo ng malalaki at magagandang bahay. Nakabili ng kotse. Pero sa mga nagta-Taiwan, parang wala pa ata. Talagang napakaliit lang ang sweldo dito. Pero sa kabila niyan, hindi parin napundi ang maliit na liwanag ng pag-asa dito sa aking puso. Nasa tamang pagastos lang yan. Kumbinsi ko sa sarili.

Mula sa opisina ng broker, dinala kami ni Sir Bert sa immigration para “ata” maging legal ang pag-stay namin dito. Hindi ako segurado. Saglit lang kamin dun. Napakabilis din ng kanilang proseso.
Sa dormitory na ang sunod naming destinasyon.  Dun ako manalagi sa loob ng dalawang taon kong kontrata. Medyo may  kalayuan pero ayos lang. Para din akong turista na nagto-tour at si Sir Bert naman ang tourist guide. Oppurtunity kong maituring ang pagkakataong iyon. Alam kong si sir Bert ay hindi pangkaraniwang tao. Hindi siya typical na taong makasalubong mo sa daan o di kaya makasabay mo sa pagtutuhog ng fishball at kwekwek. Medyo makwento din si sir Bert kaya sumasarap ang timpla ng aming usapan. Hanggang ngayon naalala ko parin ang mga sinasabi niya...
  • ·        Dito sa Taiwan, karamihan dito ay nagtatrabaho. Walang pagala-pagala dito. Walang tambay. Hindi katulad sa atin.
  • ·        Kung sa atin ang mga tao ay takot sa gobyerno. Dito takot ang gobyerno sa tao...walang abusadong pulis dito.
  • ·        Hindi uso dito ang “lagay”. Lahat ay dokumentado. Lahat ay nasa tamang proseso. Ayon sa batas.
  • ·        Mabilis ang serbisyo nila dito. Hindi pwede ang bagal-bagal. Kung mabagal ka, mawalan ka ng customer.

Maya-maya dumaan kami sa expressway at huminto ang sinasakyan namin sa tollgate. Ini-swipe lang ang card at ok na. Ang bilis! Wala ng sukli-sukli. Pero hindi pa sila nakontento.  Sabi ni Sir Bert may balak pang palitan ng gobyerno nila yun. Instead of swiping, kabitan  nalang ng device ang sasakyan at automatic i-read ang bawat pagdaan. Mas mabilis yun.

Habang binabaybay namin ang mahabang daan, kapansin-pansin ang mga luntian at mayabong na punong kahoy. Umandar ang aking pagka-usesero. Hindi ko pinalampas ang pagkakataon. Tinanong ko si Sir Bert kung paano napanatili ang dami ng mga puno sa kabila ng kanilang pagiging industriyalisado. Ang daming sinabi ni Sir. Ang haba ng kanyang paliwang. Pero sa naintindihan ko lang kaya ganun dahil hindi basta-basta pinuputol ang kanilang mga puno. Kailangan mo pang kumuha ng permit kahit ikaw pa ang may-ari.

Gumulong ang aming usapan at napunta sa lupa.
“Dito sa Taiwan may apat na klase ng lupa: agricultural, industriyal, commercial at residential. Kung ang lupa mo ay nasa agricultural area dapat taniman lang yun. Pwede mang tayuan ng bahay pero dapat 10% na parte lang sa kabuhuang laki ng lupa, “ paliwanag niya.
Natahimik ako. Nasabi ko sa sarili, napakaistrikto naman ng gobyerno nila. Pero maganda naman ang kinalabasan. Pwede kaya ang ganitong mga patakaran sa atin?

Dumating kami sa dormitory medyo hapon na. Inayos ko ang aking mga gamit at nagpahinga. Nakakapanibago ang temperature. Dahil Oktubre medyo nagsimula ng lumamig. Palatandaan ng parating na winter season. Wala pa naman akong baong jacket. Ang pinagtaka ko lang, ang mga room mate ko ay naka-electric fan. Habang ako nama’y naka-comforter. Sila ay naiinitan ako nama’y nilalamig. Seguro sanayan lang.

Hindi ako nakaramdam ng homesick pero hirap akong makatulog. Naglaro sa isip ko ang mga nangyari sa boung araw. Mula  sa Cavite, sa NAIA, sa eroplano, sa Taiwan airport, sa ospital, sa opisina ng broker, sa immigration hanggang dito sa dorm. Sino bang mag-akala na makarating pala ako dito. Malay ko bang matuloy pala ang aking flight sa kabila ng makailang beses na ma-postpone. Nagpa-flashback sa isip ko ang mga nangyayari.  Kaba, takot, pag-alala, pag-alinlangan at excitement. Naitindihan ko na ngayon kung bakit willing gumastos ng libo-libo ang mga turista para lang pumunta sa iba’t-ibang bansa kahit may nangingidnap na abu sayaff at nangho-hostage sa bus. Balewala pala ang panganib dahil mas nangingibabaw ang excitement na may kasamang learning. Sa dalawang taon ko dito, sikapin kong malibot ang ilang parte ng Taiwan.

Malaking pasalamat ko kay Si Bert sa mga na-share niyang ideas. Sa unang araw ko dito, marami na akong nalalaman tungkol sa Taiwan. Maliit lang pala ang Taiwan. Mas malaki pa nga ang buong Luzon. Kaya ito tinatawag na ROC ibig sabihin Republic of China. Sa Pilipinas may dalawang season: wet and dry. Pero dito apat: spring, winter summer ang fall. May iilang parte sa Taiwan ang  may snow pero sa tinitirhan ko wala. Organisado ang Taiwan. Malinis at maraming puno. Desiplinado din ang mga tao kaya walang masyadong basura. Seguro hindi corrupt ang gobyerno nila kaya sila maunlad.

Habang kausap ko si Sir Bert kanina, napansin ko ang paulit-ulit niyang binanggit ang words na “hindi katulad sa atin” at “lahat dito ay nasa tamang proseso. Ayon sa batas”. Kung pakinggan, parang lubog na lubog ang Pilipinas. Pero maski ako na purong Pilipino hindi ko maiwasang mai-compare ang Taiwan sa Pilipinas. Totoo, walang-wala tayo kung kaunlaran at desiplina lang ang pag-uusapan.

Bago ko tuluyang ipikit ang aking mga mata, sinabi ko sa sarili: kahit gaano kaganda ang Taiwan, hindi ko ipagpalit ang Pilipinas. Mahal ko at mamahalin ko ang bayan ko.
Proudly Pinoy!
Bukas na pala magsimula ang aking trabaho. Tulog na ako.
Goodnight!

Biyernes, Hulyo 22, 2011

Taiwan


Tiningnan ko ang kalendaryo. Miyerkules. October 6, 2010. Napaka-memorable ang araw na to. Inikot-ikot ko ang aking mata sa loob ng bahay. Ang aking dalawang chacku ay nakasabit sa dingding. Hanaphanapin ko ‘to pagdating dun. Ang aking mga alagang daga ay masayang naglalaro sa hamster wheel. Tahimik naman at hindi gumagalaw  ang aking mga alagang isda sa aquarium. Para bang nalulungkot. Ramdam ata nila na ako’y aalis. Syempre hindi ko makalimutan tingnan kahit nasa sulok ang kapanganak palang na daga. Tahimik lang siyang natulog kasama ang  tatlong anak.
Ma-miss ko ang bahay na to. Ma-miss ko ang kabaitan nila ate at kuya. Ma-miss ko ang mga taong mabait sa akin. Ang aking mga kaibigan. Limang taon mahigit din  ako dito kaya talagang ma-miss ko ang Cavite. At saka, ma-miss ko rin ang aking mga alaga.

Nakaimpake na lahat. Ang Visa at passport nasa bag narin. Wala ng makapagpipigil pa. Lilipad na ako papuntang Taiwan para magtrabaho. Actually dalawa ang pakay ko. Gumala at magtrabaho.
Mga 4:00 a.m  ako dumating sa airport kahit 7:00 am pa ang aking flight. Masyado daw akong excited sabi ni kuya. Seguro nga tama siya.
Hindi ko first time sumakay ng eroplano pero first time kong sumakay ng international flight. Buti nalang meron akong kasama kaya dalawa kaming nalito at naligaw-sakit ng mga first timer. Mga iilan din ang aming inistorbo ng tanong bago kami makapasok sa mismong loob.

Nagulat pa nga ako ng biglang tumunog ang metal detector. Ang inakala ko ay may nalunok akong metal kaya may na-detect parin sa kabila ng tinanggal ko na ang aking belt at cellphone. Inabot din isang minuto at limampung segundo akong naka-hold(ganun ako ka-detalyado) bago ko ma-realize na barya lang pala sa bulsa ko ang dahilan. Minsan talaga umaandar ang aking pagkatanga.

Ang daming tao sa airport. Parang palengke. Klase-klase ang mukha. Iba-iba din ang katayuan sa buhay. Mapansin mo yun sa laki ng bag. Merong maliit na bag lang ang dala at meron ding mas malaki pa sa kanya. Seguro ang iba sa kanila ay bakasyonista. Pero tiyak kong karamihan ay katulad ko..OFW. Mga taong handang harapin ang lungkot maibigay lang ang financial na pangangailangan ng pamilya. Tanging lakas lang ng loob ang pinanghahawakan sa buhay. Kahit kumikislap na patalim ay handang kapitan. Bahala na ano man ang panganib ang naghihintay.
Pila, inspection. Pila, inspection…ang mga dinaanan ko bago makapasok sa loob ng eroplano. Tandang-tanda ko pa. PR 0896 ang aking flight number. PAL ang eroplano. Taipie ang destination. Sa bandang puwet ako ng eroplano nakaupo. Ayon sa survey, sa puwetan ng eroplano ang pinakasafe na parte. Pero sa lipad na may taas na 26,000 feet tingin ko walang ligtas kahit saang sulok ng eroplano umupo kung  mag-crash.

After one hour lumipad ang eroplano, ini-serve ang breakfast.  Lumapit sa akin ang maganda at sexing babae na may tulak-tulak na cart. Stewardess ata yun. Ang daming ulam ang kanyang binanggit at nagtanong kung ano daw ang gusto ko. Sa ganda ba naman nya,  hindi ko na nakuhang mag-isip. Mabilis ko siyang sinagot na “ikaw ang gusto ko”. Pero seyempre sa isip ko lang yun. Bago pa niya ako masampal, sabi ko Chicken Adobo. Pinili ko yun hindi dahil favorite ko kundi yun lang ang kilala ko.

Habang ako’y kumakain may lumapit na naman na sexy at maganda. Oo, na naman. Iwan ko ba kung bakit halos lahat ng mga crew sa eroplano ay mga magaganda. Kung pwede palang sa eroplano na ako tumira.
“Drinks sir” sabi niya habang nakangiti.
Pero hindi ibig sabihin nun natuwa siya sa akin o nagpa-cute. Kasama lang sa trabaho ang pag-ngiti.
Pineapple juice, ang sagot ko. Pero wala daw silang ganun. Dahil dalawa lang ang alam kong flavor, mabilis ko siyang sinagot na orange nalang.

(itutuloy)                                                      

Biyernes, Hulyo 15, 2011

Animal Cruelty?


Nananalaytay na sa dugo at tumira sa utak kasama ng mga neurons ang pagka-cruel ng tao sa mga hayop. Isipin mo, ANO ang kinalaman ng kangaroo kung mahina ang iyong IQ at hindi mo mahulaan ang jumble words para sila bigtiin?
Kawawa naman ng mga penguin na pinapalo at ibinabangga sa mga polar bear.
Naitindihan kong pangit ang mga zombies kaya makatwiran lang silang ipapatay sa mga alaga mong halaman pero injustice para sa mga birds na ibala mo lang sa tirador para patamaan ang maliit na monster.
Hindi ko ma-imagine ang sakit na nararamdaman ng mga ibon tuwing bumabangga sa pader at bumabagsak sa lupa. Naglagasan ang mga balahibo sa walang kamuwang-muwang na pink na ibon. Wawa naman.


Malamang inabot ka ng pagkalito sa mga nabasa mo sa itaas. Ang mga tinutukoy ko ay ang Hangaroo, Crazy Penguin, Plants VS. Zombies at saka Angry Birds.
Sabi ni Kuya Kim, natural na sa pag-iisip ng tao na kung may lumilipad(ibon) dapat tinitirador o binabaril. Seguro nga hindi natin nakita ang kahalagahan ng mga hayop lalo na sa mga ibon.
Sa kabilang banda, ewan ko kung ano ang tinira ng mga computer programmers na may pakana sa mga games na nabanggit ko para maisip nilang paglaruan ang mga hayop hanggang sa virtual worlds. Pero aminin ko kahanga-hanga ang mga naisip nila at enjoyment ang maibigay sa tao lalo pa’t karamihan sa mga ito ay ma-download mo ng libre.
Isa sa mga nakinabang nito ay ang mga empleyado na pagod na sa kakaharap ng computer para gumawa ng reports o sa pag-encode ng mga data. Pangontra boring din ‘to at pantanggal antok kung wala ang mga boss.

Linawin ko lang, hindi ako kontra o sang-ayon. Ang masasabi ko lang na sana hindi ito ang maging buto at tumubo sa kaalaman ng mga bata na ang mga hayop ay dapat paglalaruan at inaabuso. Mahalaga ang mga hayop. Bukod sa nagbibigay ganda ito sa kapaligiran, tumutulong din ito para ibalanse ang takbo ng kalikasan.


Linggo, Hulyo 10, 2011

Pagbabago(karugtong)

Pagising natin bawat umaga meron tayong dalawang pagpipilian. Una, gawin ang nakasanayan at maghintay ng pagbabago. Pangalawa, gumawa mismo ng pagbabago. Bigla itong pumasok sa isip ko. Ewan saan galing.

Kung walang butas palabas, ako mismo gagawa ng butas. Hindi ko hihintayin lumapit ang oppurtunity. Ako ang hahanap ng opportunity. Naging literal ata ang aking paghahanap. Ginagalugad ko ang internet sa paghahanap ng job hiring. Nag-register ako sa lahat ng alam kong job-hiring website. Bawat galaw ng computer mouse..bawat pindut, kasama ang pag-asa. Gamit ang e-mail, nagpadala ako ng mahigit 20 na application letter na may naka-attached na resume at TOR. Nakailang revise na ‘ko sa application letter para lang mapansin ng employer. Kulang nalang,  magdrama na ko dun.

Ganun ako kadeterminado. Pero mali ata. Bawiin ko ang determinado. Pinakaakma ata ang desperado.
Oo, desperado. Desperado dahil hindi pa ako tumigil. Bumili ako lagi ng newspaper na ang laman ay puro job ads. Pinuntahan ko ang mga lugar na alam kong may job fair. Maglakad sa ilalim ng galit na araw. Minsan ma-ulanan. Kadalasan nalipasan ng gutom. Ginagawa ko ang lahat umaasang matanggap. Hirap.

Gumulong ang panahon. Ang araw ay naging linggo. Ang linggo naman ay naging buwan. Ang bilis ng panahon. Paglipas ng tatlong buwan, wala paring nangyari. Pero may nagreply naman sa mga ina-applayan ko.
Pinapunta ako for job interview bilang computer technician sa Quezon City pero hindi ako pumunta. Hindi ko alam ang lugar at hindi ako pinayagan mag-leave sa trabaho. Nag-reply din ang ina-applayan kong AutoCAD operator. Pero hindi ko tinuloy. Ang baba. Php 10000 lang ang buwan. Tinawagan din ako sa isang call center sa ina-applayan kong technical support. Pero deni-discourage ako ni kuya. Php 15 thousand lang daw ang buwan. Mag-abroad ka nalang, sabi niya. Natigilan ako dun. Napaisip. binibilog-bilog ko ang kulangot saka pinitik. Oo nga pala.
Kung hindi ako sinuwerte sa local, subukan kong sungkitin ang abroad. Alam kong hindi ako matalino. Aminado akong hindi magaling. Pero may pinanghahawakan pa ako. Ang lakas ng loob. Sabi nila, nasa tao ang gawa, nasa Diyos ang awa. Daanin ko nalang sa sipag, tiyaga at dasal.

Tama ‘yang nabasa mo, dasal. Saksi ang simbahan ng Baclaran at Malate sa aking pag-aapply. Mga tatlong magkaibang agency ang aking binabalik-balikan. Bawat punta sa agency, dumaan muna ako sa Baclaran church. Pagbaba ko sa Mabini, papasok na naman ako sa Malate church.

Kung ang inakala mo matanggap ako agad dahil sa dasal, nagkakamali ka. Makailang beses na akong i-reject sa employer line up dahil sa aking height. 165 cm ang required, 163 cm lang ako. Naranasan ko naring maghintay sa agency ng buong araw ng walang matinong kain. Ang masaklap pa, hindi ako ine-interview ng employer. Maliit daw ang aking katawan. Gusto ko siyang bigyan ng right hook punch. Para maipaalam ko sa kanya ang nasa loob ko. Naghintay ako ng ganun pero napunta lang sa wala. Ewan, kargador ata na trabaho ang ino-offer nila.

Masakit maranasan ang ma-reject. Hindi lang ang kakayahan ko ang ni-reject nila kundi pati ang buo kong pagkatao. Lagabog ang upuan sa bigat ng aking balikat pagsampa ko sa bus papuntang Cavite. Sayang ang araw ko. Daig ko pa ang natalo sa tong-its. Bukas, sangkatutak na sinungaling ang isulat ko na naman sa leave form pirmahan lang ng aking line leader. Nagamit ko na ata lahat ng reason na may “ache” sa huli.

Ang isip ko ay gusto ng sumuko pero ang loob ko ay may maibuga pa. Kaya pa. Sabi nga ng commercial sa TV, tomorrow is another day.

Hindi ko alam ang ensaktong nangyari. Sa makailang beses akong pabalik-balik sa agency, namalayan ko nalang nakapasa na pala sa interview at nag-asikaso ng papel. Kung may tiyaga daw, may nilaga. Totoo nga. Pakiramdam ko, humigop ako ng mainit na mainit na nilagang baka pagkatapos ako umattend sa PDOS(Pre-Departure Orientation Seminar).
Lumiwanag na ang pag-asa mula sa pangangapa at sakripisyo.
Yes! Napasigaw ako parang tanga.
Good day sunshine!

Linggo, Hulyo 3, 2011

Iba Na Ngayon

Iba na nga ang panahon ngayon. Ang noon ay hindi na ngayon. Ang layo na ng pinagkaiba. Tuluyan na nating iniwanan ang kahapon para tanggapin ang ngayon at salubungin ang darating na bukas. Sabi ng teacher ko sa English dati, “only permanent in this world is the word changes”. Dati hindi ako sang-ayon pero ngayon agree na. Ikaw, ako, sila ay magbabago kahit anong oras o panahon.
Garantisado yan. 


Kung pumunta naman tayo sa usapang teknolohiya, napakalayo na ang ating narating kung titigil tayo at lingonin natin ang noon.
Ang kalikasan ay sumabay din sa pagbabago. Climate change kung tawagin ng mga seyentipiko.
Ang mga babae? Nagbago na  rin. Lalo na sa atin dito sa Pinas. Liberated na daw sila. Hindi na sila pahuhuli sa mga lalaki. Wala na ang tipong Maria Clara. Kaya na nilang gawin ang mga ginagawa ng lalaki. Pagbabago.

Pero ang nakakuha sa aking atensyon at naging ugat-dahilan para isulat ko ang nabasa mo ngayon ay ang pagbabago na nangyaring sa mga hayop.

“Para talaga kayong aso at pusa laging nag-aaway. Hindi kayo puwedeng pagsamahin”, kasabihan yan ng mga matatanda dati. Pero wag kang magkamaling gamitin ‘yan ngayon.
Iba na ngayon. Sino ang nagsasabing hindi pwede pagsamahin ang aso at pusa?






Kung dati ang mga manok, bibi at pato ay hinahabol ng mga aso para lapain at kainin. Pero iba na ngayon.




Ang mga gorilla din ay hindi na nagpahuli. Sumabay din sa pagbabago. Ibahin niyo sila ngayon.





Hindi na ako dapat magtaka kung balang araw mabalitaan ko nalang na may mga unggoy na sa mga porn sites. Anak ng tikbalang! Ano naman kaya ang sunod na mga pagbabago?

Linggo, Hunyo 26, 2011

Pagbabago

Hinukay ko ang sarili sa higaan. Ang sarap pa sanang matulog. Gusto ko pang isubsob ang mukha sa unan at yakapin ng buong higpit ang dulo ng kumot. Gusto ko pang ipikit ang mabigat na talukap at samantalahin ang bawat segundo. Pero hindi na pwede. Nakailang snooze na ang alarm clock. Lampas alas kwatro na ng madaling araw.
Hinila ko ang aking mga paa pababa sa hagdanan. Papungaspungas pa. Tulog pa ata ang aking kaluluwa.
Kailangan kong magising. Kailangan kong maligo. Lunes ngayon. Unang araw ng lingo. At trabaho na naman. Maglilimang taon na ako sa kompanyang pinagtatrabahoan ko.
Nakakasawa na.
Paulit-ulit nalang.
Wala namang magandang nangyari.

Kinuha ko ang salamin at umupo sa inidoro. Alam kong hindi pa sumuko ang aking loob. Kilala ko ang aking sarili. Alam ko kung hanggang saan kaya ang iunat ng aking kakayanan at hindi pa ito maputol. Pero kitang-kita sa salamin ang unti-unting pagsuko ng aking katawan. Kahit gaano katatag ang loob pero kung mahina naman ang katawan, seguradong hindi magtatagal. Parang bahay. Gaano man katibay ang bubong pero mahina naman ang pundasyon, wala rin itong kwenta. Kalaunan, guguho rin. Yan ang inaalala ko.

Kitang-kita sa salamin ang mga lumulutang na buto. Parang rough-road na dinaanan ng baha. Nakakangayat ang araw-araw na pagpasok ko sa trabaho at pag-uwi. Mag-bike ako ng mga 15-20 minutes. Minsan ang matinding pangangailangan nalang ang naging gasolina para ituloy ko ang pagpadyak. Tapos, sasakay ng jeep. Umagang-umaga palang at wala pang araw pero amoy-araw na ‘ko. Nakakailang. Mga dalaga pa naman ang kadalasan kong katabi.

Hindi pa nga tuluyang natuyo ang pawis ko sa likod, maglalakad na naman ako mula main gate ng eco-zone papuntang company. Nakakapagod. Walang parte ng panyo ko ang tuyo pagdating sa locker room. Basang-basa sa pawis.

Nakita ko ang sarili sa isang daga na  na-trap sa isang sulok. Walang madaanan palabas. Walang butas malusotan. Nakulong ako sa isang routine. Gising. Trabaho. Uwi ng bahay. At gising naman uli. Para bang no-way out. Paikot-ikot nalang ang mga gagawin at paulit-ulit nalang ang mga nangyayari. Ayaw ko na pero ginagawa ko parin. Gumigising parin ako para magtrabaho. May invisible na commander  na nag-control sa akin. Nag-utos.

“Gumising ka. Maligo. Kumain at magtrabaho.”

Kapag lumabag sa utos, baril sa ulo. Seguro sa puntong ito naging exaggerated ako. Pero parang ganun na nga. Sa huli, na-realize ko na “takot” lang pala ang nagcontrol sa akin. Natakot akong mag-absent dahil takot ako mawalan ng trabaho. Ang nakakatuwa, natakot ako mawalan sa trabahong ayaw ko naman. Hindi naman sa tinatamad ako o tamad ako. Gusto ko ang magtrabaho. Parte yun ng buhay. Ang tanging hiling ko lang naman ay pagbabago.

“Tama, pagbabago! Yan ang gagawin ko.”

Tumayo ako sa inidoro. Inilapag ang salamin at binuhosan para lumubog ang dapat maglaho. Quarter to five na pala. Alas sais ang pasok ko. Maligo na ‘ko. Saka ko nalang ituloy ang kwento. Sa ngayon, sapat ng maipaalam ko sa inyo na tumatae ako bago pumasok sa trabaho.


Sabado, Hunyo 25, 2011

Walang Girlfriend


Nitong Linggo lang marami ang nagtanong sa akin kung ayos ba ang buhay na walang girlfriend. Hirap akong makasagot. Hindi ko alam kong paano sagutin. Kasi, hindi ko pwedeng sabihing ok lang, kasi hindi naman talaga ok. Sa parehong paraan na hindi ko puwedeng sabihing hindi ok, kasi ok lang naman ako. Seguro nga malabo ang aking mga sagot. Kaya para sa kapakanan ng mga nalalaboan, ito na ang pinakapormal at ang pinakadetalyado kong paliwang:  

1. Maganda ang walang girlfriend kasi wala kang ibang alalahanin. Pwede kang maglakad ng mabilis at hindi kana mag-alala pa kung may naiwan kang kasama. 

2. Maganda ang walang girlfriend kasi mas tipid. Hindi kana mamroblema panggastos sa date. Kahit laging solo flight kung may lakad, ok lang. Wala ka namang i-lebre sa pamasahi. Magtanghalian ka lang ng kwek-kwek solve na at hindi kana kailangang mag-jollibee. Hindi rin magastos sa load kasi hindi mo obligasyon ang magtext at wala ring magagalit kung hindi ka magrereply. Bababa rin ang bill nyo sa tubig dahil ok lang kahit makalimutan o diba isang beses ka lang maligo sa isang Linggo, eh total wala namang tatabi sayo. Ayos lang din kung hindi bumili ng pabango, wala namang yayakap at aamoy. Hindi rin kailangang mag-gel, wala namang papogehan at hindi na kailangang laging nasa ayos ang get-up. Buhaghag man ang buhok, nosi balasi. Lalong hindi na kailangan pang bumili ng toothpaste, pwede na kasing hindi mag-toothbrush total namang hahalikan. Tipid yun diba? Mahal din kaya ang bawat cubic meter ng tubig, ang gel, ang toothpaste at lalo na ang pabango. 

3. Maganda ang walang girlfriend kasi hawak mo ang panahon at oras. Pwede kang magpahinga kahit anong oras na gusto mo at walang mang-iistorbo. Wala kang kailangan ihatid at wala ka ring kailangang sunduin. Hindi kana rin obligado bumangon ng alas onse ng gabi para magpaload upang lang maka-reply ng “Gudnyt dn at I luv u 2”.

4. Maganda ang walang girlfriend kasi bawas problema at iwas gulo. Walang “LQ”…Hindi ka magseselos at seyempre walang ding magseselos kaya ok lang kung maging masyadong close sa mga kaibigang babae.

5. Maganda ang walang girlfriend lalo pa’t may okasyon na hindi mo pwedeng iwasan at kalimutan. Tulad nalang ng valentine’s day, monthsary, anniversary at birthday. Wala kang regalohan at hindi na sasakit ang ulo mo sa kakaisip paano gumawa ng romantic date. 








PS: Oo, ang walang girlfriend ay maganda yun nga lang hindi masaya.

Tunay na Kahulugan sa User or Profile Picture

Hindi na mapipigilan pa at wala ng makapagpipigil. Nasa ibang level ng henerasyon na nga tayo.  Computer Age kung tawagin nila.

Dito sa atin sa Pilipinas, kahit medyo huli tayo sa teknolohiya pero nakuha pa nating humabol at makipagsabayan sa mga taga-ibang bansa.  Iba nga talaga ang pinoy.  Hindi tayo pahuhuli.  Kung gamitan natin ng analogy, handa tayong makipag-giyera kahit itak lang ang dala.

Kapansin-pansin ang pagdami sa mga social networking sites ngayon. Friendster ang unang nagpa-uso dito sa atin. Tapos, inabutan ng pagkasawa, lumipat naman sa facebook .  At hindi lang yan. Meron  pang twitter , multiply at marami pa.

Sa mga social network account, hindi mawawala ang user picture o profile photo.  Pero hindi ako segurado.  Seguro, kung hindi man lahat pero halos. Pero ito ang tanging segurado ko: ang proflile picture ay piling-pili at da-best sa lahat ng mga picture. Makita mo dun sa profile photo  ang nakangiti, meron pang talagang tawa, may nagpapacute,  may kunwari nag-eemot, may nag-iinarte, may nagpa-pogie, may naka-sideview at meron ding hindi nagpakita ng mukha. Pero hindi pa natapos  diyan ang mysterio. May nagpapakita ng cleavage, panty  at kung anu-ano pa. Kulang nalang ipakita ang hindi dapat.

Tulak ng pagiging curiosity, hinanap ko sa google kung may iba pa bang ibig sabihin ang ngiti, ang tawa, ang pagpacute, ang cleavage at higit sa lahat ang panty. Buti may website na sumagot. The truth behind user pictures. Ibahagi ko sa inyo:



                                


                 

Huwebes, Hunyo 23, 2011

PAG-AASAWA

Nakita ko sa friendster ang matalik kong kaibigan at classmate noong high school. Siya na pala ay may anak. Halos lahat ng album niya, picture ng anak ang nakalagay pati pa nga sa primary photo. Kahit hindi ko siya nakita ng personal pero ramdam ko ang kanyang tuwa habang tinitingnan ko ang kanyang profile.
Iba nga talaga ang sayang dulot ng anak sa ama lalo pa’t first baby. Ilang sandali ang lumipas, naalala ko ang sinabi sa isa ko pang classmate noong high school. Sabi niya halos lahat daw nang kakalase namin ay may asawa na at iilan nalang kaming wala pa.
Napaisip ako ng malalim at napatanong: Matanda naba ako? Dapat naba akong magkaanak? Dapat naba akong mag-asawa? Tuluyan naba akong iniwanan ng panahon?...
Kung mag-aasawa ako ngayon, tiyak na mabagsak  ang mga bolang babasagin na kasalukuyang hawak-hawak ko. Marami na rin ang hirap ang aking tinitiis. Marami na rin ang mga nadamay. Marami na rin ang aking mga sinakripisyo. Ayokong basta mawalan lang iyun ng saysay. Sayang lang kung dahil lang sa maling desisyon ay mabasag ang mga ito. Kaya hindi muna ako dapat mag-asawa at dapat kumbinsihin ko ang sarili. Kailangan akong mag-isip ng dahilan at epektibong paraan para makumbinsi ang sarili. Sa mahabang oras kung pag-iisip(mga 3 minutes siguro), ito ang mga naisip ko. I-share ko sa iyo baka saka-sakali may mapulot ka nito.

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Wala pa naman akong girlfriend. At hindi muna ako pwedeng magkagirlfriend habang ako’y nag-aaral. Mali at hindi ako sang-ayon na ang girlfriend ay magandang inspirasyon kasi depende yun. Kung maka-timing ka ng matino at mabait na babae, inspirasyon nga yung matawag. Pero kung ang mapili mo ay walang kwenta at malandi, anay lang yun na unti-unting kakain sa iyong determinasyon at sisira sa iyong mga pangarap. Sa kabilang banda, kung inspirasyon lang ang gusto mo bakit maghahanap ka pa ng iba tao. Andyan ang mga magulang mo na simula’t simula pa ay laging nasa tabi mo at hindi nauubusan ng payo para sa iyo. Pero kung tutuusin ang mga magulang ay second choice lang. Dahil para sa akin, ang pagkaako-ang kalagayan ko at ang sarili ko ay mismo at sapat ng dahilan para magsikap ako.

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Itinuturing ko ang sarili ko bilang manunulat at ang buhay ko ay ang mismong kwento na aking sinusulat. Syempre lahat ng manunulat ay adhikaing makabuo ng magandang kuwento. Maganda-yung tipong makapagbibigay aliw sa iba at naghahasik ng aral sa mga sinumang gustong mamulot. Ang gusto kong kwento ay yung kasing kulay sa mundo ni “Stuart Little”, nakakatuwa katulad sa “Tom and Jerry”, at mala-adventure gaya ng “Mission Odessey”.
Diba exciting pag ganun? Pero kung mag-asawa ako ngayon, walang pinagkaiba ang kwento ko mga sa telenobelang naglipana.
Puro iyakan...nakakaantok...walang kwenta!
Wala na akong ibang alalahanin kundi ang kumita ng maraming-maraming pera para pambili ng diapper, pambili ng gatas, pambili ng vitamins sa anak, bayarin sa kuryente, kung walang sariling bahay-rent sa bahay, pagkain sa araw-araw at kung anu-ano pang obligasyon ko bilang asawa. Pag lumalaki ang anak, lumalaki din ang gastusin. Pambayad para sa skol at gamit, damit at kung anu-ano pa para magampanan ko ang obligasyon ko bilang ama. Habang pinapalaki ko ang aking anak, hinihintay ko na rin ang aking kamatayan. Pag namatay ako, ibaon nila ako sa lupa katulad sa pagtapos at pagsara ng aking storya. Dahil walang pinagkaiba ang kwento ko sa iba, unti-unti din nila akong makalimutan kasabay sa paglipas ng panahon.
‘Yoko ng buhay na ganun. Hindi interesting...Boring!

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Idol ko si Bob Ong. Sa mga hindi nakakaalam, pangalawang bibliya ko ang kanyang mga libro. Sa kanyang “Stainless Longganisa” sabi niya, “Wag ka munang magmadali sa pag-aasawa. Pagkatapos ng dalawa, tatlo, lima hanggang sampung taon magbago pa ang pamantayan mo sa buhay at maisipan mo nalang na mali pala ang pumili ng kapareha dahil kaboses lang niya si Debbie Gibson. Pero totoo mahalaga ang kalooban ng tao higit na kung ano man. Yung mga crush ng bayan sa school magmukhang pandesal din yan paglipas ng panahon. Maniwala ka.”

(note:hindi ako sure kung word by word ganito ang pagkasulat ni Bob Ong. Hiniram kasi ang Stainless Longganisa kong libro. Pero sure akong ganito ang thought.)PS: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Martes, Hunyo 21, 2011

Retarded Na Addict

Nagkaroon kami sa skol ng mock interview. Siya nga pala kung hindi mo alam kung ano ang mock interview, wag mo nang usisahin. Maski ako hindi segurado kung ano nga ba talaga yun. Basta ang segurado ako interview yun. Tapos.
Nakasulat pa sa bulletin board kung ano ang dapat isout namin: black shoes, long sleeve with necktie at slacks. Wow, formal attire.
Anak ng tipaklong! Malaking problema...kahit buttones lang ng long sleeves ay wala ako. Sana zipper man lang ng slacks, lalong wala din. Ang sapatos at necktie ay walang problema. Meron si kuya. Kaya wala na akong ibang choice kundi ang lunukin ang pride at magmakaawa sa mga may kaya kong classmates para pahiramin.
 

“Ako na ang bahala sa long sleeves mo. Ipili kita ng maganda.” 

Sabi ng klasmet ko, “Maganda”. Maganda daw, yung tipong kung maaksidente ako at malasin, hindi na kailangang bihisan. Kunting pagpag lang, pwede na akong ideretso sa kabaong. Ang isa ko namang klasmet ay nag-oo at pahiramin daw din nya ako ng slacks. Solve! 

Kinabukasan, mock interview. Halong hiya at kaba ang nadama ko habang dinadala ako ng aking mga paa papasok sa skol. Pagdating ko dun, nanliliit ako lalo. Palibahasa kasi ako lang ang working student sa section namin. Ibig sabihin, ako ang pinakamahirap. Ang aking mga klasmet ay desenteng-desente. May parang mormoons, mayroon din mukhang abogado, may mukhang bigating negosyante, may mukhang ahente ng insurance, may mukhang pastor ng Iglesia ni Kristo at meron ding mukhang panglamay. Kung sila ay desenteng-desente, ako nama’y mukhang janitor. Ang suot ko lang ay ang puti kong polo shirt na kulay khaki (dahil hindi ako marunong maglaba). Penaresan ko yun ng kupas kung maong na pantalon na may tatak “LIVE’s” (hindi LEVI’S ha). Pero ayos lang, original naman ang sapatos kung suot. Imported! Nabili ko yun ng Php 150 sa ukay-ukay. Pamorma pa lang, kitang-kita na ang pinagkaiba sa katayuan namin sa buhay.
Habang kasama at kausap ko sila, pakiramdam ko nagmistula akong mumu
tain at ginarapatang askal na napahalo sa mga hi-breed. 

Nung sandali na yun, gusto ko nang magbihis para naman umayos-ayos ang itsura ko pero hindi pa dumating ang mga hiniraman ko ng long sleeves at slacks. Ang tagal. Isang oras ata ang inabot bago dumating. Pagdating, yun binigay niya agad sa akin ang long sleeves at nagbigay pa ng interview tips. Ang bait niya kamo. Bukod sa nagpahiram na nga, may interview tips pang nalalaman. Para na akong maluha-luha sa sobrang touched. Sabi niya:

“Kung tanungin ka sa interviewer kung hindi kaba natatakot habulin ng plantsa, sagutin mo lang na, nothing to worry sir. Mabilis ako tumakbo”.” 

Hanep! Sobrang gusot. Pero wala ang karapatan para umangal. Wala akong time para tumanggi. No choice kundi isuot. Mayamaya dumating naman ang hiniraman ko ng slacks at binigay din niya agad sa akin. Medyo nagulat ako nang aking makita. Seguro bunga lang ata ng katangahan at kunting kabobohan hindi ko man lang naisip kung ano ang maging hitsura ni Dagul kung suot ang pantalon ni Bonel Balinget. Ang klasmet kong hiniraman ng slacks ay malaking tao. Seguro nasa 5’9” at tantsa ko mga 33 inches ang bewang. Malaking tao talaga. Habang ako lang naman ay 5’5” ang aking height at 29 inches lang ang aking bewang (slim na slim). Kung laki ang pagbasehan, para siyang hegante ako nama’y dwende. Pero katulad sa nauna, wala na akong pagkakataon para umayaw at tumanggi. Kailangang isuot. Ipinagpalagay ko nalang na hanger ako nung time nayun. Kahit gaano kalaki, hala sout.
Pagkatapos kung isuot ang aking formal attire (w/ leather shoes) hindi ako makapaniwala sa aking nakita sa salamin. Hindi ko mapigilang itanong sa sarili kung ako ba talaga tong nakita ko. Kung curious ka at gusto mong malaman ang itsura ko, i-imagine mo nalang kung ano ang hitsura ng isang taong kulot at payatot na ang suot ay gusot-gusot na long sleeves, malaking-malaki ang slacks, idagdag mo pa dyan ang malaking sapatos. 

Totoo, kahit anong pilit, hindi ko na maalala kung ano talaga ang nangyari sa aking mock interview. Hindi ko na matandaan kung ano kaya ang mga naisagot ko. Tanging natandaan ko lang at hinding-hindi ko makakalimutan habang akoy buhay. Hindi ko maitanggi. Oo, noong araw na yun nagmukha akong RETARDED NA ADDICT.






Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.