Linggo, Hunyo 26, 2011

Pagbabago

Hinukay ko ang sarili sa higaan. Ang sarap pa sanang matulog. Gusto ko pang isubsob ang mukha sa unan at yakapin ng buong higpit ang dulo ng kumot. Gusto ko pang ipikit ang mabigat na talukap at samantalahin ang bawat segundo. Pero hindi na pwede. Nakailang snooze na ang alarm clock. Lampas alas kwatro na ng madaling araw.
Hinila ko ang aking mga paa pababa sa hagdanan. Papungaspungas pa. Tulog pa ata ang aking kaluluwa.
Kailangan kong magising. Kailangan kong maligo. Lunes ngayon. Unang araw ng lingo. At trabaho na naman. Maglilimang taon na ako sa kompanyang pinagtatrabahoan ko.
Nakakasawa na.
Paulit-ulit nalang.
Wala namang magandang nangyari.

Kinuha ko ang salamin at umupo sa inidoro. Alam kong hindi pa sumuko ang aking loob. Kilala ko ang aking sarili. Alam ko kung hanggang saan kaya ang iunat ng aking kakayanan at hindi pa ito maputol. Pero kitang-kita sa salamin ang unti-unting pagsuko ng aking katawan. Kahit gaano katatag ang loob pero kung mahina naman ang katawan, seguradong hindi magtatagal. Parang bahay. Gaano man katibay ang bubong pero mahina naman ang pundasyon, wala rin itong kwenta. Kalaunan, guguho rin. Yan ang inaalala ko.

Kitang-kita sa salamin ang mga lumulutang na buto. Parang rough-road na dinaanan ng baha. Nakakangayat ang araw-araw na pagpasok ko sa trabaho at pag-uwi. Mag-bike ako ng mga 15-20 minutes. Minsan ang matinding pangangailangan nalang ang naging gasolina para ituloy ko ang pagpadyak. Tapos, sasakay ng jeep. Umagang-umaga palang at wala pang araw pero amoy-araw na ‘ko. Nakakailang. Mga dalaga pa naman ang kadalasan kong katabi.

Hindi pa nga tuluyang natuyo ang pawis ko sa likod, maglalakad na naman ako mula main gate ng eco-zone papuntang company. Nakakapagod. Walang parte ng panyo ko ang tuyo pagdating sa locker room. Basang-basa sa pawis.

Nakita ko ang sarili sa isang daga na  na-trap sa isang sulok. Walang madaanan palabas. Walang butas malusotan. Nakulong ako sa isang routine. Gising. Trabaho. Uwi ng bahay. At gising naman uli. Para bang no-way out. Paikot-ikot nalang ang mga gagawin at paulit-ulit nalang ang mga nangyayari. Ayaw ko na pero ginagawa ko parin. Gumigising parin ako para magtrabaho. May invisible na commander  na nag-control sa akin. Nag-utos.

“Gumising ka. Maligo. Kumain at magtrabaho.”

Kapag lumabag sa utos, baril sa ulo. Seguro sa puntong ito naging exaggerated ako. Pero parang ganun na nga. Sa huli, na-realize ko na “takot” lang pala ang nagcontrol sa akin. Natakot akong mag-absent dahil takot ako mawalan ng trabaho. Ang nakakatuwa, natakot ako mawalan sa trabahong ayaw ko naman. Hindi naman sa tinatamad ako o tamad ako. Gusto ko ang magtrabaho. Parte yun ng buhay. Ang tanging hiling ko lang naman ay pagbabago.

“Tama, pagbabago! Yan ang gagawin ko.”

Tumayo ako sa inidoro. Inilapag ang salamin at binuhosan para lumubog ang dapat maglaho. Quarter to five na pala. Alas sais ang pasok ko. Maligo na ‘ko. Saka ko nalang ituloy ang kwento. Sa ngayon, sapat ng maipaalam ko sa inyo na tumatae ako bago pumasok sa trabaho.


Sabado, Hunyo 25, 2011

Walang Girlfriend


Nitong Linggo lang marami ang nagtanong sa akin kung ayos ba ang buhay na walang girlfriend. Hirap akong makasagot. Hindi ko alam kong paano sagutin. Kasi, hindi ko pwedeng sabihing ok lang, kasi hindi naman talaga ok. Sa parehong paraan na hindi ko puwedeng sabihing hindi ok, kasi ok lang naman ako. Seguro nga malabo ang aking mga sagot. Kaya para sa kapakanan ng mga nalalaboan, ito na ang pinakapormal at ang pinakadetalyado kong paliwang:  

1. Maganda ang walang girlfriend kasi wala kang ibang alalahanin. Pwede kang maglakad ng mabilis at hindi kana mag-alala pa kung may naiwan kang kasama. 

2. Maganda ang walang girlfriend kasi mas tipid. Hindi kana mamroblema panggastos sa date. Kahit laging solo flight kung may lakad, ok lang. Wala ka namang i-lebre sa pamasahi. Magtanghalian ka lang ng kwek-kwek solve na at hindi kana kailangang mag-jollibee. Hindi rin magastos sa load kasi hindi mo obligasyon ang magtext at wala ring magagalit kung hindi ka magrereply. Bababa rin ang bill nyo sa tubig dahil ok lang kahit makalimutan o diba isang beses ka lang maligo sa isang Linggo, eh total wala namang tatabi sayo. Ayos lang din kung hindi bumili ng pabango, wala namang yayakap at aamoy. Hindi rin kailangang mag-gel, wala namang papogehan at hindi na kailangang laging nasa ayos ang get-up. Buhaghag man ang buhok, nosi balasi. Lalong hindi na kailangan pang bumili ng toothpaste, pwede na kasing hindi mag-toothbrush total namang hahalikan. Tipid yun diba? Mahal din kaya ang bawat cubic meter ng tubig, ang gel, ang toothpaste at lalo na ang pabango. 

3. Maganda ang walang girlfriend kasi hawak mo ang panahon at oras. Pwede kang magpahinga kahit anong oras na gusto mo at walang mang-iistorbo. Wala kang kailangan ihatid at wala ka ring kailangang sunduin. Hindi kana rin obligado bumangon ng alas onse ng gabi para magpaload upang lang maka-reply ng “Gudnyt dn at I luv u 2”.

4. Maganda ang walang girlfriend kasi bawas problema at iwas gulo. Walang “LQ”…Hindi ka magseselos at seyempre walang ding magseselos kaya ok lang kung maging masyadong close sa mga kaibigang babae.

5. Maganda ang walang girlfriend lalo pa’t may okasyon na hindi mo pwedeng iwasan at kalimutan. Tulad nalang ng valentine’s day, monthsary, anniversary at birthday. Wala kang regalohan at hindi na sasakit ang ulo mo sa kakaisip paano gumawa ng romantic date. 








PS: Oo, ang walang girlfriend ay maganda yun nga lang hindi masaya.

Tunay na Kahulugan sa User or Profile Picture

Hindi na mapipigilan pa at wala ng makapagpipigil. Nasa ibang level ng henerasyon na nga tayo.  Computer Age kung tawagin nila.

Dito sa atin sa Pilipinas, kahit medyo huli tayo sa teknolohiya pero nakuha pa nating humabol at makipagsabayan sa mga taga-ibang bansa.  Iba nga talaga ang pinoy.  Hindi tayo pahuhuli.  Kung gamitan natin ng analogy, handa tayong makipag-giyera kahit itak lang ang dala.

Kapansin-pansin ang pagdami sa mga social networking sites ngayon. Friendster ang unang nagpa-uso dito sa atin. Tapos, inabutan ng pagkasawa, lumipat naman sa facebook .  At hindi lang yan. Meron  pang twitter , multiply at marami pa.

Sa mga social network account, hindi mawawala ang user picture o profile photo.  Pero hindi ako segurado.  Seguro, kung hindi man lahat pero halos. Pero ito ang tanging segurado ko: ang proflile picture ay piling-pili at da-best sa lahat ng mga picture. Makita mo dun sa profile photo  ang nakangiti, meron pang talagang tawa, may nagpapacute,  may kunwari nag-eemot, may nag-iinarte, may nagpa-pogie, may naka-sideview at meron ding hindi nagpakita ng mukha. Pero hindi pa natapos  diyan ang mysterio. May nagpapakita ng cleavage, panty  at kung anu-ano pa. Kulang nalang ipakita ang hindi dapat.

Tulak ng pagiging curiosity, hinanap ko sa google kung may iba pa bang ibig sabihin ang ngiti, ang tawa, ang pagpacute, ang cleavage at higit sa lahat ang panty. Buti may website na sumagot. The truth behind user pictures. Ibahagi ko sa inyo:



                                


                 

Huwebes, Hunyo 23, 2011

PAG-AASAWA

Nakita ko sa friendster ang matalik kong kaibigan at classmate noong high school. Siya na pala ay may anak. Halos lahat ng album niya, picture ng anak ang nakalagay pati pa nga sa primary photo. Kahit hindi ko siya nakita ng personal pero ramdam ko ang kanyang tuwa habang tinitingnan ko ang kanyang profile.
Iba nga talaga ang sayang dulot ng anak sa ama lalo pa’t first baby. Ilang sandali ang lumipas, naalala ko ang sinabi sa isa ko pang classmate noong high school. Sabi niya halos lahat daw nang kakalase namin ay may asawa na at iilan nalang kaming wala pa.
Napaisip ako ng malalim at napatanong: Matanda naba ako? Dapat naba akong magkaanak? Dapat naba akong mag-asawa? Tuluyan naba akong iniwanan ng panahon?...
Kung mag-aasawa ako ngayon, tiyak na mabagsak  ang mga bolang babasagin na kasalukuyang hawak-hawak ko. Marami na rin ang hirap ang aking tinitiis. Marami na rin ang mga nadamay. Marami na rin ang aking mga sinakripisyo. Ayokong basta mawalan lang iyun ng saysay. Sayang lang kung dahil lang sa maling desisyon ay mabasag ang mga ito. Kaya hindi muna ako dapat mag-asawa at dapat kumbinsihin ko ang sarili. Kailangan akong mag-isip ng dahilan at epektibong paraan para makumbinsi ang sarili. Sa mahabang oras kung pag-iisip(mga 3 minutes siguro), ito ang mga naisip ko. I-share ko sa iyo baka saka-sakali may mapulot ka nito.

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Wala pa naman akong girlfriend. At hindi muna ako pwedeng magkagirlfriend habang ako’y nag-aaral. Mali at hindi ako sang-ayon na ang girlfriend ay magandang inspirasyon kasi depende yun. Kung maka-timing ka ng matino at mabait na babae, inspirasyon nga yung matawag. Pero kung ang mapili mo ay walang kwenta at malandi, anay lang yun na unti-unting kakain sa iyong determinasyon at sisira sa iyong mga pangarap. Sa kabilang banda, kung inspirasyon lang ang gusto mo bakit maghahanap ka pa ng iba tao. Andyan ang mga magulang mo na simula’t simula pa ay laging nasa tabi mo at hindi nauubusan ng payo para sa iyo. Pero kung tutuusin ang mga magulang ay second choice lang. Dahil para sa akin, ang pagkaako-ang kalagayan ko at ang sarili ko ay mismo at sapat ng dahilan para magsikap ako.

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Itinuturing ko ang sarili ko bilang manunulat at ang buhay ko ay ang mismong kwento na aking sinusulat. Syempre lahat ng manunulat ay adhikaing makabuo ng magandang kuwento. Maganda-yung tipong makapagbibigay aliw sa iba at naghahasik ng aral sa mga sinumang gustong mamulot. Ang gusto kong kwento ay yung kasing kulay sa mundo ni “Stuart Little”, nakakatuwa katulad sa “Tom and Jerry”, at mala-adventure gaya ng “Mission Odessey”.
Diba exciting pag ganun? Pero kung mag-asawa ako ngayon, walang pinagkaiba ang kwento ko mga sa telenobelang naglipana.
Puro iyakan...nakakaantok...walang kwenta!
Wala na akong ibang alalahanin kundi ang kumita ng maraming-maraming pera para pambili ng diapper, pambili ng gatas, pambili ng vitamins sa anak, bayarin sa kuryente, kung walang sariling bahay-rent sa bahay, pagkain sa araw-araw at kung anu-ano pang obligasyon ko bilang asawa. Pag lumalaki ang anak, lumalaki din ang gastusin. Pambayad para sa skol at gamit, damit at kung anu-ano pa para magampanan ko ang obligasyon ko bilang ama. Habang pinapalaki ko ang aking anak, hinihintay ko na rin ang aking kamatayan. Pag namatay ako, ibaon nila ako sa lupa katulad sa pagtapos at pagsara ng aking storya. Dahil walang pinagkaiba ang kwento ko sa iba, unti-unti din nila akong makalimutan kasabay sa paglipas ng panahon.
‘Yoko ng buhay na ganun. Hindi interesting...Boring!

Hindi muna ako mag-aasawa dahil...
Idol ko si Bob Ong. Sa mga hindi nakakaalam, pangalawang bibliya ko ang kanyang mga libro. Sa kanyang “Stainless Longganisa” sabi niya, “Wag ka munang magmadali sa pag-aasawa. Pagkatapos ng dalawa, tatlo, lima hanggang sampung taon magbago pa ang pamantayan mo sa buhay at maisipan mo nalang na mali pala ang pumili ng kapareha dahil kaboses lang niya si Debbie Gibson. Pero totoo mahalaga ang kalooban ng tao higit na kung ano man. Yung mga crush ng bayan sa school magmukhang pandesal din yan paglipas ng panahon. Maniwala ka.”

(note:hindi ako sure kung word by word ganito ang pagkasulat ni Bob Ong. Hiniram kasi ang Stainless Longganisa kong libro. Pero sure akong ganito ang thought.)PS: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Martes, Hunyo 21, 2011

Retarded Na Addict

Nagkaroon kami sa skol ng mock interview. Siya nga pala kung hindi mo alam kung ano ang mock interview, wag mo nang usisahin. Maski ako hindi segurado kung ano nga ba talaga yun. Basta ang segurado ako interview yun. Tapos.
Nakasulat pa sa bulletin board kung ano ang dapat isout namin: black shoes, long sleeve with necktie at slacks. Wow, formal attire.
Anak ng tipaklong! Malaking problema...kahit buttones lang ng long sleeves ay wala ako. Sana zipper man lang ng slacks, lalong wala din. Ang sapatos at necktie ay walang problema. Meron si kuya. Kaya wala na akong ibang choice kundi ang lunukin ang pride at magmakaawa sa mga may kaya kong classmates para pahiramin.
 

“Ako na ang bahala sa long sleeves mo. Ipili kita ng maganda.” 

Sabi ng klasmet ko, “Maganda”. Maganda daw, yung tipong kung maaksidente ako at malasin, hindi na kailangang bihisan. Kunting pagpag lang, pwede na akong ideretso sa kabaong. Ang isa ko namang klasmet ay nag-oo at pahiramin daw din nya ako ng slacks. Solve! 

Kinabukasan, mock interview. Halong hiya at kaba ang nadama ko habang dinadala ako ng aking mga paa papasok sa skol. Pagdating ko dun, nanliliit ako lalo. Palibahasa kasi ako lang ang working student sa section namin. Ibig sabihin, ako ang pinakamahirap. Ang aking mga klasmet ay desenteng-desente. May parang mormoons, mayroon din mukhang abogado, may mukhang bigating negosyante, may mukhang ahente ng insurance, may mukhang pastor ng Iglesia ni Kristo at meron ding mukhang panglamay. Kung sila ay desenteng-desente, ako nama’y mukhang janitor. Ang suot ko lang ay ang puti kong polo shirt na kulay khaki (dahil hindi ako marunong maglaba). Penaresan ko yun ng kupas kung maong na pantalon na may tatak “LIVE’s” (hindi LEVI’S ha). Pero ayos lang, original naman ang sapatos kung suot. Imported! Nabili ko yun ng Php 150 sa ukay-ukay. Pamorma pa lang, kitang-kita na ang pinagkaiba sa katayuan namin sa buhay.
Habang kasama at kausap ko sila, pakiramdam ko nagmistula akong mumu
tain at ginarapatang askal na napahalo sa mga hi-breed. 

Nung sandali na yun, gusto ko nang magbihis para naman umayos-ayos ang itsura ko pero hindi pa dumating ang mga hiniraman ko ng long sleeves at slacks. Ang tagal. Isang oras ata ang inabot bago dumating. Pagdating, yun binigay niya agad sa akin ang long sleeves at nagbigay pa ng interview tips. Ang bait niya kamo. Bukod sa nagpahiram na nga, may interview tips pang nalalaman. Para na akong maluha-luha sa sobrang touched. Sabi niya:

“Kung tanungin ka sa interviewer kung hindi kaba natatakot habulin ng plantsa, sagutin mo lang na, nothing to worry sir. Mabilis ako tumakbo”.” 

Hanep! Sobrang gusot. Pero wala ang karapatan para umangal. Wala akong time para tumanggi. No choice kundi isuot. Mayamaya dumating naman ang hiniraman ko ng slacks at binigay din niya agad sa akin. Medyo nagulat ako nang aking makita. Seguro bunga lang ata ng katangahan at kunting kabobohan hindi ko man lang naisip kung ano ang maging hitsura ni Dagul kung suot ang pantalon ni Bonel Balinget. Ang klasmet kong hiniraman ng slacks ay malaking tao. Seguro nasa 5’9” at tantsa ko mga 33 inches ang bewang. Malaking tao talaga. Habang ako lang naman ay 5’5” ang aking height at 29 inches lang ang aking bewang (slim na slim). Kung laki ang pagbasehan, para siyang hegante ako nama’y dwende. Pero katulad sa nauna, wala na akong pagkakataon para umayaw at tumanggi. Kailangang isuot. Ipinagpalagay ko nalang na hanger ako nung time nayun. Kahit gaano kalaki, hala sout.
Pagkatapos kung isuot ang aking formal attire (w/ leather shoes) hindi ako makapaniwala sa aking nakita sa salamin. Hindi ko mapigilang itanong sa sarili kung ako ba talaga tong nakita ko. Kung curious ka at gusto mong malaman ang itsura ko, i-imagine mo nalang kung ano ang hitsura ng isang taong kulot at payatot na ang suot ay gusot-gusot na long sleeves, malaking-malaki ang slacks, idagdag mo pa dyan ang malaking sapatos. 

Totoo, kahit anong pilit, hindi ko na maalala kung ano talaga ang nangyari sa aking mock interview. Hindi ko na matandaan kung ano kaya ang mga naisagot ko. Tanging natandaan ko lang at hinding-hindi ko makakalimutan habang akoy buhay. Hindi ko maitanggi. Oo, noong araw na yun nagmukha akong RETARDED NA ADDICT.






Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Naudlot Na Pag-ibig (karugtong)

Para sa isang may mature na pag-iisip, hindi na kailangang hulaan pa ang sunod kong moves. Eh di ligawan na.
Total wala na kami ng aking girlfriend at ayaw ko ng magkabalikan kami uli. Dahil naniwala ako na ang matinong babae ay hindi magdadalawa ng boyfriend. Mukha namang matino si Anne. Mukha naman siyang desenteng babae at hindi sinungaling. Mukha namang mapagkatiwalaan. Sana iba siya sa mga babaeng dumaan sa buhay ko. SANA.....sana nga.

Pero ano paman, buo na ang desisyon ko. Sa puntong ito, magamit ko na naman ang pinamanang deskarte ng babaero kong lolo. Pero aminin ko, hindi madali. Minsan nag-alinlangan ako. Kinakain ako ng takot, kaba at mga second thoughts. Ganun talaga ata kapag seryoso ang hangarin mo sa isang babae. Ilang araw ko ring pinaghandaan yun. Hanggang sa maging plantsadong-plantsado na ang aking mga gagawin. Naka-script na rin ang aking mga sasabihin.
Pero talagang tutol ang tadhana sa amin. Isang umaga paggising ko, ramdam kong may kakaiba. Parang humihina ako. Nagpakunsolta ako sa doctor. Sinabi sa akin ni Doc ang aking sakit. Tunog orasyon kaya hindi ko na matandaan. Mga 3 minutes kaming nag-Q & A (question and answer) ng doctor tapos, binigyan niya ako ng kaperasong papel, reseta. Yun lang, hiningan na niya ako ng Php450.00. Hanep, para narin akong hinold-up.

Php87.00 ang bawat isa ng gamot at ayon sa reseta, inumin ko yun 3X a day sa loob ng isang lingo. Anak ng tiyanak! Saan ako hahanap ng pera? Ang hirap kapag malayo sa magulang dahil wala kang ibang aasahan. Wala kang ibang kakapitan at masandalan kundi ang tanging sarili mo lang. Gusto kong i-text si Mama pero hindi ko ginawa. Una, ayaw kong mag-alala sila at pangalawa, alam kong wala din silang pera. Ang naipon ko ay unti-unti ng naubos. Bili ako ng bili ng gamot, hindi naman ako bumubuti. Hirap pa akong makatulog dahil sa sobrang kirot. Kadalasan tatlong oras lang ang tulog ko. Buti nalang semestral break at wala akong pasok sa skol. Pero kahit na, dahil kapag wala akong klase, obligado akong magtrabaho ng 12 hours sa company. Kasunduan namin yun ng aking production specialist nang magpaalam akong mag-aral. Kaya wala akong magawa.
Ang hirap. Ang iksi ng pahinga. At ang haba ng oras ng pagtatrabaho. Pakiramdam ko nun unti-unti na akong nauupos. Seguro nakaapat pa ako ng check-up nun sa magkakaibang doctor at sari-sari na ang mga gamot na aking nainom. Ang pawis ko ay amoy gamot na. Maniwala ka’t hindi pati ihi at otot ko ay amoy gamot na rin.
 

Nagsimula nang magkaletse-letse ang aking buhay. Ayoko nang ituloy ang pagiging working student. Ang nakalaan na pang-enroll sa next sem ay ubos na. Ayoko ko naring ituloy ang panliligaw ni Anne. Hindi ko na siya tinitext. Wala na ang tinginan at ngitian. Sa tuwing magkasalubong kami, pilit ko siyang iniiwasan. Minsan sa pilahan para magtime-in sa punch card bago pumasok sa company ay di sadyang kami magkasabay. Yumoko ako upang matakpan ng sombrero ang aking mukha. Ginawa ko yun para hindi niya malaman na ako ang nasa kanyang likuran.
Seguro napansin niya ang mga pagbabago sa mga kinikilos ko. Siya ay nagtext. Sabi niya, “ba’t hnd kna namamansin?”
Masyado lang akong busy, yan ang reply ko sa kanya. Pero palusot lang yun. Hindi yun ang totoo. Hindi ko lang masabisabi sa kanya na nahiya lang ako. Paano bang hindi ako mahiya? Unti-unting nangalagas ang aking buhok. Nagkaroon ng sugat-sugat ang aking ulo. Dumadami pa ang aking taghiyawat at malalaki pa. Pesteng sakit na yun! Pangit na nga, lumala pa.


Umabot ng mga buwan na hindi kami nagpansinan ni Anne hanggang sa hindi ko na siya nakita. Nalaman ko nalang sa chesmosa niyang katrabaho na siya ay finished contract. Wala na sana akong sakit pero wala narin si Anne. Oo, namiss ko siya. Gusto ko siyang itext para magpaalam pero wala na akong number sa kanya. Nablock kasi ang sim card ko. Hindi nga seguro kami para sa isa’t-isa at nagtagumpay ang tadhana.
Siguro nga dapat ko na siyang kalimutan at harapin ang aking kinabukasan. Kailangan kong ituloy ang pagbuo sa mga pira-piraso kong pangarap. Isinantabi ko ang pagigirlfriend. Dinoble ko ang aking sipag. Iniiwasan ko ang gumastos para sa mga luho. Binili ko lang ang tanging kailangan ko. Kahit malayo basta kaya, nilalakad ko. Sa awa ng Diyos at dahil narin sa sobrang pagtitipid, nakaipon ako ng sapat na pera para sa pag-aaral ko.
Tuloy ang buhay.


Isang taon mahigit na ang nakalipas, ang dami ng nagbago. Natapos ko rin ang aking pag-aaral sa kabila ng mga pagsubok at sakripsiyo. Pero ayos din dahil sa ganong paraan may napatunayan ako sa sarili ko. Na kaya ko. Katunayan nga kahit peso hindi ko nakuhang manghingi sa mga magulang ko o kahit kanino para ipambayad ko sa skol. Akin lahat yun. Bunga ng aking paghihirap.
Sa kabilang banda, wala na talaga akong balita ni Anne. Sa tagal na nun malamang at sa malamang may asawa at anak na ngayon. Hindi na ako umaasang magkakita kaming muli. Pero dati pinangarap kong magkakita kami o makita ko man lang siya. Pero hindi talaga pinagkaloob ng pagkakataon. Sayang...
Sayang..Hindi ko man lang naipaalam sa kanya kung gaano siya kahalaga sa akin. Hindi ko man lang nasabi sa kanya na siya lang ang katangi-tanging kabote na tumutubo dito sa mabato kong puso. Sayang na sayang. Hindi ko man lang naiparanas sa kanya kung gaano katindi magmahal ang isang bisaya. Gaano katindi? Kasing tindi ng talaba. Kumakapit parin kahit patay na.


Sa kabila ng paglipas ng panahon, hindi ko parin nakalimutan si Anne. Nakuha ko man ang pinapangarap kong diploma pero hindi ang kanyang pag-ibig. Marami na ring pagsikat at paglubog ng araw ang dumaan sa aking buhay. Marami na rin akong mga magagandang nakikita pero hanggang ngayon bakas parin sa aking isipan ang mga ngiti ni Angelie. 






Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Naudlot Na Pag-ibig

Sa tuwing makaramdam ako ng gutom, titingin lang ako sa harapan at bandang kanan ng aking puwesto. Andun kasi siya nakatayo. Makita ko lang ang kanyang maamong mukha, aba’y busog na busog na ako. Dagdagan pa ng kanyang matatamis na ngiti, naku, para narin akong may dessert. Wish ko lang hindi ako magkadiabetes sa sobrang tamis.

Maganda siya. Pero hindi naman artistahin ang dating. Nakuha niya ang aking atensyon dahil sa kanyang kasemplehan. Iba siya sa mga babaeng nakilala ko. Nakapolbo lang at may kunting lipstick. Simpleng-simple. Hindi katulad sa iba na animo’y clown sa daming mga kulay na ipinapahid sa mukha. Hindi rin mahilig magsout na kung ano-ano sa katawan kaya hindi mukhang christmas tree. At meron pa siyang ibang mga katangiang gusto ko pero hirap kong e-explain. Ewan ko. Basta ibang-iba siya. Insakto sa height, maputi, medyo slim, simple manamit pero sexy.

Nagsimulang magkalapit ang aming landas nang minsan napansin niya akong nakatitig sa kanya. Nagkasalubong ang aming tingin. Nginitian ko siya. Siya nama’y lumingon. Pero hindi ibig sabihin nun ayaw niya. Lumingon lang para kumpermahin kung sa kanya ko ba inaalay ang mala-Erap na smile. Dahil wala namang ibang tao sa kanyang likod, obviously para sa kanya yun. Gumanti rin siya ng ngiti. Sa kalaunan, nalaman ko ang kanyang pangalan. Anne ang tawag sa kaniya. Good start! 

Magkalapit lang kami ni Anne sa production area na aming pinagtatrabahoan. Seguro limang dipa lang ang distansiya mula sa tatlong machine na aking ino-operate.
Hindi biro ang mag-operate ng tatlong machine. Nakakapagod. Minsan panay error pa kaya laging nag-aalarm. Kapag may problema ang machine, hindi maiwasang sasakit ang ulo. Pero sa tuwing magkasalubungan ang aming tingin, talo ko pa ang naka-extra joss at naka-redbull. In an instant, tanggal agad ang pagod. Sabayan pa iyon ng kanyang ngiti, nah! dolfenal na yun para sa akin at solve na ang sakit ng ulo at buwisit na araw ko. Ang tindi ng kanyang dating. Parang Colt 45 .
Ooops, linawin ko lang. Hindi ako nag-endorso ng produkto dito.
 

Syempre hindi ako papayag na hanggang dun nalang. Hanggang titigan at ngitian lang. Higit pa nun ang pinapangarap ng puso ko. Kaya nilapitan ko siya para hingin ang kanyang number. Kaso tutol ata ang tadhana. Panggabi ang sched ko nun, siya naman pang-umaga. Nang lumapit ako sa kanya, biglang tumunog ang 6:00a.m. na bell. Ibig sabihin nun, uwian ko na at magsimula na ang kanilang meeting. Lingon ako ng lingon para maghanap ng papel pero wala talaga akong makita. Nataranta na ako. Naisip ko, sa palad ko nalang isulat. Pero parang napaka-informal naman ata. Baka isipin nyang bastos akong tao o di kaya’y burara. Medyo naabala ko na siya. Napahipo ako sa ulo. Litsugas na buhay. Hinihintay niya ako. Wala akong makita. Nung sandaling iyon isa lang ang dasal ko: umulan ng papael.
Sabi ko nalang, bukas ko nalang hingin uli ang number mo. Tumango siya then nag-smile. Wow! Parang iba na ang kislap ng kanyang mga mata. Kitang-kita ko. Tapos biglang nagbago ang aking paligid, may liwanag, may musika akong narinig. Umalingawngaw sa aking tenga. Boses ng mga nagkakantahang anghel.
Heaven!!!
Ewan ko kung bunga lang ba yun ng puyat at walang tulog. O nanaginip na ako nun. Hahaaaay, pag umiibig ka nga na naman!
 

Kinabukasan, nakuha ko rin ang kanyang number. Dun ko siya medyo nakilala sa text. Oo, sa text lang. Hindi ko kasi magawang sumabay sa kanya pauwi kasi magkaiba ang way namin. At kung ihatid ko man, baka aabotin ako ng apat na oras bago makauwi dahil may kalayuan. Pero kung gustuhin ko, may paraan kaso hindi ako naghanap. Yan ang pagkakamali ko nun. Lagi akong hindi nag-eeffort.
Pero kahit text lang, ramdam kong lumalim ang kung anong turingan namin sa isa’t-isa. Sa tuwing uwian niya dahil walang siyang OT at ako meron, tanaw kong pasimpleng itinataas niya ang kanyang mga kamay. Ginagalaw naman ng bahagya ang kanyang mga daliri. Ang kanyang mga maninipis at mapupulang labi ay may sinasabi. Kahit medyo malabo ang aking paningin pero malinaw ang ibig sabihin nun,”ba-bye”.
Ganun lagi ang eksena namin bago siya umuwi. Magpaalam siya sa akin. Bagay na hindi ginagawa ng typical na magkakaibigan. Ramdam ko, lumalaki ang chance ko. Kunting pagporsege at malaking katapangan at lakas ng loob, mapa-OO ko na yun. Ayos!!!!
 

>>may karugtong pa!





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Huwebes, Hunyo 16, 2011

Kala ko si Samson, si Delilah Pala

Biglang may itim na pusang tumawid.
Sa pintuan ng mall, may matabang babaeng nakatayo. Katabi niya ang batang pulubi. Sumigaw ang driver ng jeep.

Nalito kaba?
Yung pusang itim, matabang babae, batang pulubi, at driver ng jeep,  wag mo nalang masyadong pansinin. Total walang kinalaman silang lahat sa aking kwento.

Tiningnan ko ang aking relo, 4:50 pm na. 5:00 pm magstart ang aking klase.
Gaya ng nakasanayan kailangan kong pumasok muna sa mall bago sa school. Pero wag mag-isip ng masama. Hindi ako mag-cutting classes. Galing pa kasi ako sa trabaho. Tama ka, working student ako.
From 6:00 am to 4:00pm ako magtrabho. 5:00pm to 9:00 pm naman ang klase ko. Lunes hanggang Byernes. Sa Sabado naman, straight 6:00am to 6:00 pm akong magtrabaho. Minsan, may trabaho pa sa Linggo. Wala na ngang pahinga, wala pang time gumawa ng projects at assignments.
Ang sarap ng buhay!

Balik tayo sa mall.
Ang CR ng mall ang ginawa kong bihisanan. Kailangan kong magpalit ng damit upang papasukin ako ng schoolguard at para narin magmukha akong estudyante este janitor pala.
Ang prescribed uniform  sa STI para sa mga working students ay polo shirt lang na may tatak na STI logo. Kung titingnan mo kagaya lang at walang pinagkaiba sa mga suot ng janitor dun.

Pumasok ako sa mall at dahil malapit na ang time, dumeretso na ako sa CR. Pinihit ko ang doorknob. Hinila. Matigas. Ayaw bumukas. Sarado ata. Oo nga pala. Umandar na naman ang katangahan ko. Push pala at hindi pull. Tinulak ko. Bumukas...at pumasok ako. Ayos. Walang tao sa loob. Solong-solo ko ang CR.

Napakatahimik sa loob. Tanging narinig ko lang ay ang tulo mula sa sirang gripo. Bawat patak ng tubig, naglikha ng nakakilabot at mesteryosong tunog. Ang eksena ay pang “shake, ruttle and roll”. Inihanda ko na ang sarili sa paglabas ng paring walang ulo. O di kaya duguang tiyanak. Sinilip ko ang lagayan ng mop baka may nagtalik na dwende at kapre. Pero wala. Puro ipis ang anduon. Tiningnan ko ang malaking salamin baka may white lady akong makita. Thanks God. Wala naman.

Pero iba ang pakiramdam ko. Parang may humipo sa aking batok. Nakaramdam ako ng malamig na hangin. Tumindig ang aking mga balahibo. Kutob ko, may ibang tao o nilalang sa loob bukod sa akin. 
Multo?
Maligno? 
Ligaw na kaluluwa? 
Ewan. Malamang.

Kasalukuyang sinusuot ko ang aking polo shirt nang biglang...
Biglang...

Biglang bumukas ang pintuan ng CR. Nagulat ako. Tiningnan ko sa nakaharap na malaking salamin, may pumasok.
Ang pumasok lalaki (seyempre male CR  yun). Naka-body fit. Astigin. Ang laki ng katawan. Pang-WWE superstar ang dating.
Nawala na sana ang kaba na aking naramdaman dulot ng kababalaghan dahil dalawa na kami sa loob, pero lumala pa ata. Nagmistulang may unggoy na patuloy sa pagtambol sa loob ng aking dibdib nang mapansin ko sa salamin-iba ang tingin ng lalaki sa akin. Ang talas. Nakita mo naba ang picture ni Rezso Seress? Yung bang taong nag-compose sa Gloomy Sunday na ipinag-banned dahil suicide song. Ito si Seress sa mga hindi pa nakakita.

Medyo kahawig ni Rezso Seress ang kanyang mga mata kung makatingin. Yung bang tipong anytime pwedeng pumatay.

Unang naisip ko, hold-upper yon. May masamang intensyon. Nangunguha ng pera at papatayin ang sino mang papalag. Pero mukha namang desente. Baka nga resulta lang to sa kakainom ko ng kape. Pero nag-evolve na pala ang mga hold-upper ngayon. Desente na sila tingnan. Ang pinagtaka ko lang, hindi naman siya umuhi o tumae. Nakatayo lang siya sa left side ko at kaharap din niya ang malaking salamin.

That time, 4500 pesos ang laman ng aking wallet. Pambayad ko yun sa skol dahil mag-eexam at pang-allowance ko na rin.
Kung susubukan niya akong holdapin, lalaban ako ng patayan. Yun nalang ang katangi-tangi kong pera at wala na talaga.
Nagmimistula akong si Bruce Lee sa pelikulang "Enter The Dragon". Gamit ang malaking salamin, binantayan ko ang kanyang bawat kilos habang ako’y patuloy sa paghihilamos.

Bigla siyang may binunot sa likod. Natigilan ako. Sa isip ko, rambolan na...magkamatayan na.
Pero...

Pero suklay lang pala ang kanyang kinuha at hindi kutselyo o baril.
Hindi parin nawala ang aking pagdududa. Bago pa siya magdeklara ng hold-ap, pinaplano ko na ang aking self-defense na gagawin habang pinupunasan ko ng towel ang aking mukha. Maswerte lang ang taong ‘to at hindi ko nadala ang aking chacku. Tumba sana agad yun gamit ang aking hit-to-knock down moves. Kung simpleng suntukan lang, tiyak na luging-lugi ako nun. Sa payat ko ba naman. Kaya kailangang gamitan ko ‘yon ng arms and legs combination attack tulad ng napanuod ko sa TV. Tingin ko effective na gayahin ko ang right-hook punch style ni Pacquiao. Tapos, gamitin ko ang aking frontal kick na mala-Van Damme at side kick na mala-Bruce Lee.
Sento porsyento.
Garantisado.
Taob yun.

Pero wala naman siyang masamang ginawa bukod sa pasuklay-suklay  lang sa kanyang semi-kalbong buhok.
Seyempre hindi na ako maghintay na may gawin siyang masama. Kinuha ko ang aking bag para lumabas sa CR.
Inangat ko palang ang aking bag na nakasabit nang biglang...

Bigla niyang binasag ang katahimikan. Pero hindi “holdap” ang kanyang sinabi. For the first time narinig ko siyang nagsalita.
Pasensya na para sa mga nakabasa dahil sa puntong ito gamitin ko muna ang pinakaakmang expression na nakuha ko sa mga tagalong.
Putang-ina!
Sino ba ang mag-akalang ang astiging tigre ay boses daga?
Hindi ko talaga makalimutan ang exact words na lumabas sa kanyang bibig.
Sabi niya, ” Pwede po bang makipagkilala?

Sus ginoo! Nagulat ako at medyo natawa. Pigil ang boses seguro para maging tunog cute. Ang akala kong si Samson ay isa palang Delilah.

“Pasensya na po. Nagmamadali ako. May exam pa kasi ako.”Sabi ko, sabay hablot ng aking bag at matulin na lumabas sa CR na walang lingon-lingon.

Ikinuwento ko to sa katrabaho kong babae. Tawa siya ng tawa.Sabi niya, “Napansin ko lang, lapitin ka ng mga bakla.”Napatingala ako at napaisip. Anong meron? Ang pangit ko naman. Payatot pa.

Mga girls payo lang. Huwag ka masyadong maging kampante dahil mala-Samson  at maporma ang boyfriend mo.  Dahil ang tunay na pagkalalaki ay hindi makikita sa panlabas na kaanyuan. Hindi rin sukatan ang dami na naging girlfriend dahil minsan ginawang disguise nalang ang pangolekta ng girlfriend para ikuble ang tunay na sarili. 





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Para Kay Kate

Dear kate,


Kumusta na!
Kumusta kana kaya?
Wala lang. Naisipan ko lang magsulat bilang pagbaka sakali mabawas-bawasan ang pinapasan ng aking dibdib. Wish ko sa mga sandaling ito na sana'y alam mo na hanggang ngayon ramdam ko parin ang pangulila ng iyong pagkawala. Hindi parin kita nakakalimutan. Lagi ko ngang pinagmasdan ang mga picture mo. Hindi ko lang alam kung tama bang gamitin ko dito ang words na hindi pa ako naka-move on. Na-miss kita. Sobra. Laman ka ng aking isip lagi.
Bawat gabi bago ko ipikit ang aking mga mata, umaasa ako na sana bukas pagdilat ko, hindi na kita maalala at tuluyan na kitang nakalimutan. Isang buwan na ang nakalipas na ako'y ganito pero patuloy parin akong umaasa sa mga bukas na iyon.

Kung ano man ang nangyari sa atin, hindi ko pinagsisihan at wala akong sinisisi. Kung bakit kailangan mong mawala sa aking piling, hindi ko alam. Pero segurado akong lahat ng mga bagay ay may dahilan. Katulad sa paglubog ng araw at  pagdilim, sa pagkaroon tag-init at tag-ulan. Lahat ay may naaayong takdang panahon. Maganda man o hindi ay nakatakda ng mangyari. Inisip ko nalang at ipinagpalagay na ganun lang ka-iksi ang panahon na nakatakda para sa atin. Pero nagpapasalamat parin ako.

Nagpasalamat ako dahil sa iksing panahong iyon ay naging masaya ako. Nagkaroon ng kulay ang aking walang kabuhay-buhay na buhay. Salamat pala sa paguhit ng ngiti sa aking mga malulungkot na sandali. Ikaw ay ulap sa tanghali na nagbibigay ng panandaliang lilim. Liwanag ka ng malagintong araw tuwing hapon. Ang tulad mo ay bukangliwayway na nagbibigay pag-asa. Kape ka sa aking malamig na umaga. Teka lang, narinig mo ba? Oo nga pala.
Sayang wala ka sa aking tabi at hindi mo narinig.
Kanina pa sinisigaw ng puso ko ang pangalan mo.

Minsan kapag ako ay nag-iisa at walang makausap, sa aking isipan binubuksan ko ang aklat na kuwento ng aking buhay. Maingat at dahan-dahan kong binubuklat ang mga pahina para balikan ang araw  kung saan tayo unang nagkatagpo.

Naaalala mo pa ba yun? Hindi ko talaga makalimutan noong una kitang makita. Isang tingin palang alam kong ikaw na ang gusto ko. Pero hindi yun love at first sight dahil ang love at first sight ay libog lang. Hindi naman akong ganun. Bumalik ako para makuha ka at maangkin, buti nalang andyan ka parin. Naghihintay. Thanks God, hindi naaksaya ang aking pamasahe dahil nadala kita pauwi.
Yung dinalhan kita ng pasalubong, naalala mo pa ba yun? Kahit  wala  kang sinabi at hindi ka nagsalita, alam kong gusto mo ang pagkaing dala ko. Seyempre kilalang-kilala kita kaya alam ko ang paborito mo. Nakita ko sa kislap ng iyong mga mata ang sarap kaya hindi nakapagtataka kung ninamnam mo ang bawat kagat.

Kate kung saan ka man ngayon sana'y nasa mabuti ka at masaya.......



Lubos na nagmamahal,

Dioscoro Kudor
_____________________________________________________________________________
Note:
Si Kate ay aking aking alagang Teddy Bear Rat. Binili ko iyon sa Bio Search sa SM. Sayang nga lang. Pagtingin 
ko sa kanyang kulungan, hindi na gumagalaw, hindi na humihinga. Napakasigla nun tapos bigla nalang na maging
ganun. Hindi ko inaasahan ang kanyang pagkamatay.
Nature na ata sa buhay  natin ang biglang paglitaw sa hindi inaasahan na darating. 
Lesson na natutunan ko na wag agad gumawa ng conclusion hangga't hindi pa natatapos o nakakasiguro. Dahil ang buhay ay  full of surprise . And life itself is a surprise. Katulad nalang sa binasa mo ngayon. Akalain mo bang mali pala kung ano ang inakala mo nung umpisa. At ito pa ang matindi, sinong makapagsasabi na sa pagkahabahaba nito pero ang lahat lang pala ay magtatapos lang sa ganito?
Akalain mo. Ganito(?)

Lunes, Hunyo 13, 2011

Kamatayan

Dahil ako ay may trabaho, araw-araw akong nabiyahe maliban lang sa araw ng Linggo. Minsan ang masakyan ko ay bus, minsan din mini-bus pero kadalasan jeep. Para sa akin, mas ayos, mas komportable at higit sa lahat mas safety sakyan ang bus. Kung sakali magkaroon ng banggaan hindi masyadong lugi dahil may kalakihan.


Kanina lang umaga habang ako’y sakay sa jeep, may nakita ako sa tabi ng daan na nakaagaw sa aking pansin. Isang ten-wheeler truck na yupi ang unahan at isang jeep na hindi na mukhang jeep. Kung wala lang nakakabit na apat na gulong, baka akalain mo’y pangkaraniwang lang na patapon na bakal ang jeep at sinadyang niyupi lang ng magbabakal para ipa-kilo.

Nakakakilabot! Kung nakita mo lang ang nakita ko, malamang mapaisip ka rin at maitanong sa sarili kung may buhay pa kaya sa mga sakay nito? Hindi lang yun ang unang beses nakakita ako ng aksedente sa daan, pero para sa akin yun na ata ang pinakamalubha. Ayon sa katrabaho ko, sa labingtatlong sakay daw sa jeep, dalawa lang ang nakaligtas at labing-isa ang namatay kasama na dun ang drayber.

Sa mga nakita ko, hindi ko mapigilan ang mapaisip ng masama. Seguro masyado akong praning pero sa katotohanang araw-araw akong  nasakay at nababa sa jeep, hindi malayong mangyari din sa akin ang sinapit sa mga sakay nun. Oo nga naman, paano kaya kung isa ako sa mga sakay nun, saan kaya ako mapabilang? Sa dalawang sinuwerte at nakaligtas o sa labing-isang nasawi? 

Paano kaya kung ako ay mamatay, ilan kaya ang iiyak? Ilan kaya ang tatawa? Gaano kaya kasakit ang maramdaman habang unti-unting hiniwa ng kareta ni Kamatayan ang leeg? Kung totoong may langit at impyerno, saan kaya ako mapapunta? Kumusta kaya ang naging buhay ko dito sa lupa? Ako kaya ay naging makabuluhang nilalang o katulad lang ako sa nasagasaang tae ng aso na walang kakwenta-kwenta? 

Kung ako ay mawala, gaano kaya katagal mangulila sila Mama at Papa? Ako kaya ay naging mabuting anak at lumaki ayon sa kanilang kagustuhan? Ang mga kapatid ko, ano kaya ang maging reaksyon nila? Iiyak din kaya sila? Ma-miss din kaya ako ng aking mga kaibigan? Dadalaw kaya sa burol ko ang aking mga ex-girlfriend? Manghihinayang kaya sila sa buhay ko at masabi nilang: sana noon ka pa namatay, bakit ngayon lang? Ang aking special someone, iiyak kaya? Ano kaya ang hitsura nya kung umiiyak? At paano? Basta nalang ba tutulo ang luha na parang naghiwa lang ng sibuyas o gugulong pa sa sahig na parang 6 year old na inagawan ng laruan? Ang aking mga katrabaho, ano kaya ang maalala nila sa akin? Maalaala kaya nila ako bilang ako na “mabait” at laging seryoso o bilang Dodong na palabiro at loko-lokong tsonggo?

Dahil sa kapakanan ng kwentohang kamatayan, gusto kong isama ang  kwento tungkol ni St. Francis De Assisi. Minsan daw si St. Francis ay nakitang nag-aserol sa kanyang garden. Siya ay tinanong sa isang dumaang usesero.
“Francis, paano kung malaman mo na mamatay kana mamayang hapon, ano ang gagawin mo?”


Medyo mahirap na tanong. Pero walang kautal-utal itong sinagot ni St. Francis.

“Kung malaman kong mamatay na ako mamayang hapon, ipagpatuloy ko parin ang aking pag-aaserol.”

Nakakabilib! Ganun kahanda si St. Francis mamatay. Yung tipong parang wala lang. Hindi na siya nabahala. 

Ako naman, totoo, hindi ako segurado kung ano ang mangyari kapag mawala ako. Pero ito lang ang segurado ako: napakaiksi lang ng buhay at lahat tayo ay mamatay. Dahil hindi natin pagmamay-ari ang ating buhay, kahit anong oras pwede itong bawiin sa atin ng tunay na Nagmamay-ari. Pwede ngayon, mamaya, bukas o sa makalawa. Ang kamatayan ay parang si Lupen. Isang magaling na magnanakaw na bigla nalang susolpot sa hindi mo inaasahang oras at panahon.

Kung ikaw ang tanungin ko, handa ka nabang mamatay? Paano kung pag-exit mo ngayon sa blog ko ay katapusan mo na?





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

IHAW, KUYUKOT AT SIPITSIPITAN

        
Wala akong magawa sa buhay sa mga sandaling ‘to kaya trip kung magkwento. Oo, magkwento. Kaya wag ka nalang komuntra.
Alam mo na ba kung ano ang IHAW, KUYUKOT at SIPITSIPTAN? Dati hindi ko alam yun. Ganito kasi yun.

Noong bagong salta ako sa Taguig medyo nahirapan ako nun ng todo. Kailangan ko kasing mag-adjust at nakakapanibago. First time ko din kasing mahiwalay sa family kaya hindi maiwasang ma-miss ko sila( tumutulo na ang mga luha ko ngayon).

Pero aaminin ko sa iyo, hindi naman talaga family ang dahilan kaya ako  nahirapan  dito. Ewan ko ba sa iba basta ako, hirap akong magtagalog. My subject ako na FILIPINO dati pero hindi ko seneryoso.Para kasing nakakatandang kapatid lang sa salitang bisaya ang salitang tagalong kaya hindi ko pinagtuunang pansin. Pero ngayon nakita ko na ang halaga. Kaso, huli na!(kita mo yung lesson?)…
Kaya ngayon hirap akong magtagalog. Kailangan ko pang isipin kung ano yun sa tagalog bago ko pa masabi. At meron ding tagalog terms na hindi ko pa nakasalubong  noong nag-aral pa ako.

Naalala ko dati nang sabihin ng katrabaho kung tagalog na mag-ihaw daw siya ng tilapya. Medyo nagulat ako nun at kinakabahan.. Ang daming pumapasok sa isip ko. Napaka-brutal naman ata ng mga tagalong. Agad-agad naglaro sa isip ko kung ano kaya ang puwedeng niya gawin sa tilapiya. Sasaksakin sa leeg o pupugutan ng ulo? Ganun ba sila kasalbahi dito?
Sa kalaunan napag-alaman ko rin na ang ibig lang pala niyang sabihin ay mag-grilled ng tilapya. Anak ng pagong! Sa amin kasi sa Cebu ang salitang ihaw ay katumbas sa salitang tagalog na katay.  Yun pala yun!

Pagkatapos ng apat na buwan, dalawang araw, limang oras, tatlompung minuto at isang segundo kung pananalagi sa Taguig, tuluyan ko narin itong nilisan. Na-realize kong hindi ako pwedeng mag-asawa ng dalawa dun dahil sa sobrang liit ng suweldo. Isipin mo, 2500 lang ang bawat buwan. Hindi makabuhay kahit sarili.
At ngayon andito na ako sa Cavite. Dito, sa lugar nato sinimulan kong bouhin ang durog at nagkagutaygutay kung mga pangarap. Kaya hanggang ngayon, wala paring nangyari. Sobrang durog. Ang hirap bouhin!
Dito rin sa lugar nato, una kong narinig ang salitang kuyukot at sipitsipitan. Medyo na-curious ako. Akalain mo boung buhay ko, nun ko lang narinig yun. Additional knowledge din yun at palagay ko, wala pang kuyukot at sipisitan sa Cebu. Baka puwede kong iuwi yun bilang pasalubong.
Kaya nun nagtanongtanong ako kung ano ang mga yun. Kaso parang may mali. Hindi nila ako sinasagot ng seryoso at tinawanan lang. Pero hindi parin ako tumigil. Knowledge never stops! No retreat, no surrender! Bago lumubog si haring araw, yun napag-alaman ko rin na ang kuyukot lang pala ay bahagi pala sa katawan ng tao. Hindi mo ito puwedeng ipakita sa mga magulang mo O sa mga kapatid mo, kahit na sa mga kaibigan mo at lalo na sa girlfriend mo puwera lang kung "close na close" kayo. Clue sa mga hindi nakakaalam, ito'y matatagpuan sa may bandang puwet.

At sa pagtanongtanog ko pa, napag-alaman ko rin na ang sipitsipitan lang pala ay bahagi sa maselang parte sa katawan ng babae. At ito ang dahilan kaya lumubo ang populasyon sa Pilipinas. At dahil sa paglubo ng populasyon sa Pilipinas, dumami ang mga pulubi, dumami ang mga nagugutom, dumami ang walang trabaho, dumami ang walang tirahan, nauso ang pananakaw, dumami ang Pilipina na gustong ma-asawa ng kano(instant fortune yun!), dumami ang nagkaka-utang, tumaas ang krimen, nauso ang pangungutong ng mga napakabait at walang hiyang pulis natin(oy! legalized highway robbery) at higit sa lahat dumami ang gustong magpulitiko. Dati hindi ko maarok kung bakit marami ang willing pumatay para lang makaseguro sa panalo, kung bakit may mandaya para lang manalo(kailangan ko pa bang banggitin ang HELLO GARCIE Tape dito?), at kung bakit kailangang magsiraan, at saka kung bakit kailangang gumastos ng milyones para lang sa political advertisement na magsimula 2 years bago maghalalan?...
Pero ngayon alam ko na, marami kasing  pera sa pulitika. Ano gets mo na?  Ganyan kalubha ang naidulot na problema dahil lang sa sipitsipitan.

Linsyak na buhay! Ngayon, alam ko na kung ano ang ihaw, sipitsipitan at kuyukot. Yun lang pala. Seryoso pa naman ako nun habang nagtatanong kung ano ang mga iyon. 
Oo, seryoso talaga. Kasing seryoso ng isang taong nasa ICU. Kasing seryoso ng isang lalaking hiniwalayan sa gf(ganyan ako dati). Kasing seryoso nang isang babaeng buntis na nalito kung alin dun ang ama. Kasing seryoso sa lagay ng bansa natin ngayon.
Ganun din ako kaseryoso....

Totoo talaga na minsan nakakatuwa ang pagiging egnorante at tanga.





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Lumulubog Ba Ang Tubig

Mayroong nakakahiyang-nakakatawang nangyari sa buhay ko dito sa Luzon. Hindi ko talaga makakalimutan yun. Ito ikuwento ko sa iyo...

Minsan may costumer na lumapit at kumausap sa akin. Medyo matanda na. Seguro nasa 60’s ang kanyang edad, babae at nakasalamin. Ang pakay sa paglapit ay para itanong kung ano ba daw gawin para hindi madaling mamatay ang isda. Bale, technique daw sa pag-aalaga. Linawin ko lang...hindi isda yung niluluto at kinakain. Kundi isda yung nilalagay sa aquarium. Sa petshop kasi ako nagtatrabaho dati.

Syempre sinagot ko naman siya sa maginoong paraan na maypagka-veterinarian. Sabi ko, “Madali lang yun ma’am! Kunti-konti lang ang pagbigay niyo ng pagkain sa isda. Kapag marami kasi, kain lang sila ng kain. Ang isda kasi ay para ding bata. Sa tuwing busog na busog, susuka ang mga iyon. Dahil sa suka nila, LUMULUBOG ang tubig. Dahil MALUBOG ang tubig, magkaroon ng kakulangan ng sapat na oxygen sa loob. Mahirapan silang huminga sa loob ng aquarium.” Tanda ko utal-utal pa ako nang sinabi ko yun.

Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan, biglang kumunot ang noo ng matandang babae sabay titig ng matalim sa akin. Sa sobrang talim, pwede mo nang ipang-ahit ng bigote. Nabasa ko sa kanyang mukha. Kunti na lang ang kulang, puputang inahin na niya ako. Oo nga ba naman, may tubig bang lumulubog? Huli na nang mapansin kong nabisaya ko pala siya. Sino nga ba namang matanda ang matuwa kapag sagutin mo na parang paloko. Pero hindi ko siya niloloko. Sa amin kasi sa bisaya ang salitang LUBOG ay katumbas sa salitang tagalong na LABO. Kaya tuloy ang akala seguro ng matanda tinatarantado ko lang siya.

Anak ng tiyanak! Habang ako’y namumutla at parang tinirik na kandila, sa likod ko naman ang pinsan kong halos lumulobo na ang mukha at maluha-luha na ang mga mata sa kakapigil ng tawa. Nung time na yun halos nawalan ako ng ulirat na parang bang dinala sa ibang dimension. Namalayan ko nalang wala na sa harap ko ang matanda. Kung siya ba ay dinala sa hanging itim? Lumipad? O nagteleportation? Ewan. Basta hindi ko namalayan ang kanyang pag-alis.

Yan ang unforgettable experience ko. Tanda ko, 3:30 yun ng hapon nangyari at Lunes, petsa 6 sa buwan ng Disyembre taong 2004. O kitams, hindi ko nga talaga makakalimutan yun.

Walang kwenta ang kuwento ko noh?Hahhaaay!(hikab)
Pero itong kasunod, interesante ‘to. Sekretong malupit kaya wag mong ipagkalat.Hahhaaay!!(hikab uli)
Alam mo bang hindi naman talaga si Gloria Arroyo ang nanalo sa 2004 presidential election? Hindi rin si yumaong Fernando Poe at lalong hindi si Eddie Villanueva kundi si Eddie Gil!
Paano nangyari yun?

Yan sana ang sunod kung ikuwento sayo kung hindi lang ako INAANTOK ngayon. Hahhaaayy!!! (hikab naman uli)

 Tulog muna ako.





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Korapsiyon


Naitanong mo na ba sa sarili kung bakit ang ibang bansa ay maunlad at bakit tayo hindi? Ano kayang meron sila? May kinalaman ba ang tangos ng ilong at puti ng balat?

A month ago, nai-feature sa  “Mel and Joey” ang bansang Singapore. Hangang-hanga ako nang aking makita(mapanood). Ang ganda! Industriyalisado! Ang linis! Oo, medyo nainggit ako kasi walang-wala tayo kung i-compare dun. Naitanong ko tuloy sa sarili, “anong meron sila at wala tayo?”

Kung likas na yaman lang ang pagbasehan, sagana tayo. Katunayan nga marami tayong ilog, marami tayong kagubatan, napakalawak ng ating karagatan at mataba at sagana ang ating mga lupa. Kung gusto pang dagdagan ko ang katunayan nayan, isama mo pa dyan ang Tarsier(yung kamukha mo at kahawig ko), ang Phillipine Eagle, ang waling-waling, ang Pilandok na tinawag na mouse deer, ang Mayon Volcano at hindi ko pwedeng hindi isali ang Banaue Rice Terraces. Yan at marami pang iba na tanging sa Pilipinas mo lang makikita. Masakit nga lang isipin na unti-unti na silang naubos at nasira dahil sa kapabayaan mo at kapabayaan ko.

Ano, naniniwala kana na sa likas na yaman sagana tayo? Kung talino at talento lang din ang pagbasehan, hindi din tayo kulilat. Andyan sila Ed San Juan, Agapito Flores, Lea Salongga, Efren Reyes, Eduardo Quisumbing, Fe del Mundo, Flash Elorde at marami pa. Kung gusto mo ng bago, andyan si Arnel Pineda ang bagong vocalist sa international band na “Journey”,si Billy Malang sa kanyang vitamin-beer, si Charees Pempengco, si APL sa “Blackeyedpeas”, at sinong hindi nakakilala sa ating pambansang kamao na tinanghal na champion of champions sa buong mundo at proud kong  ding sabihin na bisaya din siya kaya medyo ihhimm! kahawig ang diction nami...ladies and gentlemen, in the red corner wearing red trunks from General Santos City,Philippines…Maaaaaanny Paquiao!
Sila ang katunayan na may laban din tayo kung angking talino at galing lang ang pag-uusapan. Kung ganun, ano ang kulang at bakit makupad pa sa pagong ang ating pag-unlad? 

Sya nga pala, isingit ko lang ‘to kasi parang pagkakaton ko na to.
PABALA: Wag kayong magpalokoloko sa aming mga bisaya! Napansin nyo bang karamihan sa mga Pilipino boxer eh bisaya? Likas na kasi sa amin ang malakas ang kamao kaya take note.

Buwan na ang nakalipas nang mapanood ko sa TV(na naman?) ang misa ni Father Mar sa channel 23. Sa kanyang sermon, naikwento ni Father Mar na minsan ang kanyang kakilala ay namasyal sa Thailand. By the way, sinong hindi nakakilala sa bansangThailand? Kung hindi mo pa alam ngayon sabihin ko sa iyo na ang Thailand ang isa sa major importer natin ng bigas. Malamang yang kinakain mo ngayon sa Thailand galing yan.

Ituloy natin ang kuwento. Sa di inaasahang pangyayari ang kakilala ni Father Mar at kasama ay naligaw at napadpad sa gitna ng isang malawak na palayan. Take note, hindi lang basta malawak, sobrang napakalawak! Kahit anong lingon mo, palay ang makikita mo.
Mayamaya may lumapit na Thailander sa kanila at nagtanong kung Pilipino ba daw sila. Medyo nagulat ang dalawang naligaw kasi marunong magtagalog ang nasabing Thailander. Sa sandaling kuwentuhan, napag-alaman ng dalawang naligaw na ang Thailander  pala ang may-ari sa malawak na palayan at kaya marunong siyang magtagalog dahil dito siya sa Pilipinas nag-aral ng Agriculture at lalong nagulat ang dalawa(pati ako) nang sabihin ng Thailander na isa ang Pilipinas sa mga bansang buyer nila ng bigas.
Anak ng tikbalang! Nakita mo ba ang mali at hindi dapat? Dito siya kumukuha ng kaalaman para magtanim  pero tayo ngayon ang umaangkat sa kanila. Dahil sa kuwento nayan, lalo akong naguguluhan. Ang daming nabuong  tanong sa isipan ko. 
Bakit ganun?
Anong mali sa atin?
Diba dapat tayo ang exporter ng bigas ngayon?  
May kaalaman na tayo. Sagana din tayo sa lupa. Ano pa ba ang kulang? Ano?????? Ano kaya?

Habang tinitigan ko ang screen sa mumurahin kong computer, sumagi sa isipan ko ang corruption. Kaya tuloy naisip ko, corruption ang ugat nito. Nakakalungkot! Dapat sana ang ating pamahalaan ang role model pero hindi. Bagkus sa ating pamahalaan nag-ugat ang katiwalian.
Isa sa kontrobersyal na kasalukuyang  nangyari sa bansa natin ngayon at hindi parin naliwanagan at unti-unti naring nalimot gaya ng ZTE scandal ay ang fertilizer scam. Marami ang mga pangalan na nadamay. Marami ang nasangkot na may mataas na personalidad at isa na dun ang pangulo sa ating bansa. Hindi ko alam kung ano ang boung kuwento. Pero ang tanging alam ko na ang pera na inilaan na sana ay itulong sa mga magsasaka para ibili ng fertilizer ay ginastos para sa presidential na candidacy sa ating “kagalanggalang” na pangulo. Ewan kung totoo ba ito o imbentong kwento lang. Mahirap humusga ng tao lalo pa’t wala tayong sapat na ebedensya. Sabagay ang dali lang naman magpatawag ng media at buong dangal haharap sa camera upang sabihin lang ang,”I’m sorry!”





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.