Dahil ako ay may trabaho, araw-araw akong nabiyahe maliban lang sa araw ng Linggo. Minsan ang masakyan ko ay bus, minsan din mini-bus pero kadalasan jeep. Para sa akin, mas ayos, mas komportable at higit sa lahat mas safety sakyan ang bus. Kung sakali magkaroon ng banggaan hindi masyadong lugi dahil may kalakihan.
Kanina lang umaga habang ako’y sakay sa jeep, may nakita ako sa tabi ng daan na nakaagaw sa aking pansin. Isang ten-wheeler truck na yupi ang unahan at isang jeep na hindi na mukhang jeep. Kung wala lang nakakabit na apat na gulong, baka akalain mo’y pangkaraniwang lang na patapon na bakal ang jeep at sinadyang niyupi lang ng magbabakal para ipa-kilo.
Nakakakilabot! Kung nakita mo lang ang nakita ko, malamang mapaisip ka rin at maitanong sa sarili kung may buhay pa kaya sa mga sakay nito? Hindi lang yun ang unang beses nakakita ako ng aksedente sa daan, pero para sa akin yun na ata ang pinakamalubha. Ayon sa katrabaho ko, sa labingtatlong sakay daw sa jeep, dalawa lang ang nakaligtas at labing-isa ang namatay kasama na dun ang drayber.
Sa mga nakita ko, hindi ko mapigilan ang mapaisip ng masama. Seguro masyado akong praning pero sa katotohanang araw-araw akong nasakay at nababa sa jeep, hindi malayong mangyari din sa akin ang sinapit sa mga sakay nun. Oo nga naman, paano kaya kung isa ako sa mga sakay nun, saan kaya ako mapabilang? Sa dalawang sinuwerte at nakaligtas o sa labing-isang nasawi?
Paano kaya kung ako ay mamatay, ilan kaya ang iiyak? Ilan kaya ang tatawa? Gaano kaya kasakit ang maramdaman habang unti-unting hiniwa ng kareta ni Kamatayan ang leeg? Kung totoong may langit at impyerno, saan kaya ako mapapunta? Kumusta kaya ang naging buhay ko dito sa lupa? Ako kaya ay naging makabuluhang nilalang o katulad lang ako sa nasagasaang tae ng aso na walang kakwenta-kwenta?
Kung ako ay mawala, gaano kaya katagal mangulila sila Mama at Papa? Ako kaya ay naging mabuting anak at lumaki ayon sa kanilang kagustuhan? Ang mga kapatid ko, ano kaya ang maging reaksyon nila? Iiyak din kaya sila? Ma-miss din kaya ako ng aking mga kaibigan? Dadalaw kaya sa burol ko ang aking mga ex-girlfriend? Manghihinayang kaya sila sa buhay ko at masabi nilang: sana noon ka pa namatay, bakit ngayon lang? Ang aking special someone, iiyak kaya? Ano kaya ang hitsura nya kung umiiyak? At paano? Basta nalang ba tutulo ang luha na parang naghiwa lang ng sibuyas o gugulong pa sa sahig na parang 6 year old na inagawan ng laruan? Ang aking mga katrabaho, ano kaya ang maalala nila sa akin? Maalaala kaya nila ako bilang ako na “mabait” at laging seryoso o bilang Dodong na palabiro at loko-lokong tsonggo?
Dahil sa kapakanan ng kwentohang kamatayan, gusto kong isama ang kwento tungkol ni St. Francis De Assisi. Minsan daw si St. Francis ay nakitang nag-aserol sa kanyang garden. Siya ay tinanong sa isang dumaang usesero.
“Francis, paano kung malaman mo na mamatay kana mamayang hapon, ano ang gagawin mo?”
Medyo mahirap na
tanong. Pero walang kautal-utal itong sinagot ni St. Francis.
“Kung malaman kong mamatay na ako mamayang hapon, ipagpatuloy ko parin ang aking pag-aaserol.”
Nakakabilib! Ganun kahanda si St. Francis mamatay. Yung tipong parang wala lang. Hindi na siya nabahala.
Ako naman, totoo, hindi ako segurado kung ano ang mangyari kapag mawala ako. Pero ito lang ang segurado ako: napakaiksi lang ng buhay at lahat tayo ay mamatay. Dahil hindi natin pagmamay-ari ang ating buhay, kahit anong oras pwede itong bawiin sa atin ng tunay na Nagmamay-ari. Pwede ngayon, mamaya, bukas o sa makalawa. Ang kamatayan ay parang si Lupen. Isang magaling na magnanakaw na bigla nalang susolpot sa hindi mo inaasahang oras at panahon.
Kung ikaw ang tanungin ko, handa ka nabang mamatay? Paano kung pag-exit mo ngayon sa blog ko ay katapusan mo na?
Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.
Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.