Lunes, Hunyo 13, 2011

Lumulubog Ba Ang Tubig

Mayroong nakakahiyang-nakakatawang nangyari sa buhay ko dito sa Luzon. Hindi ko talaga makakalimutan yun. Ito ikuwento ko sa iyo...

Minsan may costumer na lumapit at kumausap sa akin. Medyo matanda na. Seguro nasa 60’s ang kanyang edad, babae at nakasalamin. Ang pakay sa paglapit ay para itanong kung ano ba daw gawin para hindi madaling mamatay ang isda. Bale, technique daw sa pag-aalaga. Linawin ko lang...hindi isda yung niluluto at kinakain. Kundi isda yung nilalagay sa aquarium. Sa petshop kasi ako nagtatrabaho dati.

Syempre sinagot ko naman siya sa maginoong paraan na maypagka-veterinarian. Sabi ko, “Madali lang yun ma’am! Kunti-konti lang ang pagbigay niyo ng pagkain sa isda. Kapag marami kasi, kain lang sila ng kain. Ang isda kasi ay para ding bata. Sa tuwing busog na busog, susuka ang mga iyon. Dahil sa suka nila, LUMULUBOG ang tubig. Dahil MALUBOG ang tubig, magkaroon ng kakulangan ng sapat na oxygen sa loob. Mahirapan silang huminga sa loob ng aquarium.” Tanda ko utal-utal pa ako nang sinabi ko yun.

Sa hindi ko maipaliwanag na kadahilanan, biglang kumunot ang noo ng matandang babae sabay titig ng matalim sa akin. Sa sobrang talim, pwede mo nang ipang-ahit ng bigote. Nabasa ko sa kanyang mukha. Kunti na lang ang kulang, puputang inahin na niya ako. Oo nga ba naman, may tubig bang lumulubog? Huli na nang mapansin kong nabisaya ko pala siya. Sino nga ba namang matanda ang matuwa kapag sagutin mo na parang paloko. Pero hindi ko siya niloloko. Sa amin kasi sa bisaya ang salitang LUBOG ay katumbas sa salitang tagalong na LABO. Kaya tuloy ang akala seguro ng matanda tinatarantado ko lang siya.

Anak ng tiyanak! Habang ako’y namumutla at parang tinirik na kandila, sa likod ko naman ang pinsan kong halos lumulobo na ang mukha at maluha-luha na ang mga mata sa kakapigil ng tawa. Nung time na yun halos nawalan ako ng ulirat na parang bang dinala sa ibang dimension. Namalayan ko nalang wala na sa harap ko ang matanda. Kung siya ba ay dinala sa hanging itim? Lumipad? O nagteleportation? Ewan. Basta hindi ko namalayan ang kanyang pag-alis.

Yan ang unforgettable experience ko. Tanda ko, 3:30 yun ng hapon nangyari at Lunes, petsa 6 sa buwan ng Disyembre taong 2004. O kitams, hindi ko nga talaga makakalimutan yun.

Walang kwenta ang kuwento ko noh?Hahhaaay!(hikab)
Pero itong kasunod, interesante ‘to. Sekretong malupit kaya wag mong ipagkalat.Hahhaaay!!(hikab uli)
Alam mo bang hindi naman talaga si Gloria Arroyo ang nanalo sa 2004 presidential election? Hindi rin si yumaong Fernando Poe at lalong hindi si Eddie Villanueva kundi si Eddie Gil!
Paano nangyari yun?

Yan sana ang sunod kung ikuwento sayo kung hindi lang ako INAANTOK ngayon. Hahhaaayy!!! (hikab naman uli)

 Tulog muna ako.





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.