Dahil sa kahirapan. Tulak na rin sa opurtunidad. Itinigil ko ang pagtatahi ng sapatos. Tinigil ko na rin ang pagawa ng mga handicrafts. Pinagkasya ko sa maliit na bag ang mga luma’t kunting kong damit. Tapos, nagpaalam kay mama at papa. Umiyak si mama pero buo na ang desisyon ko. Tanging bagyo lang ang makapagpigil sa akin. Dahil walang bagyo, natuloy ako.
Nilisan ko ang amin, pasan ang pag-asa.
Bitbit ang simpleng pangarap.
Dumating ako sa Taguig mga second week ng November. Nagtrabaho ako sa Petshop. Php 2,500 ang buwan. Every 15 days ang suweldo.
Libre ang tirahan.
Libre ang tubig.
Libre ang kuryente.
Pero hindi ang pagkain.
Umikot ang araw. Suweldohan. Laking tuwa ko nang mahawakan ko ang una kong suweldo: Php 1,250. Kahit may mga raket ako dati pero hindi umabot ng ganung kalaki. Wag kang tumawa. Hindi ako nagbibiro. First time kong humawak ng ganung kalaking pera.
Malaking pera. Yun ang inakala ko noong una. Sa lugar kung saan ako galing, napakalaki na ang 1,250 pero sa Taguig-lugar kung saan sentro ng komersyalismo, halos barya lang ang suweldo ko. Kahit pinoy na pinoy, sinikap kong mamuhay intsik para makaipon at makatipid. Kuripot ika nga pero wala akong pakialam. Noodles, itlog, noodles, itlog, noodles, itlog, minsan gulay, himala kung may isda, tuwing eclipse lang kung may karne. Kung anu-ano nalang eksperimento ang ginawa ko sa noodles para lang magbago ang lasa. Nilagyan ko ng pechay, sibuyas, malunggay at kung anu-ano pang pumasok sa isip ko. Pero wala e, noodles parin ang lasa.
Second week ng December. Same year.
Mag-iisang buwan na akong nagtrabaho. Tiningnan ko ang aking wallet, tanging si Ninoy nalang ang natira. Buong 500. Tanghali nun. Kung gaano kalungkot si yumaong Ninoy sa picture ganun din ang aking tanghalian. Walang ulam. Naisip ko, mamayang hapon suweldohan naman saka nalang ako bibili ng ulam. Ayaw kong bawasan ang aking ipon. Commitment ko yun sa sarili na bawat suweldo, magtira ako ng 500. Total may paraan naman. Ginamit ko ang pagka-creative. Binalatan ko ang luya. Kumuha ng asin. Kainan na!
Taimtim akong kumain habang dinamdam ang anghang ng luya at alat ng asin nang pumasok ang pinsan ko.
“Ano ang ulam mo?”,tanong niya.
“Luya.”, sabi ko.
“Ha? Inoulam mo ang luya? Naranasan ko na ang mag-ulam ng sibuyas, suka at toyo pero luya hindi pa. Ngayon ko lang narinig na pwede pala ulamin ang luya”, sinabi niya yun habang tumatawa.
At hindi lang basta tawa. Mala-Jim Carrey ang dating. Hindi ko alam kong nanlait ba o naawa.
Kahit anong pilit, pero 500 lang ang matira sa aking bawat suweldo. Bale sa isang buwan, makaipon ako ng 1,000 sa sweldo kung 2,500. Napakaliit.
Sabi ng kaibigan kong kinumusta ko sa text, “mas ok na ang ganito kaysa mag-araro”. Seguro nga. Tama siya.
Atleast may pagbabago.
December 22 ata yun. Hindi ako segurado.
Basta mga ilang araw yun bago magpasko. Pinadala ko sa amin ang tanging naipon kong 1,000. Nakitext lang ako sa pinsan ko para sa control number upang makuha nila Mama ang pera. Dahil wala akong cellphone nun at wala din sila mama, wala ako masyadong communication sa kanila. Hindi ko nga matandaan kung nagreply ba sila kung nakuha naba ang pera. Pero dahil may tiwala ako sa kapitbahay namin dun, alam kong sinabi niya kay mama ang text ko.
Pasko ko nun.
First time kung mag-celebrate ng pasko na hindi kasama sila mama at papa. Nakakalungkot. Ini-imagine ko nalang na sila ok dun at masaya habang ako’y nakahiga at nakatitig sa kisame. Hindi bale ang kalagayan ko. Sila ang importante. Pero ok lang naman ako. Ganyan talaga ang buhay. Ipinanganak na mahirap kaya kailangang magtiis. Ang motto kong: Honesty is the best policy ay pinalitan ko ng: A determined man is willing to shed tears and to sweat blood as a short term sacrifices for a long term success.
Mga ilang araw pagkatapos ng pasko.
Tumawag ako sa amin. Nagkausap kami ni mama.
Sabi ni mama sa phone,
“Dong, salamat sa gipadala nimong 1000. Wala gyud me kwarta ni papa nimo karong paskoha. Ang plano unta namo ato, maglung-ag lang me ug kamote para Notche Buena.”
(Translation para sa mga tagalong: Toy, salamat sa pinadala mong 1000. Wala talaga kaming kapera-pera ng tatay mo nitong pasko. Ang balak lang naming nun, maglaga nalang sana kami ng kamote para notche Buena)
Habang narinig ko yun, pinipigilan kong tumulo ang aking sipon at luha. Biglang bumigat ang aking mga balikat. Parang tumalon ang kaluluwa ko mula sa katawan. Napasandal ako sa dingding. Humihinga ng malalim at napatingala. Pakiramdam ko’y sinampal ako ng kahirapan. Ang hapdi ng katotohanan. Napakahirap ang pagiging mahirap.
Sa kabilang banda, kahit papano’y nagkaroon ng kabuluhan ang aking pagtitipid. Nagkaroon ng bagong mukha ang aking pagtitiis. Nabinyagan ng bagong kahulugan ang pag-ulam ko minsan ng luya at asin.
Sa kabilang banda, kahit papano’y nagkaroon ng kabuluhan ang aking pagtitipid. Nagkaroon ng bagong mukha ang aking pagtitiis. Nabinyagan ng bagong kahulugan ang pag-ulam ko minsan ng luya at asin.
Ngayon kung makakita ako ng luya at asin, hindi ko na maalala ang anghang ng luya ni ang alat ng asin. Tanging bumalik sa aking isipan ay ang tamis ng pagkakataon na minsan may ginawa akong may kabuluhan.
Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento
Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.