Martes, Hunyo 21, 2011

Naudlot Na Pag-ibig

Sa tuwing makaramdam ako ng gutom, titingin lang ako sa harapan at bandang kanan ng aking puwesto. Andun kasi siya nakatayo. Makita ko lang ang kanyang maamong mukha, aba’y busog na busog na ako. Dagdagan pa ng kanyang matatamis na ngiti, naku, para narin akong may dessert. Wish ko lang hindi ako magkadiabetes sa sobrang tamis.

Maganda siya. Pero hindi naman artistahin ang dating. Nakuha niya ang aking atensyon dahil sa kanyang kasemplehan. Iba siya sa mga babaeng nakilala ko. Nakapolbo lang at may kunting lipstick. Simpleng-simple. Hindi katulad sa iba na animo’y clown sa daming mga kulay na ipinapahid sa mukha. Hindi rin mahilig magsout na kung ano-ano sa katawan kaya hindi mukhang christmas tree. At meron pa siyang ibang mga katangiang gusto ko pero hirap kong e-explain. Ewan ko. Basta ibang-iba siya. Insakto sa height, maputi, medyo slim, simple manamit pero sexy.

Nagsimulang magkalapit ang aming landas nang minsan napansin niya akong nakatitig sa kanya. Nagkasalubong ang aming tingin. Nginitian ko siya. Siya nama’y lumingon. Pero hindi ibig sabihin nun ayaw niya. Lumingon lang para kumpermahin kung sa kanya ko ba inaalay ang mala-Erap na smile. Dahil wala namang ibang tao sa kanyang likod, obviously para sa kanya yun. Gumanti rin siya ng ngiti. Sa kalaunan, nalaman ko ang kanyang pangalan. Anne ang tawag sa kaniya. Good start! 

Magkalapit lang kami ni Anne sa production area na aming pinagtatrabahoan. Seguro limang dipa lang ang distansiya mula sa tatlong machine na aking ino-operate.
Hindi biro ang mag-operate ng tatlong machine. Nakakapagod. Minsan panay error pa kaya laging nag-aalarm. Kapag may problema ang machine, hindi maiwasang sasakit ang ulo. Pero sa tuwing magkasalubungan ang aming tingin, talo ko pa ang naka-extra joss at naka-redbull. In an instant, tanggal agad ang pagod. Sabayan pa iyon ng kanyang ngiti, nah! dolfenal na yun para sa akin at solve na ang sakit ng ulo at buwisit na araw ko. Ang tindi ng kanyang dating. Parang Colt 45 .
Ooops, linawin ko lang. Hindi ako nag-endorso ng produkto dito.
 

Syempre hindi ako papayag na hanggang dun nalang. Hanggang titigan at ngitian lang. Higit pa nun ang pinapangarap ng puso ko. Kaya nilapitan ko siya para hingin ang kanyang number. Kaso tutol ata ang tadhana. Panggabi ang sched ko nun, siya naman pang-umaga. Nang lumapit ako sa kanya, biglang tumunog ang 6:00a.m. na bell. Ibig sabihin nun, uwian ko na at magsimula na ang kanilang meeting. Lingon ako ng lingon para maghanap ng papel pero wala talaga akong makita. Nataranta na ako. Naisip ko, sa palad ko nalang isulat. Pero parang napaka-informal naman ata. Baka isipin nyang bastos akong tao o di kaya’y burara. Medyo naabala ko na siya. Napahipo ako sa ulo. Litsugas na buhay. Hinihintay niya ako. Wala akong makita. Nung sandaling iyon isa lang ang dasal ko: umulan ng papael.
Sabi ko nalang, bukas ko nalang hingin uli ang number mo. Tumango siya then nag-smile. Wow! Parang iba na ang kislap ng kanyang mga mata. Kitang-kita ko. Tapos biglang nagbago ang aking paligid, may liwanag, may musika akong narinig. Umalingawngaw sa aking tenga. Boses ng mga nagkakantahang anghel.
Heaven!!!
Ewan ko kung bunga lang ba yun ng puyat at walang tulog. O nanaginip na ako nun. Hahaaaay, pag umiibig ka nga na naman!
 

Kinabukasan, nakuha ko rin ang kanyang number. Dun ko siya medyo nakilala sa text. Oo, sa text lang. Hindi ko kasi magawang sumabay sa kanya pauwi kasi magkaiba ang way namin. At kung ihatid ko man, baka aabotin ako ng apat na oras bago makauwi dahil may kalayuan. Pero kung gustuhin ko, may paraan kaso hindi ako naghanap. Yan ang pagkakamali ko nun. Lagi akong hindi nag-eeffort.
Pero kahit text lang, ramdam kong lumalim ang kung anong turingan namin sa isa’t-isa. Sa tuwing uwian niya dahil walang siyang OT at ako meron, tanaw kong pasimpleng itinataas niya ang kanyang mga kamay. Ginagalaw naman ng bahagya ang kanyang mga daliri. Ang kanyang mga maninipis at mapupulang labi ay may sinasabi. Kahit medyo malabo ang aking paningin pero malinaw ang ibig sabihin nun,”ba-bye”.
Ganun lagi ang eksena namin bago siya umuwi. Magpaalam siya sa akin. Bagay na hindi ginagawa ng typical na magkakaibigan. Ramdam ko, lumalaki ang chance ko. Kunting pagporsege at malaking katapangan at lakas ng loob, mapa-OO ko na yun. Ayos!!!!
 

>>may karugtong pa!





Note: Re-post. Sinulat ko 'to matagal na.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Feel free to leave comments.
Kahit negatibo ay ok lang basta wag ka lang maging bastos.
Sa kabilang banda, naniwala naman ako na lahat ng marunong gumamit ng computer ay edukado.